Jeremias 42
Magandang Balita Biblia
Hiniling ng mga Tao na Ipanalangin Sila ni Jeremias
42 Lumapit kay Jeremias si Johanan na anak ni Karea, si Azarias na anak ni Hosaias, ang iba pang pinuno ng hukbo, at lahat ng mamamayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila. 2 Ang pakiusap nila sa propeta, “Idalangin ninyo kami kay Yahweh na inyong Diyos, ang lahat ng natirang ito. Kakaunti na lamang kaming natira ngayon tulad ng nakikita ninyo. 3 Hilingin po ninyo na ituro niya sa amin ang nararapat naming puntahan at gawin.”
4 Sinabi sa kanila ni Jeremias, “Oo, idadalangin ko kayo kay Yahweh at sasabihin ko sa inyo kung ano ang sagot niya. Wala akong ililihim na anuman.”
5 Sinabi pa nila kay Jeremias, “Parusahan kami ni Yahweh kapag hindi namin ginawa ang sasabihin niya. 6 Mabuti man ito o hindi, susundin namin ang sasabihin ni Yahweh sapagkat alam naming mapapabuti kami kung susunod sa kanyang salita.”
Tinugon ni Yahweh ang Dalangin
7 Pagkaraan ng sampung araw, tinanggap ni Jeremias ang pahayag ni Yahweh. 8 Kaya tinawag niya si Johanan, ang lahat ng pinuno ng hukbong kasama nito, at ang lahat ng mamamayan, mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila. 9 Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa inyong kahilingan: 10 Kung kayo'y mananatili sa lupaing ito, pagpapalain ko kayo at hindi ipapahamak; itatanim at hindi bubunutin. Nalulungkot ako dahil sa kapahamakang ipinadala ko sa inyo. 11 Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia sapagkat ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo. 12 Kaaawaan ko kayo upang kaawaan din niya at payagang manatili sa inyong lupain. 13 Datapwat kapag sinuway ninyo ang mensahe ni Yahweh na inyong Diyos, kapag hindi kayo nanatili rito, 14 at sa halip ay pumunta kayo sa Egipto, sa paniniwalang walang digmaan doon, at hindi kayo magugutom, 15 ito ang sinasabi ko sa inyo: Kayong nalabi sa Juda, kapag kayo'y pumunta at nanirahan sa Egipto, 16 aabutan kayo roon ng kaaway na inyong kinatatakutan; daranas kayo ng taggutom na inyong pinangangambahan, at doon kayo mamamatay. 17 Lahat ng maninirahan doon ay mamamatay sa digmaan, sa gutom, at sa salot. Walang makakaligtas sa inyo.”
18 Sinabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Kung paano ko ibinuhos sa Jerusalem ang aking galit at poot, gayon ko ito ibubuhos sa inyo, kapag kayo'y pumaroon sa Egipto. Kayo'y katatakutan, pagtatawanan, susumpain, at hahamakin. At hindi na ninyo makikita pa ang lupaing ito.
19 “Akong si Yahweh ang nagsasabi sa inyo, kayong nalabi sa Juda, na huwag kayong pupunta sa Egipto. Tandaan ninyo, 20 mamamatay kayo kapag kayo'y sumuway. Si Jeremias ay sinugo ninyo upang dumalangin sa akin; sinabi ninyo na inyong gagawin ang anumang sasabihin ko. 21 Ipinahayag ko naman ito sa inyo ngayon, subalit hindi ninyo tinutupad ang ipinapasabi ko. 22 Ngayon nga'y tinitiyak ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa digmaan, sa gutom, at sa salot na aking ipadadala sa lugar na ibig ninyong puntahan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.