Jeremias 41
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
41 Si(A) Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama ay mula sa lahi ng hari at isa sa matataas na pinuno sa palasyo. Noong ikapitong buwan ng taóng iyon, pinuntahan nila si Gedalias sa Mizpa, kasama ang sampu niyang tauhan. At habang sila'y kumakain, 2 tumayo si Ismael at ang sampung tauhan nito at sinunggaban si Gedalias. Pinatay nila ang hinirang ng hari ng Babilonia sapagkat ginawa itong gobernador ng lupain. 3 Pinatay rin ni Ismael ang mga Judiong kasama ni Gedalias sa Mizpa, pati ang mga kawal na taga-Babilonia na nagkataong naroon.
4 Kinabukasan, matapos patayin si Gedalias, at bago pa nalaman ng sinuman, 5 may walumpung kalalakihang dumating buhat sa Shekem, Shilo, at Samaria. Ahit ang kanilang balbas, punit ang damit, at pawang sugatan; may dala silang trigo at insenso upang ihandog sa Templo ni Yahweh. 6 Lumabas mula sa Mizpa si Ismael; umiiyak siyang sumalubong at ang sabi, “Pumasok kayo, naririto si Gedalias na anak ni Ahicam.” 7 Pagkapasok nila sa lunsod, sila'y pinatay ni Ismael at ng mga tauhan nito, at itinapon sa isang hukay ang mga bangkay.
8 May sampung lalaking hindi napatay, at sila'y nakiusap kay Ismael, “Huwag mo kaming patayin. Marami kaming nakaimbak na trigo, sebada, langis, at pulot-pukyutan. Nakatago ang mga ito sa kabukiran.” Kaya, naawa siya at hindi sila pinatay. 9 Ang malaking hukay na ipinagawa ni Haring Asa ng Juda nang pagbantaan siyang salakayin ni Haring Baasa ng Israel ay napuno ng mga bangkay na itinapon doon ni Ismael. 10 Pagkatapos, binihag ni Ismael ang lahat ng nasa Mizpa—ang mga anak na babae ng hari at ang mga mamamayang iniwan ni Nebuzaradan sa pamamahala ni Gedalias. At sila'y umalis patungo sa lupain ng Ammon.
11 Nabalitaan ni Johanan, at ng mga kasama niyang pinuno at mga kawal ang kasamaang ginawa ni Ismael. 12 Isinama nila ang lahat ng kanilang tauhan at hinabol si Ismael; inabutan nila ito sa may malaking deposito ng tubig sa Gibeon. 13 Gayon na lamang ang tuwa ng mga bihag ni Ismael nang makita si Johanan at ang kanyang mga tauhan. 14 At silang lahat ay nagtakbuhan papunta kay Johanan. 15 Subalit si Ismael, kasama ang walo niyang tauhan, ay nagtuloy sa lupain ng mga Ammonita.
16 Tinipon ni Johanan at ng mga pinunong kasama niya ang mga bihag na dala ni Ismael mula sa Mizpa, matapos patayin si Gedalias. Kabilang dito'y mga kawal, babae, bata, at eunuko; silang lahat ay ibinalik ni Johanan buhat sa Gibeon. 17 Nagpunta sila at tumigil sa Gerut-quimam, malapit sa Bethlehem, subalit may balak na magtuloy sa Egipto. 18 Natatakot silang paghigantihan ng mga taga-Babilonia dahil sa ginawa ni Ismael kay Gedalias, na inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador ng Juda.