Jonas 1-4
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Hindi Sumunod si Jonas sa Panginoon
1 Nagsalita ang Panginoon kay Jonas na anak ni Amitai. Sinabi niya, 2 “Pumunta ka agad sa Nineve, ang malaking lungsod, at bigyan mo ng babala ang mga taga-roon, dahil umabot na sa aking kaalaman ang kanilang kasamaan.” 3 Pero tumakas agad sa Panginoon[a] si Jonas at nagpasyang pumunta sa Tarshish. Pumunta siya sa Jopa at nakakita siya roon ng barkong paalis papuntang Tarshish. Kaya nagbayad siya ng pamasahe at sumakay sa barko kasama ng mga tripulante at ng iba pang mga pasahero upang tumakas sa Panginoon.
4 Nang nasa laot na sila, nagpadala ang Panginoon ng napakalakas na hangin at halos mawasak na ang barko. 5 Kaya natakot ang mga tripulante, at ang bawat isa sa kanila ay humingi ng tulong sa kani-kanilang dios. Itinapon nila ang kanilang mga kargamento sa dagat para gumaan ang barko.
Si Jonas naman ay nakababa na noon sa ilalim na bahagi ng barko, humiga siya at nakatulog nang mahimbing. 6 Pinuntahan siya ng kapitan ng barko at sinabi sa kanya, “Nagagawa mo pang matulog sa ganitong kalagayan? Bumangon ka at humingi ng tulong sa iyong dios! Baka sakaling maawa siya sa atin, at iligtas niya tayo sa kamatayan.”
7 Nag-usap-usap ang mga tripulante, “Magpalabunutan na lang tayo upang malaman natin kung sino ang dahilan ng pagdating ng sakunang ito sa atin.” At nang magpalabunutan na sila, nabunot ang pangalan ni Jonas. 8 Kaya kinausap nila siya, “Gusto naming malaman kung sino ang dahilan ng pagdating ng sakunang ito. Sabihin mo kung ano ang iyong hanapbuhay at kung saan ka nanggaling. Sabihin mo rin sa amin kung taga-saan ka at anong lahi mo.” 9 Sumagot si Jonas, “Ako ay Hebreo at sumasamba sa Panginoon, ang Dios sa langit[b] na lumikha ng dagat at ng lupa.” 10 Kaya lubhang natakot ang mga tripulante, dahil sinabi na sa kanila ni Jonas na tumatakas siya sa Panginoon. Sinabi nila sa kanya, “Ano itong ginawa mo!”
11 At nang lalo pang lumakas ang hangin, sinabi ng mga tripulante kay Jonas, “Ano ang gagawin namin sa iyo para kumalma ang dagat at nang makaligtas kami sa kapahamakan?” 12 Sumagot si Jonas sa kanila, “Buhatin ninyo ako at ihagis sa dagat, at kakalma ito. Sapagkat alam kong ako ang dahilan kung bakit dumating ang napalakas na hangin na ito.” 13 Hindi nila sinunod si Jonas, sa halip, sinikap ng mga tripulante na sumagwan papunta sa dalampasigan, pero nahirapan sila dahil lalo pang lumakas ang hangin. 14 Kaya tumawag sila sa Panginoon. Sinabi nila, “O Panginoon, nakikiusap po kami sa inyo, huwag nʼyo kaming hayaang mamatay dahil sa gagawin namin kay Jonas. Huwag po ninyo kaming singilin sa aming pagpatay sa kanya na hindi pa naman namin natitiyak kung siya nga ay nagkasala. Pero alam po namin na ang mga nangyayaring ito ay ayon sa inyong kalooban.” 15 Kaya binuhat nila si Jonas at inihagis sa nagngangalit na dagat, at kumalma nga ito. 16 Dahil sa pangyayaring ito, nagkaroon ng malaking paggalang ang mga tao sa Panginoon. Kaya naghandog sila at nangakong ipagpapatuloy ang paglilingkod at paghahandog sa kanya.
17 Samantala, nagpadala ang Panginoon ng isang malaking isda para lunukin si Jonas. Tatlong araw at tatlong gabi siya sa tiyan ng isda.
Nanalangin si Jonas
2 Nanalangin si Jonas sa Panginoon na kanyang Dios sa loob ng tiyan ng isda. 2 Sinabi niya,
“Panginoon, sa paghihirap ng aking kalooban at kalagayan humingi po ako ng tulong sa inyo,
at sinagot nʼyo ako.
Sa bingit ng kamatayan,[c] humingi ako ng tulong sa inyo,
at pinakinggan nʼyo ako.
3 Inihagis nʼyo ako sa pusod ng dagat.
Napalibutan ako ng tubig at natabunan ng mga alon na ipinadala ninyo.
4 Pinalayas nʼyo ako sa inyong presensya,
pero umaasa pa rin akong makakalapit muli ako sa inyo roon sa inyong banal na templo.
5 Lumubog po ako sa tubig at halos malunod.
Natabunan ako ng tubig at ang ulo ko ay napuluputan ng mga halamang-dagat.
6 Lumubog ako hanggang sa pinakailalim ng dagat,
at parang ikinulong sa kailaliman ng lupa magpakailanman.
Pero kinuha nʼyo ako sa kailalimang iyon, O Panginoon kong Dios.
7 Nang parang mamamatay na ako,[d] tumawag ako sa inyo, Panginoon,
at pinakinggan nʼyo ang dalangin ko roon sa inyong banal na templo.
8 Ang mga taong sumasamba sa mga walang kwentang dios-diosan ay hindi na tapat sa inyo.
9 Pero maghahandog ako sa inyo nang may awit ng pasasalamat.
Tutuparin ko ang pangako ko na maghahandog sa inyo.
Kayo po, Panginoon, ang nagliligtas.”
10 Kaya inutusan ng Panginoon ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa dalampasigan.
Pumunta si Jonas sa Nineve
3 Muling nagsalita ang Panginoon kay Jonas. 2 Sinabi niya, “Pumunta ka agad sa Nineve, ang malaking lungsod, at sabihin mo sa mga taga-roon ang ipinapasabi ko sa iyo.” 3 Pumunta agad si Jonas sa Nineve ayon sa sinabi ng Panginoon. Malaking lungsod ang Nineve; aabutin ng tatlong araw kung ito ay lalakarin.
4 Pumasok si Jonas sa Nineve. Pagkatapos ng maghapong paglalakad, sinabi niya sa mga taga-roon, “May 40 araw na lamang ang natitira at wawasakin na ang Nineve.”
5 Naniwala ang mga taga-roon sa pahayag na ito mula sa Dios. Kaya lahat sila, mula sa pinakadakila hanggang sa pinakaaba ay nagsuot ng damit na panluksa[e] at nag-ayuno upang ipakita ang kanilang pagsisisi. 6 Sapagkat nang mapakinggan ng hari ang mensahe ni Jonas, tumayo siya mula sa kanyang trono, inalis ang kanyang balabal, nagsuot ng damit na panluksa at naupo sa lupa upang ipakita ang kanyang pagsisisi. 7 At nagpalabas siya ng isang proklamasyon sa Nineve na nagsasabi, “Ayon sa utos ng hari at ng kanyang mga pinuno, walang sinumang kakain at iinom, kahit ang inyong mga baka, tupa o kambing. 8 Magsuot kayong lahat ng damit na panluksa pati na ang inyong mga hayop, at taimtim na manalangin sa Dios. Talikdan ninyo ang masamang pamumuhay at pagmamalupit. 9 Baka sakaling magbago ang isip ng Dios at mawala ang kanyang galit sa atin at hindi na niya tayo lipulin.”
10 Nakita ng Dios ang kanilang ginawa, kung paano nila tinalikuran ang kanilang masamang pamumuhay. Kaya nagbago ang kanyang isip, at hindi na niya nilipol ang mga taga-Nineve gaya ng kanyang sinabi noon.
Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Panginoon
4 Sumama ang loob ni Jonas dahil sa pagpapatawad ng Panginoon sa Nineve, at galit na galit siya. 2 Sinabi niya sa Panginoon nang siya ay manalangin, “O Panginoon, talagang hindi ako nagkamali nang sabihin ko noong naroon pa ako sa aming lugar na kaaawaan mo ang mga taga-Nineve kung magsisisi sila, dahil alam ko na mahabagin kang Dios at mapagmalasakit. Mapagmahal ka at hindi madaling magalit. At handa kang magbago ng isip na hindi na magpadala ng parusa. Iyan ang dahilan kung bakit tumakas ako papuntang Tarshish. 3 Kaya Panginoon, kunin mo na lang ako, dahil mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” 4 Sumagot ang Panginoon, “May karapatan ka bang magalit sa ginawa ko sa Nineve?”
5 Lumabas si Jonas sa lungsod at umupo sa gawing silangan nito. Gumawa siya ng masisilungan at sumilong doon habang hinihintay kung ano ang mangyayari sa lungsod. 6 Pero naiinitan pa rin si Jonas, kaya pinatubo ng Panginoong Dios ang isang malagong halaman na lampas tao upang maliliman siya. At labis namang ikinagalak iyon ni Jonas. 7 Pero kinabukasan nang maaga pa, ipinakain ng Dios sa uod ang halamang iyon at nalanta ito.
8 Pagsikat ng araw, pinaihip ng Dios ang mainit na hangin mula sa silangan. Halos mahimatay si Jonas nang masikatan ng araw ang ulo niya. Nais niyang mamatay na lang, kaya sinabi niya, “Mas mabuti pang mamatay ako kaysa mabuhay.” 9 Sinabi ng Dios sa kanya, “May karapatan ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?” Sumagot siya, “Oo, mayroon akong karapatang magalit, kaya mas mabuti pang mamatay na lang ako.” 10 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Nanghinayang ka nga sa halamang iyon na tumubo sa loob lamang ng isang gabi at nalanta rin agad sa loob din ng isang gabi, kahit na hindi ikaw ang nagtanim o nagpatubo. 11 Ako pa kaya ang hindi manghinayang sa malaking lungsod ng Nineve na may mahigit 120,000 tao na walang alam tungkol sa aking mga kautusan[f] at marami ring mga hayop?”
Footnotes
- 1:3 tumakas agad sa Panginoon: Maaaring ang ibig sabihin, tumakas siya sa pagtawag ng Panginoon; o, tumakas siya mula sa Israel kung saan nakatira ang Panginoon sa kanyang templo.
- 1:9 Dios sa langit: o, Dios na nasa langit; o, Dios na lumikha ng langit; o, Dios na higit sa lahat.
- 2:2 bingit ng kamatayan: sa literal, sa kailaliman ng lugar ng mga patay.
- 2:7 Nang parang mamamatay na ako: o, Noong pagod na pagod na ako; o, Noong nawalan na ako ng pag-asa.
- 3:5 damit na panluksa: sa Hebreo, sakong damit. Ganito rin sa talatang 6 at 8.
- 4:11 na walang alam … mga kautusan: sa literal, na hindi alam kung alin ang kanilang kanan o kaliwang kamay.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®