Jeremias 12
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Tinatanong ni Jeremias si Yahweh
12 Ikaw ay matuwid, Yahweh,
at kung ako ma'y mangatwiran, mapapatunayan mong ikaw ay tama.
Ngunit bayaan mong magtanong ako.
Bakit nagtatagumpay ang masasamang tao?
At ang mandaraya ay umuunlad?
2 Sila'y itinatanim mo at nag-uugat,
lumalago at namumunga.
Maganda ang sinasabi nila tungkol sa iyo
subalit malayo ka sa kanilang mga puso.
3 Ngunit ako, Yahweh, ay iyong kilala;
nakikita mo ako, ang mga ginagawa ko, nasa iyo ang puso ko.
Hilahin mo ang mga taong ito, gaya ng mga tupang kakatayin;
ihiwalay mo sila hanggang sa sandali na sila ay patayin.
4 Hanggang kailan pa mananatiling tigang ang lupain,
at tuyot ang mga damo sa parang?
Nagkakamatay na ang mga ibon at mga hayop
dahil sa kasamaan ng mga tao doon.
At sinasabi pa nila, “Hindi niya nakikita ang aming ginagawa.”
5 At sumagot si Yahweh,
“Jeremias, kung hindi ka makatagal sa pakikipaghabulan sa mga taong ito,
paano ka makikipagpaligsahan sa mga kabayo?
Kung ika'y nadarapa sa patag na lupain,
paano ka makakatagal sa kagubatan ng Jordan?
6 Kahit na ipinagkanulo ka ng iyong mga kapatid at sariling kamag-anak,
at kasama sila sa panunuligsa sa iyo.
Huwag kang magtitiwala sa kanila bagama't magaganda ang kanilang sinasabi sa iyo.”
Nagdadalamhati si Yahweh Dahil sa Kanyang Bayan
7 Sinasabi ni Yahweh,
“Pinabayaan ko na ang aking bayan,
itinakwil ko na ang bansang aking hinirang.
Ang mga taong aking minahal ay ibinigay ko na
sa kamay ng kanilang mga kaaway.
8 Lumaban sa akin ang aking bayan,
tulad ng mabangis na leon sa kagubatan;
nagtataas sila ng kanilang tinig laban sa akin,
kaya kinamumuhian ko sila.
9 Ang bayang pinili ko'y tulad sa isang ibong
pinagtutulungan ng mga ibong mandaragit.
Tawagin ang lahat ng mababangis na hayop,
at makisalo sa kanyang bangkay!
10 Sinira ng maraming pinuno ang aking ubasan,
pati ang aking kabukiran ay kanilang sinagasaan;
ang aking magandang lupain, ngayon ay wala nang mapapakinabangan.
11 Wala nang halaga ang buong lupain;
tigang na tigang sa aking harapan.
Ang bayan ngayon ay isa nang ilang,
at walang nagmamalasakit na sinuman.
12 Mula sa kahabaan ng maburol na ilang
ay lumusob ang mga mandarambong.
Pinalaganap ko ang digmaan upang mawasak ang buong bayan;
at walang sinuman ang makakaligtas.
13 Naghasik ng trigo ang mga tao, ngunit tinik ang inani;
nagpakahirap sila sa paggawa, subalit wala silang pinakinabangan.
Wala silang inani sa kanilang itinanim
dahil sa matinding galit ko sa kanila.”
Ang Babala ni Yahweh sa mga Karatig-bansa ng Israel
14 Ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa masasamang naninirahan sa paligid ng Israel, mga taong nanira sa lupaing ipinamana niya sa kanyang bayan: “Aalisin ko ang mga taong ito sa kanilang bansa, gaya ng halamang binubunot sa lupa. At ililigtas ko ang Juda sa kanilang pananakop. 15 Subalit matapos ko silang alisin, sila'y aking kahahabagan. Ibabalik ko sa kani-kanilang sariling lupain ang bawat bayan. 16 At kung buong puso nilang tatanggapin ang pananampalataya ng aking bayan at kung matututo silang manumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh’, ang Diyos na buháy[a] gaya ng itinuro nila sa aking bayan na pagsumpa kay Baal—sila ay mapapabilang sa aking bayan at uunlad ang kanilang pamumuhay. 17 Subalit ang alinmang bansang hindi susunod sa akin ay bubunutin at lubos kong wawasakin. Akong si Yahweh ang maysabi nito.”
Footnotes
- 16 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .