Add parallel Print Page Options

Ang Pagsamba sa Diyus-diyosan at ang Tunay na Pagsamba

10 Mga anak ni Israel, pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh. Ang sabi niya,

“Huwag ninyong tutularan ang ginagawa ng ibang mga bansa;
    o mabahala sa nakikitang mga tanda sa kalangitan,
    na labis nilang kinatatakutan.
Ang dinidiyos nila'y hindi maaasahan.
Isang punongkahoy na pinutol sa gubat,
    inanyuan ng mga dalubhasang kamay,
    at pinalamutian ng ginto at pilak.
Idinikit at pinakuan upang hindi mabuwal.
Ang mga diyus-diyosang ito'y tulad sa panakot ng ibon sa gitna ng bukid,
    hindi nakakapagsalita;
pinapasan pa sila
    sapagkat hindi nakakalakad.
Huwag kayong matakot sa kanila
    sapagkat hindi sila makakagawa ng masama,
    at wala ring magagawang mabuti.”

Wala nang ibang tulad mo, O Yahweh;
    ikaw ay makapangyarihan,
    walang kasindakila ang iyong pangalan.
Sino(A) ang hindi matatakot sa iyo, ikaw na Hari ng lahat ng bansa?
    Karapat-dapat lamang na ikaw ay katakutan.
Kahit na piliin ang lahat ng matatalino
    mula sa lahat ng bansa at mga kaharian,
    wala pa ring makakatulad sa iyo.
Silang lahat ay pawang hangal at mangmang.
    Ano ang maituturo sa kanila ng mga diyus-diyosang kahoy?
Ang kanilang diyus-diyosa'y binalutan ng pilak na galing sa Tarsis,
    at ng gintong mula sa Upaz,
    ginawang lahat ng mahuhusay na kamay;
pagkatapos ay binihisan ng kulay ube at pula
    na hinabi naman ng manghahabing sanay.
10 Ngunit ikaw, Yahweh, ang tunay na Diyos,
    ikaw ang Diyos na buháy,
    at ang Haring walang hanggan.
Nayayanig ang daigdig kapag ikaw ay nagagalit,
    at walang bansang makakatagal sa tindi ng iyong poot.

11 Sabihin ninyo sa mga diyus-diyosan: ang sinumang hindi makalikha ng langit at lupa ay dudurugin at lubusang mawawala sa ibabaw ng daigdig.[a]

Awit ng Pagpupuri sa Diyos

12 Nilikha ni Yahweh ang lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
    Lumitaw ang daigdig dahil sa kanyang karunungan,
    at iniladlad niya ang langit sa bisa ng kanyang kaalaman.
13 Pagkarinig sa kanyang utos, umugong ang mga tubig sa kalangitan;
    napagsama-sama niya ang mga ulap mula sa lahat ng hangganan ng lupa.
Nagagawa niyang pakislapin ang kidlat sa gitna ng ulan,
    at nagpapaihip sa hangin mula sa kublihan nito.
14 Sa harapan niya ang bawat tao'y mistulang mangmang;
    malalagay sa kahihiyan bawat panday
    sapagkat ang ginawa nilang mga diyus-diyosan ay hindi totoo at walang buhay.
15 Sila'y walang silbi sapagkat likha lamang ng pandaraya;
    wawasakin silang lahat ni Yahweh.
16 Ngunit hindi ganito ang Diyos ni Jacob;
    siya ang maylikha ng lahat ng bagay;
    at pinili niya ang Israel upang maging kanyang bayan.
    Yahweh ang kanyang pangalan, ang Diyos na Makapangyarihan
    sa lahat.

Ang Darating na Pagkabihag

17 “Mga taga-Jerusalem na napapaligiran ng kaaway, ipunin ninyo ang inyong mga ari-arian. 18 Palalayasin na kayo ni Yahweh at ipapatapon sa ibang lupain. Pahihirapan kayong lahat hanggang sa walang matira.” Ito ang sabi ni Yahweh.

19 At dumaing naman ang mga taga-Jerusalem,
“Napakatindi ng parusa sa amin!
    Hindi gumagaling ang aming mga sugat.
Akala namin, ito'y aming matitiis.
20 Ang aming mga tolda ay nawasak;
    napatid na lahat ang mga lubid.
Ang aming mga anak ay naglayasang lahat,
    walang natira upang mag-ayos ng aming tolda;
    wala isa mang magsasabit ng mga kurtina.”

21 At sumagot si Jeremias, “Ang aming mga pinuno'y pawang mga hangal;
    hindi sila sumangguni kay Yahweh.
Kaya hindi sila naging matagumpay,
    at ang mga tao'y nagsipangalat.
22 Makinig kayo! May dumating na balita!
    Nagkakagulo sa isang bansang nasa hilaga;
ang kanilang hukbo ang pupuksa sa mga lunsod ng Juda,
    at ito'y magiging disyerto, tahanan ng mga asong-gubat.”

23 Nalalaman ko po, Yahweh, na walang taong may hawak ng sarili niyang buhay;
    at walang nakakatiyak ng kanyang sasapitin.
24 Ituwid mo ang iyong bayan, O Yahweh;
    ngunit huwag naman sana kayong maging marahas.
Huwag kaming parusahan sa panahong kayo'y napopoot;
    na siyang magiging wakas naming lahat.
25 Ibaling mo ang iyong poot sa mga bansang ayaw kumilala sa iyo
    at sa mga taong hindi tumatawag sa iyong pangalan.
Pinatay nila ang mga anak ni Jacob;
    at winasak ang kanilang lupain.

Footnotes

  1. Jeremias 10:11 Sa orihinal na wika, ang talatang ito'y nakasulat sa wikang Aramaico.