Jeremias 15-17
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Parusa para sa mga Taga-Juda
15 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit sina Moises at Samuel pa ang magmakaawa sa akin para sa mga taong ito, hindi ko sila kahahabagan. Kaya ilayo mo sila sa akin. Paalisin mo sila! 2 Kung magtatanong sila kung saan sila pupunta, sabihin mo na ito ang sinabi ko: ‘Ang mga itinalagang mamatay ay mamamatay. Ang ibaʼy itinalagang mamatay sa digmaan at ang ibaʼy sa taggutom. Ang iba namaʼy itinalagang bihagin.’
3 “Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ipapadala ko sa kanila ang apat na uri ng mamumuksa: Mamamatay sila sa digmaan, kakaladkarin ng mga aso ang mga bangkay nila, tutukain sila ng mga ibon at ang natitira sa mga bangkay nilaʼy uubusin ng mababangis na hayop. 4 Kamumuhian sila ng lahat ng bansa sa mundo dahil sa ginawa ni Manase na anak ni Hezekia sa Jerusalem noong hari pa siya ng Juda.
5 “O mga taga-Jerusalem, sino kaya ang mahahabag sa inyo? Sino kaya ang malulungkot para sa inyo? At sino kaya ang magtatanong tungkol sa inyong kalagayan? 6 Itinakwil nʼyo ako; palagi nʼyo akong tinatalikuran. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing iuunat ko na ang mga kamay ko para lipulin kayo. Sawa na akong kahabagan kayo. 7 Parurusahan ko kayo na parang ipa na tinatahip sa pintuan ng lungsod. Lilipulin ko kayo at ang mga anak ninyo, dahil hindi ninyo tinalikuran ang inyong masasamang ugali. 8 Pararamihin ko ang inyong mga biyuda na parang mas marami pa kaysa sa buhangin sa tabing-dagat. Sa katanghaliang tapat, ipapadala ko ang lilipol sa mga ina ng mga kabataan ninyong lalaki. Biglang darating sa inyo ang pagdadalamhati at takot. 9 May inang mawawalan ng pitong anak na lalaki. Hihimatayin siya at mahihirapang huminga. Ang kanyang mga anak ay parang araw na lumubog nang napakaaga pa. Mapapahiya siya dahil wala na siyang anak. At ang mga matitirang buhay ay ipapapatay ko rin sa mga kaaway. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Dumaing si Jeremias
10 Kaawa-awa ako! Sanaʼy hindi na ako isinilang ng aking ina! Palagi akong kinakalaban sa buong Juda. Wala akong utang kaninuman, at hindi rin ako nagpapautang, pero isinusumpa ako ng lahat. 11 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ang totoo, magiging mabuti ang lahat para sa iyo. Makikiusap sa iyo ang mga kaaway mo na ipanalangin mo sila sa panahon ng paghihirap at pagdadalamhati nila.
12 “Kung papaanong walang makakabali ng piraso ng bakal o tanso, wala ring makakatalo sa mga kaaway na galing sa hilaga. 13 Ipapasamsam ko sa mga kaaway nʼyo ang mga kayamanan at ari-arian nʼyo dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong bansa. 14 Ipapaalipin ko kayo sa mga kaaway nʼyo sa lupaing hindi nʼyo alam, at ipadarama ko sa inyo ang galit ko na parang nagliliyab na apoy.”
15 Sinabi ni Jeremias, “Panginoon, alam nʼyo po ang lahat! Alalahanin at tulungan nʼyo po ako. Ipaghiganti nʼyo ako sa mga umuusig sa akin. Alam ko na hindi kayo madaling magalit, kaya huwag nʼyo po akong hayaang mamatay. Alalahanin nʼyo po ang mga paghihirap ko dahil sa inyo. 16 Noong nagsalita kayo sa akin, pinakinggan ko po kayo. Ang mga salita po ninyo ay kagalakan ko; at akoʼy sa inyo, O Panginoong Dios na Makapangyarihan. 17 Hindi po ako sumama sa mga kasayahan at kagalakan nila. Nag-iisa po ako dahil nakikipag-usap kayo sa akin at sinabi nʼyo sa akin ang tungkol sa galit ninyo. 18 Bakit hindi po natatapos ang paghihirap ko? Bakit hindi na gumagaling ang mga sugat ko? Hindi na po ba magagamot ang mga ito? Bibiguin nʼyo po ba ako na parang sapa na natutuyo kapag tag-araw?”
19 Kaya sinabi sa akin ng Panginoon, “Kung magsisisi ka, pababalikin kita sa piling ko para patuloy kang makapaglingkod sa akin. Kung magsasalita ka ng mga makabuluhang bagay at iiwasan ang mga bagay na walang kabuluhan, muli kitang gagawing tagapagsalita ko. Kinakailangang sila ang lumapit sa iyo at hindi ikaw ang lalapit sa kanila. 20 Gagawin kitang parang matibay na tansong pader para sa mga taong ito. Kakalabanin ka nila pero hindi ka nila matatalo, dahil kasama mo ako. Iingatan kita at ililigtas. 21 Ililigtas kita sa kamay ng masasama at mararahas na tao.”
Hindi Pinayagang Mag-asawa si Jeremias
16 Sinabi pa sa akin ng Panginoon, 2 “Huwag kang mag-aasawa o magkakaanak man sa lupaing ito. 3 Sasabihin ko sa iyo kung bakit, at kung ano ang mangyayari sa mga batang ipapanganak sa lugar na ito at sa mga magulang nila. 4 Mamamatay sila dahil sa malubhang karamdaman. Walang magluluksa sa kanila o maglilibing ng mga bangkay nila. Kakalat ang mga bangkay nila sa lupain na parang mga dumi. May mga mamamatay sa digmaan at taggutom, at ang mga bangkay nilaʼy kakainin ng mga ibon at mababangis na hayop.”
5 Sinabi pa ng Panginoon, “Huwag kang papasok sa mga bahay na may mga patay. Huwag kang makikidalamhati sa kanila o magpapakita ng pagkahabag sa kaninuman. Sapagkat inalis ko na ang pag-ibig at pagkahabag ko sa mga taong ito. 6 Mamamatay sila sa lupaing ito, mayaman man o dukha, at walang maglilibing sa kanila. Walang taong susugat sa sarili nila o magpapakalbo para ipahayag ang pagluluksa nila sa mga namatay. 7 Walang magbibigay ng pagkain o inumin para aliwin ang mga nagdadalamhati, kahit na ama o ina ang namatay. 8 Huwag ka ring papasok sa mga tahanang may mga handaan para kumain at uminom doon. 9 Sapagkat ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Makikita mo sa kapanahunan mo na patitigilin ko ang kasiyahan at kagalakan sa lugar na ito, pati ang kaligayahan ng mga bagong kasal.’
10 “Kapag sinabi mo sa mga tao ang mga bagay na ito at magtanong sila, ‘Ano ang nagawa naming kasalanan sa Panginoon naming Dios? Bakit kami binigyan ng babala ng Panginoon na darating sa amin ang ganoong kapahamakan?’ 11 Sabihin mo sa kanilang ito ang sagot ko: ‘Ginawa ko ito dahil itinakwil ako ng mga ninuno nila. Naglingkod at sumamba sila sa mga dios-diosan. Itinakwil nila ako at hindi nila sinunod ang kautusan ko. 12 At mas higit pa kayong masama kaysa sa mga ninuno ninyo. Ang kasamaan at katigasan ng mga puso nʼyo ang sinunod ninyo, sa halip na ako ang sundin ninyo. 13 Kaya palalayasin ko kayo sa lupaing ito patungo sa lupaing hindi nʼyo alam, ni ng mga ninuno ninyo. At doon, magpapakasawa kayo sa paglilingkod sa ibang dios araw at gabi, at hindi ko na kayo kahahabagan.’
14 “Darating ang araw na hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga taga-Israel sa Egipto!’ 15 Sa halip, sasabihin nila, ‘Sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga taga-Israel sa bansang nasa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan niya sila pinangalat.’ Sapagkat ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa mga ninuno nila.
16 “Pero sa ngayon, padadalhan ko muna sila ng maraming kaaway na parang mga mangingisdang huhuli sa kanila. At magsusugo rin ako ng mga mangangaso na maghahanap sa kanila sa mga bundok, burol at mga kweba. 17 Nakita ko ang lahat ng pag-uugali nila. Wala kahit anuman na naitatago sa akin. Nakita ko rin ang mga kasalanan nila. 18 Kaya pagbabayarin ko sila nang doble sa kasamaan at kasalanan nila dahil dinungisan nila ang lupain ko sa pamamagitan ng mga kasuklam-suklam at patay nilang mga dios-diosan.”
19 Sinabi ko, “O Panginoon, kayo po ang kalakasan at tagapagkalinga ko sa panahon ng pagdadalamhati. Lalapit po sa inyo ang mga bansa mula sa buong mundo[a] at sasabihin nila, ‘Walang kwenta ang mga dios-diosan ng aming mga ninuno. Wala silang nagawa na anumang kabutihan. 20 Ang tao baʼy makakagawa ng kanyang dios? Kung makakagawa siya, hindi iyon totoong Dios!’ ”
21 Sinabi ng Panginoon, “Kaya ngayon, ipapakita ko sa kanila ang kapangyarihan at kakayahan ko para malaman nila na ako nga ang Panginoon.”
Ang Kasalanan at Kaparusahan ng Juda
17 Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Juda, nakaukit sa matigas ninyong mga puso ang mga kasalanan nʼyo na parang mga salitang nakaukit sa bato o sa sungay na nasa sulok ng mga altar ninyo. 2 Kahit ang mga anak ninyoʼy sumasamba sa mga altar nʼyo at sa mga posteng simbolo ng diosang si Ashera sa ilalim ng mayayabong na puno at sa itaas ng mga bundok. 3 Kaya ipapasamsam ko sa mga kaaway nʼyo ang mga kayamanan at ari-arian nʼyo, pati ang mga sambahan nʼyo sa matataas na lugar, dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong bansa. 4 Mawawala sa inyo ang lupaing ibinigay ko. Ipapaalipin ko kayo sa mga kaaway nʼyo sa lupaing hindi nʼyo alam, dahil ginalit nʼyo ako na parang nagniningas na apoy na hindi mamamatay magpakailanman.”
5 Sinabi pa ng Panginoon, “Isusumpa ko ang taong lumalayo sa akin at nagtitiwala lamang sa tao. 6 Matutulad siya sa isang maliit na punongkahoy sa ilang na walang magandang kinabukasan. Maninirahan siya sa tigang at maalat na lupain na walang ibang nakatira. 7 Pero mapalad ang taong nagtitiwala at lubos na umaasa lamang sa akin. 8 Matutulad siya sa punongkahoy na itinanim sa tabi ng ilog na ang mga ugat ay umaabot sa tubig. Ang punongkahoy na itoʼy hindi manganganib, dumating man ang tag-init o mahabang tag-araw. Palaging sariwa ang mga dahon nito at walang tigil ang pamumunga.
9 “Ang puso ng tao ay mandaraya higit sa lahat, at lubos na masama. Sino ang nakakaalam kung gaano ito kasama? 10 Pero ako, ang Panginoon, alam ko ang puso at isip ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa ayon sa pag-uugali at mga gawa niya. 11 Ang taong yumaman sa masamang paraan ay parang ibon na nililimliman ang hindi niya itlog. Sa bandang huli, sa kalagitnaan ng buhay niya, mawawala ang kayamanan niya at lalabas na siyaʼy hangal.”
12 O Panginoon, ang templo nʼyo po ang inyong magandang trono mula pa noon. 13 Kayo po Panginoon, ang pag-asa ng Israel. Mapapahiya ang lahat ng magtatakwil sa inyo. Malilibing po sila sa ilalim ng lupa, dahil itinakwil po nila kayo, kayo na bukal na nagbibigay ng buhay.
14 Panginoon, pagalingin nʼyo po ako at gagaling ako; iligtas nʼyo po ako at maliligtas ako. At kayo lang ang tangi kong pupurihin. 15 Sinabi po sa akin ng mga tao, “Nasaan na ang mga sinabi ng Panginoon? Bakit hindi pa rin ito nangyayari hanggang ngayon?” 16 O Panginoon, hindi po ako naging pabaya sa gawain ko bilang tagapagbantay ng mga mamamayan ninyo. Hindi ko po hinangad na ipahamak nʼyo sila. Alam po ninyo ang mga sinabi ko. 17 Huwag nʼyo po akong takutin, dahil kayo ang kanlungan ko sa panahon ng kapahamakan. 18 Takutin at hiyain nʼyo po ang mga umuusig sa akin. Pero huwag nʼyo itong gawin sa akin. Padalhan nʼyo po sila ng kapahamakan para malipol sila nang lubusan.
Ang Araw ng Pamamahinga
19 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa mga pintuan ng Jerusalem. Tumayo ka muna sa pintuan na dinadaanan ng mga hari ng Juda at pagkatapos, sa iba pang mga pintuan. 20 At sabihin mo sa mga tao, ‘Pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga hari at mga taga-Juda, pati kayong mga nakatira sa Jerusalem na dumadaan sa mga pintuang ito. 21 Ito ang sinasabi ng Panginoon: Kung pinahahalagahan ninyo ang inyong sarili, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng anumang mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga. 22 Totoo yan, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng mga paninda mula sa mga bahay nʼyo sa araw na ito. Ituring nʼyo itong natatanging araw. Iniutos ko ito sa mga ninuno nʼyo, 23 pero hindi sila nakinig sa akin. Matitigas ang ulo nila! Ayaw nilang tanggapin ang mga pagtuturo ko sa kanila. 24 Pero kung susunod lang kayo sa akin na hindi kayo magtatrabaho o magdadala ng mga paninda sa pintuan ng Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga, at ituturing nʼyo itong banal na araw 25 ay pagpapalain ko kayo. Palaging magkakaroon ng haring maghahari rito sa Jerusalem na mula sa angkan ni David. Sila at ang mga tagapamahala nila ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo papasok sa pintuan ng lungsod kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem. At ang lungsod na ito ng Jerusalem ay mananatiling lungsod magpakailanman. 26 At darating ang mga tao na sasamba sa templo ng Panginoon mula sa mga lugar sa paligid ng Jerusalem, sa mga bayan ng Juda, at Benjamin, at mula sa mga kaburulan sa kanluran, sa mga kabundukan, at sa Negev. Magdadala sila ng mga handog na sinusunog, at iba pang mga handog, gaya ng handog na pagpaparangal sa Panginoon, handog ng pasasalamat, at mga insenso. 27 Pero kung hindi kayo susunod sa akin, at hindi nʼyo ituturing na banal ang Araw ng Pamamahinga at magdadala kayo ng mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw na iyon, susunugin ko ang mga pintuan ng Jerusalem pati ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito, at walang makakapatay ng sunog na iyon!’ ”
Footnotes
- 16:19 buong mundo: sa literal, sa dulo ng mundo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®