Jeremias 35
Magandang Balita Biblia
Ang Pagkamasunurin ng mga Recabita
35 Nang(A) si Jehoiakim na anak ni Josias ang hari sa Juda, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 2 “Puntahan mo at kausapin ang mga Recabita. Pagkatapos ay dalhin mo sila sa isa sa mga silid sa Templo at bigyan ng alak.” 3 Sumunod naman si Jeremias; pinuntahan niya si Jaazanias, anak ng isa ring nagngangalang Jeremias na anak naman ni Habasinias, pati ang mga kapatid nito at ang buong angkan ng mga Recabita. 4 Sila'y dinala niya sa Templo at pinapasok sa silid ng mga anak ni Hanan, anak ni Igdalias na lingkod ng Diyos. Ang silid na ito'y karatig ng silid ng mga pinuno, at nasa itaas naman ang silid ni Maaseias na anak ni Sallum, isang mataas na pinuno sa Templo. 5 Naglabas si Jeremias ng mga lalagyang puno ng alak at ng mga kopa, at sinabi sa mga Recabita, “Uminom kayo.”
6 Subalit sinabi nila, “Hindi kami umiinom ng alak sapagkat iniutos sa amin ni Jonadab, anak ng aming ninunong si Recab, na huwag kaming iinom ng alak, maging ang aming mga anak. 7 Iniutos din niya na huwag kaming magtatayo ng mga bahay, magbubungkal ng bukirin, at magtatanim ng mga ubasan o bibili ng mga ito. Sinabihan niya kaming manirahan habang buhay sa mga tolda, upang patuloy kaming manirahan sa lupain na pinananahanan namin bilang mga dayuhan. 8 Sinusunod namin ang lahat ng bilin ng aming ninunong si Jonadab. Kahit kailan ay hindi kami uminom ng alak, maging ang aming mga asawa't mga anak. 9 Hindi kami nagtatayo ng bahay, wala kaming mga ubasan, bukirin, o triguhan; 10 sa mga tolda kami nakatira. Sinusunod namin ang lahat ng utos sa amin ni Jonadab. 11 Ngunit nang sakupin ni Haring Nebucadnezar ang bayang ito, nagpasya kaming pumunta sa Jerusalem upang makaiwas sa mga hukbo ng Babilonia at Siria. Kaya naninirahan kami ngayon sa Jerusalem.”
12 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 13 “Sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem: Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Bakit ayaw ninyong makinig sa akin at sumunod sa mga utos ko? 14 Tingnan ninyo ang mga anak ni Jonadab. Hindi sila umiinom ng alak hanggang sa araw na ito, sapagkat gayon ang minsa'y iniutos ng kanilang ninuno. Ngunit ako'y laging nagsasalita sa inyo, hindi naman kayo sumusunod. 15 Lagi akong nagsusugo ng aking mga lingkod na propeta upang sabihin sa inyong talikuran na ninyo ang inyong masamang pamumuhay at gawin ang nararapat. Binabalaan nila kayo na huwag sasamba at maglilingkod sa ibang diyos, upang patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. Ngunit ayaw ninyong makinig sa akin; ayaw ninyo akong pansinin. 16 Ang mga salinlahi ni Jonadab ay sumusunod sa utos ng kanilang mga ninuno, subalit kayo ay hindi sumusunod sa akin. 17 Kaya naman, ipadadala ko na ang mga sakunang aking ibinabala. Gagawin ko ito sapagkat ayaw ninyong makinig sa akin, at ayaw ninyong pansinin ang aking pagtawag. Ako si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel ang maysabi nito.”
18 At sinabi ni Jeremias sa angkan ng mga Recabita, “Ganito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh: Naging masunurin kayo sa utos ng inyong ninunong si Jonadab. Sinunod ninyo ang lahat ng kanyang batas, at tinupad ninyo ang lahat ng iniutos niya sa inyo. 19 Kaya naman, akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel ay nangangako: Ang lahi ni Jonadab na anak ni Recab ay hindi mawawalan ng isang lalaking mamumuno at maglilingkod sa akin.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.