Jeremias 36
Ang Biblia, 2001
Binasa ni Baruc ang Balumbon sa Loob ng Templo
36 Nang(A) ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, ang salitang ito ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,
2 “Kumuha ka ng isang balumbon, at isulat mo doon ang lahat ng salita na aking sinabi sa iyo laban sa Israel, laban sa Juda, at laban sa lahat ng mga bansa, mula nang araw na magsalita ako sa iyo, mula nang mga araw ni Josias hanggang sa araw na ito.
3 Marahil ay maririnig ng sambahayan ni Juda ang lahat ng kasamaan na aking pinanukalang gawin sa kanila, at humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad, upang aking maipatawad ang kanilang kasamaan at kasalanan.”
4 Pagkatapos ay tinawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Nerias, at sinulat ni Baruc sa isang balumbon mula sa bibig ni Jeremias ang lahat ng salita ng Panginoon na sinabi niya sa kanya.
5 At inutusan ni Jeremias si Baruc, na sinasabi, “Ako'y nakakulong. Hindi ako makakapasok sa bahay ng Panginoon;
6 kaya't pumunta ka, at sa isang araw ng pag-aayuno ay basahin mo sa pandinig ng buong bayan ang mga salita ng Panginoon mula sa balumbon na iyong pinagsulatan mula sa aking bibig. Babasahin mo rin ang mga ito sa pandinig ng lahat ng mga taga-Juda na lumalabas sa kanilang mga bayan.
7 Marahil ay makakarating ang kanilang karaingan sa harapan ng Panginoon, at humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad; sapagkat malaki ang galit at poot na binigkas ng Panginoon laban sa sambayanang ito.”
8 Ginawa nga ni Baruc na anak ni Nerias ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ni Jeremias na propeta tungkol sa pagbasa mula sa balumbon ng mga salita ng Panginoon sa bahay ng Panginoon.
9 Nang ikalimang taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, nang ikasiyam na buwan, lahat ng tao sa Jerusalem, at ang lahat ng taong dumating sa Jerusalem mula sa mga bayan ng Juda ay nagpahayag ng pag-aayuno sa harapan ng Panginoon.
10 At sa pandinig ng buong bayan ay binasa ni Baruc mula sa balumbon ang mga salita ni Jeremias, sa bahay ng Panginoon, sa silid ni Gemarias na anak ni Safan na kalihim, na nasa mas mataas na bulwagan sa pasukan ng Bagong Pintuan ng bahay ng Panginoon.
Ang Balumbon ay Binasa sa mga Pinuno
11 Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemarias, na anak ni Safan, ang lahat ng salita ng Panginoon mula sa balumbon,
12 siya'y bumaba sa bahay ng hari patungo sa silid ng kalihim. Lahat ng mga pinuno ay nakaupo roon: si Elisama na kalihim, si Delaias na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Zedekias na anak ni Hananias, at ang lahat ng mga pinuno.
13 Sinabi sa kanila ni Micaya ang lahat ng mga salitang narinig niya nang basahin ni Baruc ang balumbon sa pandinig ng taong-bayan.
14 At sinugo ng lahat ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias, na anak ni Shelemias, na anak ni Cushi, upang sabihin kay Baruc, “Kunin mo ang balumbon na iyong binasa sa pandinig ng taong-bayan, at pumarito ka.” Kaya't kinuha ni Baruc na anak ni Nerias ang balumbon at pumaroon sa kanila.
15 Sinabi nila sa kanya, “Umupo ka at basahin mo iyan.” Binasa naman iyon ni Baruc sa kanila.
16 Nang kanilang marinig ang lahat ng mga salita, sila'y takot na humarap sa isa't isa, at sinabi nila kay Baruc, “Dapat nating iulat ang lahat ng salitang ito sa hari.”
17 At kanilang tinanong si Baruc na sinasabi, “Sabihin mo sa amin, paano mo isinulat ang lahat ng salitang ito. Mula ba sa kanyang bibig?”
18 Sumagot si Baruc sa kanila, “Binigkas niya ang lahat ng salitang ito sa akin mula sa kanyang bibig, at isinulat ko naman iyon ng tinta sa balumbon.”
19 Nang magkagayo'y sinabi ng mga pinuno kay Baruc, “Umalis ka at magtago, ikaw at si Jeremias, at huwag mong ipaalam kahit kanino ang inyong kinaroroonan.”
Sinunog ng Hari ang Balumbon
20 Kaya't sila'y pumasok sa bulwagan ng hari, pagkatapos nilang mailagay ang balumbon sa silid ni Elisama na kalihim; at kanilang iniulat ang lahat ng mga salita sa hari.
21 Pagkatapos ay sinugo ng hari si Jehudi upang kunin ang balumbon, at ito'y kanyang kinuha sa silid ni Elisama na kalihim. Ito'y binasa ni Jehudi sa hari at sa lahat ng pinuno na nakatayo sa tabi ng hari.
22 Noon ay ikasiyam na buwan at taglamig at ang hari ay nakaupo sa loob ng bahay at may apoy sa apuyan na nagniningas sa harap niya.
23 Pagkabasa ni Jehudi ng tatlo o apat na hanay, ang mga iyon ay pinuputol ng hari sa pamamagitan ng patalim at inihahagis sa apoy na nasa apuyan, hanggang sa ang buong balumbon ay natupok sa apoy na nasa apuyan.
24 Gayunman, maging ang hari o alinman sa kanyang mga lingkod na nakarinig ng lahat ng mga salitang ito ay hindi natakot o pinunit man ang kanilang mga suot.
25 Kahit nakiusap sina Elnatan, Delaias, at Gemarias sa hari na huwag sunugin ang balumbon, ay ayaw niyang makinig sa kanila.
26 At iniutos ng hari kina Jerameel na anak ng hari, kay Seraya na anak ni Azriel, at kay Shelemias na anak ni Abdeel na hulihin si Baruc na kalihim at si Jeremias na propeta. Ngunit ikinubli sila ng Panginoon.
Ang Balumbon ay muling Isinulat ni Jeremias
27 Pagkatapos na masunog ng hari ang balumbon na sinulatan ni Baruc ng mga salitang mula sa bibig ni Jeremias, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias, na sinasabi,
28 “Kumuha kang muli ng isa pang balumbon at isulat mo roon ang lahat ng dating salita na nasa unang balumbon na sinunog ni Jehoiakim na hari ng Juda.
29 At tungkol kay Jehoiakim na hari ng Juda ay iyong sasabihin, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Sinunog mo ang balumbon na ito, na iyong sinasabi, “Bakit mo isinulat doon na ang hari ng Babilonia ay tiyak na darating at wawasakin ang lupaing ito, at pupuksain doon ang tao at ang hayop?”
30 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon tungkol kay Jehoiakim na hari ng Juda, Siya'y mawawalan ng uupo sa trono ni David, at ang kanyang bangkay ay itatapon sa labas sa kainitan ng araw at sa hamog ng gabi.
31 Parurusahan ko siya, ang kanyang binhi, at ang kanyang mga lingkod dahil sa kanilang kasamaan. At aking dadalhin sa kanila, sa mga naninirahan sa Jerusalem, at sa mga tao ng Juda, ang lahat ng kasamaan na aking binigkas laban sa kanila, ngunit ayaw nilang makinig.’”
32 Kaya't kumuha si Jeremias ng isa pang balumbon, at ibinigay ito kay Baruc na kalihim, na anak ni Nerias, na sumulat doon mula sa bibig ni Jeremias ng lahat ng mga salita na nasa balumbon na sinunog sa apoy ni Jehoiakim na hari ng Juda; at marami pang katulad na mga salita ang idinagdag doon.