Jeremias 13
Ang Biblia (1978)
Ang tanda ng bulok na pamigkis.
13 Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon at bumili ka ng isang (A)pamigkis na lino, at ibigkis mo sa iyong mga bayawang at huwag mong ilubog sa tubig.
2 (B)Sa gayo'y bumili ako ng pamigkis ayon sa salita ng Panginoon, at inilagay ko sa aking mga bayawang.
3 At ang salita ng Panginoon, ay dumating sa akin na ikalawa, na nagsabi,
4 Kunin mo ang pamigkis na iyong binili, na nasa iyong mga bayawang, at ikaw ay bumangon, yumaon ka sa Eufrates, at ikubli mo roon sa isang bitak ng malaking bato.
5 Sa gayo'y yumaon ako, at ikinubli ko sa tabi ng Eufrates ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.
6 At nangyari, pagkaraan ng maraming araw, na sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay bumangon, yumaon ka sa Eufrates, at kunin mo ang pamigkis mula roon, na iniutos ko sa iyong ikubli mo roon.
7 Nang magkagayo'y yumaon ako sa Eufrates, at hinukay ko, at kinuha ko ang pamigkis mula sa dakong aking pinagkublihan; at, narito, ang pamigkis ay bulok, hindi mapapakinabangan sa anoman.
8 Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng Panginoon, na nagsasabi.
9 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ayon sa paraang ito ay (C)aking sasayangin ang kapalaluan ng Juda, at ang malaking kapalaluan ng Jerusalem.
10 Ang masamang bayang ito, na ayaw makinig ng mga salita ko, na lumalakad ayon sa katigasan ng kanilang puso, at yumaong sumunod sa ibang mga Dios upang paglingkuran, at upang sambahin, ay magiging gaya ng pamigkis na ito, na hindi mapapakinabangan sa anoman.
11 Sapagka't kung paanong ang pamigkis ay kumakapit sa mga balakang ng lalake, gayon pinakapit ko sa akin ang buong sangbahayan ni Israel at ang buong sangbahayan ni Juda, sabi ng Panginoon; upang sila'y (D)maging pinakabayan sa akin, at pinakapangalan, at pinakapuri, at pinakaluwalhati: nguni't hindi nila dininig.
Ang tanda ng sisidlang balat na mapupuno.
12 Kaya't sasalitain mo sa kanila ang salitang ito. Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, Bawa't sisidlang balat ay (E)mapupuno ng alak: at kanilang sasabihin sa iyo, Hindi baga namin nalalaman na ang bawa't sisidlang balat ay mapupuno ng alak?
13 Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoon, Narito, aking pupunuin (F)ng pagkalango ang lahat na mananahan sa lupaing ito, (G)ang mga hari na nakaupo sa luklukan ni David, at ang mga saserdote at ang mga propeta, at ang lahat na nananahan sa Jerusalem.
14 At aking itutulak ang isa laban sa isa, sa makatuwid baga'y ang mga magulang at ang mga anak na magkakasama, sabi ng Panginoon: hindi ako magpapatawad, o maaawa man, o mahahabag man, na sila'y lilipulin ko.
Ibinabala ang pagkabihag.
15 Inyong dinggin, at kayo'y mangakinig; Huwag kayong mangagpalalo; sapagka't sinalita ng Panginoon.
16 Luwalhatiin ninyo ang Panginoon ninyong Dios, bago (H)siya magpadilim, at bago matisod ang inyong mga paa sa mga madilim na bundok, at, habang kayo'y nangaghihintay ng liwanag, ay kaniyang gagawing (I)lilim ng kamatayan, at papagsasalimuutin niya ang (J)kadiliman.
17 Nguni't kung hindi ninyo didinggin, ako'y iiyak, na lihim dahil sa inyong kapalaluan; at ang mata ko ay iiyak na mainam, at dadaluyan ng mga luha, sapagka't ang kawan ng Panginoon ay nabihag.
18 Iyong sabihin (K)sa hari at sa ina ng hari, Kayo'y mangagpapakababa, magsiupo kayo; sapagka't ang inyong mga kagayakan ng ulo ay nalagpak, ang putong ng inyong kaluwalhatian.
19 Ang mga bayan ng Timugan ay nasarhan, at walang mangagbukas: ang buong Juda ay nadalang bihag; buong nadalang bihag.
20 Inyong itanaw ang inyong mga mata, at inyong masdan sila (L)na nanganggagaling sa hilagaan: saan nandoon ang kawan na nabigay sa iyo, ang iyong magandang kawan?
21 Ano ang iyong sasabihin pagka kaniyang inilagay ang iyong mga kaibigan na pinakapangulo mo, na wari iyong tinuruan sila laban sa iyo? (M)hindi baga mamamanglaw ka, ng parang isang babae na nagdaramdam?
22 At kung iyong sabihin sa puso, (N)Bakit ang mga bagay na ito ay dumating sa akin? dahil sa kalakhan ng iyong kasamaan ay (O)nalilis ang iyong mga laylayan, at iyong mga sakong ay nagtiis ng karahasan.
23 Makapagbabago baga ang Etiope ng kaniyang balat, o ang leopardo ng kaniyang batik? (P)kung magkagayo'y mangakagagawa naman kayo ng mabuti, na mga bihasang gumawa ng masama.
24 Kaya't aking pangangalatin sila, (Q)gaya ng dayami na dumaraan, sa pamamagitan ng hangin sa ilang.
25 Ito ang iyong kapalaran, ang bahaging sukat sa iyo na mula sa akin, sabi ng Panginoon; sapagka't iyong nilimot ako, at tumiwala ka sa kabulaanan.
26 Kaya't akin namang ililihis ang iyong mga laylayan sa harap ng iyong mukha, at ang (R)iyong kahihiyan ay malilitaw.
27 Aking nakita ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa, sa makatuwid baga'y ang iyong mga pangangalunya, at (S)ang iyong mga paghalinghing, ang kahalayan ng iyong pakikiapid, (T)sa mga burol sa parang. Sa aba mo, Oh Jerusalem! (U)ikaw ay hindi malilinis; hanggang kailan pa magkakaganyan?
Jeremias 13
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Talinghaga tungkol sa Sinturon na Telang Linen
13 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Lumakad ka at bumili ng sinturon na telang linen. Itali mo ito sa baywang mo, pero huwag mong lalabhan.” 2 Kaya bumili ako ng sinturon at pagkatapos, itinali ko ito sa baywang ko ayon sa sinabi ng Panginoon.
3 Pagkatapos, sinabing muli sa akin ng Panginoon, 4 “Tanggalin mo ang sinturon na binili mo at pumunta ka malapit sa Ilog ng Eufrates[a] at itago mo roon ang sinturon sa biyak ng bato.” 5 Kaya pumunta ako sa may Ilog ng Eufrates at itinago ko roon ang sinturon ayon sa sinabi ng Panginoon.
6 Pagkaraan ng mahabang panahon, muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa Ilog ng Eufrates at kunin mo ang sinturon na ipinatago ko sa iyo roon.” 7 Kaya pumunta ako sa Ilog ng Eufrates at kinuha ko ang sinturon sa pinagtaguan ko, pero sira na iyon at hindi na mapapakinabangan. 8-9 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Ganyan din ang mangyayari sa Juda na mapagmataas at sa higit na pagmamataas ng Jerusalem. 10 Ayaw sumunod ng masasamang taong ito sa mga sinasabi ko. Sinusunod nila ang nais ng matitigas nilang puso na naglilingkod at sumasamba sa mga dios-diosan. Kaya matutulad sila sa sinturon na iyan na hindi na mapapakinabangan. 11 Kung papaano sanang ang sinturon ay nakakapit nang mahigpit sa baywang ng tao, nais ko rin sanang ang lahat ng mamamayan ng Israel at Juda ay kumapit nang mahigpit sa akin. Hinirang ko sila para papurihan nila ako at parangalan, pero ayaw nilang makinig sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Talinghaga tungkol sa Sisidlang-balat ng Alak
12 “Jeremias, sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel na ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsasabing, ‘Ang lahat ng sisidlang-balat nʼyo ay mapupuno ng alak.’ At kung sasabihin nila sa iyo, ‘Alam na naming mapupuno ng alak ang lahat ng lalagyan namin.’ 13 Sabihin mo sa kanila na ito ang ibig kong sabihin: ‘Parurusahan ko ang lahat ng mamamayan ng lupaing ito, na parang nilasing ko sila ng alak. Parurusahan ko ang mga hari na angkan ni David, ang mga pari, mga propeta, at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem. 14 Pag-uumpugin ko ang mga magulang at ang mga anak nila. Hindi ako mahahabag sa pagpatay sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
Babala tungkol sa Kapalaluan
15 Makinig kayong mabuti, at huwag kayong magmataas dahil nagsalita ang Panginoon. 16 Parangalan nʼyo ang Panginoon na inyong Dios habang hindi pa niya ipinapadala ang kadiliman, at habang hindi pa kayo nadadapa sa madilim na mga bundok. Ang liwanag na inaasahan ninyoʼy gagawin niyang napakatinding kadiliman. 17 Kung ayaw pa rin ninyong makinig, iiyak ako ng lihim dahil sa pagmamataas ninyo. Iiyak ako ng malakas at dadaloy ang mga luha ko dahil bibihagin ang mga hinirang ng Panginoon.
18 Inutusan ako ng Panginoon na sabihin sa hari at sa kanyang ina na bumaba sila sa trono nila dahil malapit nang kunin sa ulo nila ang magaganda nilang korona. 19 Isasara ang mga pintuan ng mga bayan sa Negev. Wala nang makakapasok o makakalabas doon. Bibihagin ang lahat ng taga-Juda.
20 Tingnan nʼyo ang mga kaaway na dumarating mula sa hilaga. O Jerusalem, nasaan na ang iyong mga mamamayan na ipinagmamalaki mo, na ipinagkatiwala ko sa iyo para alagaan mo? 21 Ano ang mararamdaman mo kung ang kakampi mong bansa ang sumakop sa iyo? Hindi baʼt magdaramdam ka tulad ng isang babaeng manganganak na? 22 Kung tatanungin mo ang sarili mo kung bakit ka napahamak na parang babaeng pinunit ang damit at pinagsamantalahan, itoʼy dahil sa napakarami mong kasalanan. 23 Mapapalitan ba ng taong maitim[b] ang kulay ng balat niya? Maaalis ba ng leopardo ang mga batik sa katawan niya? Hindi! Ganyan din kayong mga taga-Jerusalem, hindi kayo makakagawa ng mabuti dahil ugali na ninyo ang gumawa ng masama.
24-25 Sinabi ng Panginoon, “Pangangalatin ko kayo katulad ng ipa na ipinapadpad ng hanging mula sa disyerto. Iyan ang kahihinatnan ninyo. Gagawin ko ito sa inyo dahil kinalimutan ninyo ako at nagtiwala kayo sa mga dios-diosan. 26 Ibibilad ko kayo sa kahihiyan gaya ng babaeng hinubaran. 27 Nakita ko ang mga ginawa ninyong kasuklam-suklam na pagsamba sa mga dios-diosan sa mga bundok at kapatagan. Tulad kayo ng babaeng bayaran na nag-aapoy ang pagnanasa, o ng mga nangangalunya at nakikiapid. Nakakaawa kayo, mga taga-Jerusalem! Hanggang kailan kayo mananatili sa karumihan?”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
