Add parallel Print Page Options

Mensahe para kay Zedekias

34 Ang(A) salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, nang si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang buo niyang hukbo, ang lahat ng kaharian sa daigdig na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan, at ang lahat ng mga bayan ay nakipaglaban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng mga lunsod nito, na sinasabi,

“Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Humayo ka at magsalita kay Zedekias na hari ng Juda, at sabihin mo sa kanya, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon: Ibinibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia, at susunugin niya ito ng apoy.

Hindi ka makakatakas sa kanyang kamay, kundi tiyak na mahuhuli ka at mahuhulog sa kanyang kamay. Makikita mo nang mata sa mata ang hari ng Babilonia, at makikipag-usap sa kanya nang mukhaan, at ikaw ay pupunta sa Babilonia.’

Gayunma'y pakinggan mo ang salita ng Panginoon, O Zedekias, hari ng Juda! Ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa iyo: ‘Ikaw ay hindi mamamatay sa pamamagitan ng tabak.

Ikaw ay payapang mamamatay. Kung paanong nagsunog ng insenso para sa iyong mga magulang na mga dating hari na una sa iyo, gayon sila magsusunog para sa iyo at kanilang tataghuyan ka, na magsasabi, “Ah panginoon!”’ Sapagkat aking sinabi ang salita, sabi ng Panginoon.”

Sinabi ni propeta Jeremias ang lahat ng salitang ito kay Zedekias na hari ng Juda, sa Jerusalem,

nang lumalaban ang hukbo ng hari ng Babilonia laban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng lunsod ng Juda na nalabi, ang Lakish at Azeka; sapagkat ang mga ito lamang ang mga nalabing mga lunsod na may kuta ng Juda.

Dinaya ang mga Alipin

Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, pagkatapos na makipagtipan si Haring Zedekias sa lahat ng taong-bayan na nasa Jerusalem upang magpahayag sa kanila ng kalayaan,

na dapat palayain ng bawat isa ang kanyang aliping Hebreo, babae o lalaki, upang walang sinumang dapat umalipin sa Judio, na kanyang kapatid.

10 At ang lahat ng pinuno at ang lahat ng taong-bayan ay sumunod at nakipagtipan na bawat isa'y palalayain ang kanyang alipin, lalaki man o babae, at hindi na sila muling aalipinin, sila'y tumalima at pinalaya sila.

11 Ngunit pagkatapos ay bumalik sila, at kinuhang muli ang mga aliping lalaki at babae na kanilang pinalaya, at sila'y muling ipinailalim sa pagkaalipin bilang aliping lalaki at babae.

12 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias mula sa Panginoon, na sinasabi,

13 “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Ako'y nakipagtipan sa inyong mga ninuno nang sila'y aking inilabas mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, na sinasabi,

14 ‘Sa(B) katapusan ng pitong taon ay palalayain ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapwa Hebreo na ipinagbili sa iyo, at naglingkod sa iyo ng anim na taon; dapat mo siyang palayain sa paglilingkod sa iyo.’ Ngunit ang inyong mga ninuno ay hindi nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig sa akin.

15 Kamakailan lamang ay nagsisi kayo at ginawa ang matuwid sa aking mga mata sa paghahayag ng kalayaan, bawat tao sa kanyang kapwa. At kayo'y nakipagtipan sa harapan ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan.

16 Ngunit kayo'y tumalikod at nilapastangan ang aking pangalan nang kuning muli ng bawat isa sa inyo ang kanyang aliping lalaki at babae na inyong pinalaya sa kanilang nais, at sila'y inyong ipinailalim upang inyong maging mga aliping lalaki at aliping babae.

17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon: Kayo'y hindi sumunod sa akin sa pagpapahayag ng kalayaan, bawat isa sa kanyang kapatid at sa kanyang kapwa. Narito, ako'y nagpapahayag sa inyo ng kalayaan tungo sa tabak, sa salot, at sa taggutom, sabi ng Panginoon. Gagawin ko kayong isang katatakutan sa lahat ng mga kaharian sa daigdig.

18 At ang mga lalaking sumuway sa aking tipan, at hindi tumupad sa mga salita ng tipan na kanilang ginawa sa harapan ko ay gagawin kong gaya ng guya na kanilang hinahati sa dalawa at pinadaraan sa pagitan ng mga bahagi nito—

19 ang mga pinuno ng Juda, ng Jerusalem, mga eunuko, ang mga pari, at ang lahat ng taong-bayan ng lupain na dumaan sa pagitan ng mga bahagi ng guya

20 ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway at sa mga tumutugis sa kanilang buhay. Ang kanilang mga bangkay ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid at ng mga hayop sa lupa.

21 Si Zedekias na hari ng Juda at ang kanyang mga pinuno ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway, sa mga tumutugis sa kanilang buhay, at sa hukbo ng hari ng Babilonia na umurong na sa inyo.

22 Ako'y mag-uutos, sabi ng Panginoon, at ibabalik ko sila sa lunsod na ito; at ito'y kanilang lalabanan, sasakupin, at kanilang susunugin ng apoy. Gagawin kong sira at walang naninirahan ang mga bayan ng Juda.”

34 Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, nang si Nabucodonosor na hari sa Babilonia, at ang buo niyang hukbo, at ang lahat na kaharian sa lupa na nangasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan, at ang lahat na bayan, ay nakipagbaka laban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng mga bayan niyaon, na nagsasabi,

Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ikaw ay yumaon, at magsalita kay Sedechias na hari sa Juda, at iyong saysayin sa kaniya, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking ibibigay ang bayang ito sa kamay ng hari sa Babilonia, at kaniyang susunugin ng apoy:

At ikaw ay hindi makatatanan sa kaniyang kamay, kundi tunay na mahuhuli ka, at mabibigay sa kaniyang kamay; at ang iyong mga mata ay titingin sa mga mata ng hari sa Babilonia, at siya'y makikipagsalitaan sa iyo ng bibig at ikaw ay mapaparoon sa Babilonia.

Gayon ma'y iyong pakinggan ang salita ng Panginoon, Oh Sedechias na hari sa Juda: ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa iyo, Ikaw ay hindi mamamatay sa pamamagitan ng tabak;

Ikaw ay mamamatay sa kapayapaan; at ayon sa pagsusunog ng kamangyan ng iyong mga magulang na mga unang hari na una sa iyo, gayon sila magsusunog para sa iyo; at kanilang tataghuyan ka, na magsasabi, Ah Panginoon! sapagka't aking sinalita ang salita, sabi ng Panginoon.

Nang magkagayo'y sinalita ni Jeremias na propeta ang lahat ng salitang ito kay Sedechias na hari sa Juda sa Jerusalem,

Nang lumaban ang hukbo ng hari sa Babilonia laban sa Jerusalem, at laban sa lahat na bayan ng Juda na nalabi, laban sa Lechis at laban sa Azeca; sapagka't ang mga ito lamang ang nalalabi na mga bayan ng Juda na mga bayang nakukutaan.

Ang salita na dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, pagkatapos na makipagtipan ang haring Sedechias, sa buong bayan na nasa Jerusalem upang magtanyag ng kalayaan sa kanila;

Na papaging layain ng bawa't isa ang kaniyang aliping lalake, at ng bawa't isa ang kaniyang aliping babae, na Hebreo o Hebrea; na walang paglilingkuran sila, sa makatuwid baga'y ang Judio na kaniyang kapatid.

10 At ang lahat na prinsipe at ang buong bayan ay nagsitalima, na nasok sa tipan, na bawa't isa'y palalayain ang kaniyang aliping lalake, at palalayain ng bawa't isa ang kaniyang aliping babae, na wala nang paglilingkuran pa sila; sila'y nagsitalima, at kanilang pinayaon sila:

11 Nguni't pagkatapos ay nangagbalik sila, at pinapagbalik ang mga aliping lalake at babae na kanilang pinapaging laya, at kanilang dinala sa ilalim ng pagkaaliping lalake at babae.

12 Kaya't ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jeremias na mula sa Panginoon, na nagsasabi:

13 Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Ako'y nakipagtipan sa inyong mga magulang sa araw na aking inilabas sila mula sa lupain ng Egipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, na aking sinasabi,

14 Sa katapusan ng pitong taon ay payayaunin ng bawa't isa sa inyo ang kaniyang kapatid na Hebreo, na naipagbili sa iyo, at naglingkod sa iyo na anim na taon, at iyong palalayain sa iyo: nguni't ang iyong mga magulang ay hindi nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pakinig.

15 At ngayo'y nanumbalik kayo, at nagsigawa ng matuwid sa aking mga mata sa pagtatanyag ng kalayaan ng bawa't tao sa kaniyang kapuwa; at kayo'y nakipagtipan sa harap ko sa bahay na tinawag sa aking pangalan:

16 Nguni't kayo'y tumalikod at inyong nilapastangan ang aking pangalan, at pinabalik ng bawa't isa ang kaniyang aliping lalake, at ng bawa't isa ang kaniyang aliping babae na inyong pinapaging laya sa kanilang ikaliligaya; at inyong dinala sila sa pagkaalipin upang maging sa inyo'y mga aliping lalake at babae.

17 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y hindi nangakinig sa akin, na magtanyag ng kalayaan bawa't isa sa kaniyang kapatid, at bawa't isa sa kaniyang kapuwa: narito, ako'y nagtatanyag sa inyo ng kalayaan, sabi ng Panginoon, sa tabak, sa salot, o sa kagutom; at akin kayong ihahagis na paroo't parito sa lahat ng kaharian sa lupa.

18 At aking ibibigay ang mga tao na nagsisalangsang ng aking tipan, na hindi nagsitupad ng mga salita ng tipan na kanilang ginawa sa harap ko, nang kanilang hatiin ang guya at mangagdaan sa pagitan ng mga bahagi niyaon;

19 Ang mga prinsipe sa Juda, at ang mga prinsipe sa Jerusalem, ang mga bating, at ang mga saserdote, at ang buong bayan ng lupain, na nagsidaan sa pagitan ng mga bahagi ng guya;

20 Akin ngang ibibigay sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at sa kamay ng nagsisiusig ng kanilang buhay, at ang kanilang mga bangkay ay magiging pinakapagkain sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa.

21 At si Sedechias na hari sa Juda at ang kaniyang mga prinsipe ay ibibigay ko sa kamay ng kanilang mga kaaway, at sa kamay ng nagsisiusig ng kanilang buhay at sa kamay ng hukbo ng hari sa Babilonia, na umahon mula sa inyo.

22 Narito, ako'y maguutos, sabi ng Panginoon, at akin silang pababalikin sa bayang ito; at sila'y magsisilaban dito, at sasakupin, at kanilang susunugin ng apoy: at aking sisirain ang mga bayan ng Juda, na mawawalan ng mananahan.