Jeremias 37
Magandang Balita Biblia
Ang Kahilingan ni Zedekias kay Jeremias
37 Si(A) Zedekias na anak ni Haring Josias ang inilagay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia bilang hari ng Juda, kahalili ni Conias, na anak ni Haring Jehoiakim. 2 Ngunit ang pahayag ni Yahweh na ipinapasabi kay Propeta Jeremias ay hindi rin dininig ni Zedekias, ng kanyang mga pinuno, at ng mga tao.
3 Inutusan ni Haring Zedekias si Jehucal, anak ni Selemias, at ang paring si Zefanias na anak ni Maasias, upang hilingin kay Jeremias na idalangin kay Yahweh ang bansa. 4 Hindi pa nabibilanggo si Jeremias nang panahong iyon; kaya malaya pa siyang nakakausap ang mga tao. 5 Samantala, lumabas na ng Egipto ang hukbo ng Faraon upang tumuloy sa Juda. Nang mabalitaan ito ng hukbo ng Babilonia na sumasalakay sa Jerusalem, iniwan muna nila ito upang harapin ang mga Egipcio.
6 Noon sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 7 “Sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa iyo upang sumangguni sa akin, ‘Ang hukbo ng Faraon na inaasahan mong darating upang tumulong sa inyo ay babalik sa Egipto. 8 At ang mga taga-Babilonia ay babalik. Muli nilang sasalakayin ang lunsod, sasakupin at susunugin. 9 Akong si Yahweh ay nagbababala sa iyo. Huwag mong dayain ang iyong sarili. Huwag mong akalaing ligtas ka na sa mga taga-Babilonia. Tiyak na babalik sila. 10 At kahit na matalo mo pa ang buong hukbo ng Babilonia, kahit walang matira sa kanila kundi ang mga sugatang nasa kanilang mga tolda, babangon ang mga ito at sasakupin nila ang lunsod at tuluyang susunugin!’”
Ibinilanggo si Jeremias
11 Nang umatras ang mga taga-Babilonia upang harapin ang hukbo ng Faraon na sasaklolo sa Jerusalem, 12 binalak ni Jeremias na pumunta sa lupain ng Benjamin para kunin ang kanyang bahagi sa ari-arian ng kanyang sambahayan. 13 Ngunit pagsapit niya sa Pintuan ng Benjamin, pinigil siya ng pinuno ng pintuan na si Irijas, anak ni Selemias at apo ni Hananias at sinabi sa kanya, “Tumatakas ka upang kumampi sa mga taga-Babilonia!”
14 Sumagot si Jeremias, “Hindi totoo ang bintang mo. Hindi ako kumakampi sa kanila!” Subalit ayaw maniwala ni Irijas; dinakip niya si Jeremias at dinala sa mga pinuno. 15 Galit na galit ang mga ito kay Jeremias; siya'y ginulpi saka ibinilanggo sa bahay ni Jonatan, ang kalihim ng hari. Ang bahay niya ay ginawang bilangguan. 16 Ikinulong si Jeremias sa isang selda sa ilalim ng lupa at matagal na pinigil doon.
Kinausap ni Zedekias si Jeremias
17 Isang araw, ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias at pagdating nito ay kanyang palihim na tinanong, “May pahayag ka ba mula kay Yahweh?” Sumagot si Jeremias, “Mayroon. Ikaw ay bibihagin ng hari ng Babilonia.” 18 Pagkatapos ay itinanong pa ni Jeremias, “Anong kasalanan ang nagawa ko sa iyo o sa iyong mga pinuno o sa mga taong-bayan at ako'y iyong ipinabilanggo? 19 Nasaan ngayon ang iyong mga propeta na nagsabi sa iyo na hindi sasalakayin ng hari ng Babilonia ang bansang ito? 20 Kaya ngayon, mahal na hari, isinasamo kong pakinggan mo ang kahilingan ko. Huwag na po ninyo akong ibalik sa bahay ni Jonatan na iyong kalihim. Ako po'y tiyak na mamamatay doon.”
21 Kaya iniutos ni Haring Zedekias na dalhin si Jeremias sa himpilan ng mga bantay at dalhan siya roon ng isang pirasong tinapay araw-araw hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod. Kaya sa himpilan ng mga bantay nanatili si Jeremias.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.