Jeremias 30
Magandang Balita Biblia
Ang mga Pangako ni Yahweh para sa Israel
30 Kinausap ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, si Jeremias, 2 at sinabi: “Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo. 3 Sapagkat darating na ang panahon na palalayain ko ang aking bayan, ang Israel at ang Juda, at ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno; ito'y magiging kanila muli.” 4 Ito ang mga sinabi ni Yahweh tungkol sa Israel at sa Juda:
5 “Narinig ko ang sigaw ng isang takot na takot,
ng isang nasindak at walang kapayapaan.
6 Isipin mong mabuti:
Maaari bang manganak ang isang lalaki?
Bakit hawak-hawak ng bawat lalaki ang kanyang tiyan,
tulad ng isang babaing manganganak?
Bakit namumutla ang kanilang mga mukha?
7 Nakakatakot ang araw na iyon.
Wala itong katulad;
ito'y panahon ng paghihirap para kay Jacob,
ngunit siya'y makakaligtas.
8 “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “babaliin ko ang pamatok sa kanilang mga leeg at kakalagin ko ang kanilang tali; hindi na sila aalipinin ng mga dayuhan. 9 Sa halip, sila'y maglilingkod kay Yahweh na kanilang Diyos, at kay David na kanilang magiging hari.
10 “Ngunit(A) huwag kang matakot, lingkod kong Jacob;
at huwag kang manlupaypay, Israel.
Ililigtas ko kayo, kahit saan kayo naroon;
kahit nasa lupain ng pagkabihag ang inyong mga anak.
Manunumbalik ang payapang pamumuhay ni Jacob,
at siya'y sasagana at wala nang katatakutan.
11 Ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo.
Lilipulin ko ang lahat ng bansang pinagkalatan ko sa inyo;
subalit kayo'y hindi malilipol.
Paparusahan ko kayo nang marapat,
ngunit ako'y magiging makatarungan sa inyo.”
12 Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan:
“Wala nang lunas ang iyong sakit,
malalâ na ang iyong sugat.
13 Walang mag-aalaga sa iyo,
walang kagamutan sa iyong sugat;
wala ka nang pag-asang gumaling pa.
14 Nilimot ka na ng lahat mong mangingibig;
wala na silang malasakit sa iyo.
Sinaktan kita, gaya ng isang kaaway,
buong lupit kitang pinarusahan;
sapagkat matindi ang iyong kasamaan
at napakarami mong kasalanan.
15 Huwag ka nang umiyak dahil sa iyong sakit;
wala nang lunas ang sugat mo.
Ginawa ko ito sa iyo
sapagkat matindi ang iyong kasamaan
at napakarami mong kasalanan.
16 Gayunman, lahat ng umapi sa iyo ay aapihin;
lahat ng iyong kaaway ay bibihagin din.
Nanakawan ang nagnakaw ng kayamanan mo.
Ang bumiktima sa iyo ay bibiktimahin din.
17 Ibabalik ko ang kalusugan mo,
at pagagalingin ang iyong mga sugat.
Kayo'y tinawag nilang mga itinakwil,
ang Zion na walang nagmamalasakit.”
18 Sinabi pa ni Yahweh:
“Muli kong ibabalik ang kasaganaan sa lipi ni Jacob.
Kahahabagan ko ang buong sambahayan niya.
Ang lunsod na winasak ay muling itatayo,
at muling itatayo ang bawat gusali.
19 Ang mga tao roon ay aawit ng pasasalamat
at magkakaingay sa kagalakan.
Sila'y aking pararamihin;
pararangalan ko sila at wala nang hahamak sa kanila.
20 Ibabalik ko ang kanilang dating kapangyarihan,
at sila'y magiging matatag sa aking harapan.
Paparusahan ko ang lahat ng mang-aapi sa kanila.
21 Lilitaw ang isang pinuno na mula rin sa kanila.
Aanyayahan ko siya kaya siya nama'y lalapit sa akin,
sapagkat walang mangangahas na lumapit sa akin kung hindi inanyayahan.
22 Sila'y magiging bayan ko,
at ako ang kanilang magiging Diyos.”
Ito ang sabi ni Yahweh.
23 Ang poot ni Yahweh ay parang bagyo, parang nag-aalimpuyong hangin na hahampas sa ulo ng masasama. 24 Hindi magbabago ang matinding poot ni Yahweh hangga't hindi niya naisasagawa ang kanyang balak. Mauunawaan ninyo ito sa mga araw na darating.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.