Isaias 9
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Paghahari ng Prinsipe ng Kapayapaan
9 Ngunit(A) napawi na ang dilim sa bayang matagal nang namimighati. Noong mga nakaraang araw, inilagay niya sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at ang lupain ng Neftali. Ngunit sa panahong darating, dadakilain niya ang lupaing ito, daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga Hentil!
2 Nakakita(B) ng isang maningning na liwanag
ang bayang matagal nang lumalakad sa kadiliman;
sumikat na ang liwanag
sa mga taong naninirahan sa lupaing balot ng dilim.
3 Pinasigla mo ang kanilang pagdiriwang,
dinagdagan mo ang kanilang tuwa.
Nagagalak sila na parang panahon ng anihan,
at parang mga taong naghahati-hati sa nasamsam na kayamanan.
4 Sapagkat binali mo ang pamatok ng kahirapan
at mga bigatin sa kanilang balikat ay pinasan.
Pamalo ng mga mang-aapi, iyong binali
tulad sa Midian na iyong ginapi.
5 Ang panyapak ng mga mandirigma,
at ang lahat ng kasuotang tigmak sa dugo ay susunugin.
6 Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin.
Ibibigay sa kanya ang pamamahala;
at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo,
Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama,
Prinsipe ng Kapayapaan.
7 Magiging(C) malawak ang kanyang kapangyarihan
at walang katapusang kapayapaan ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang kaharian.
Itatatag niya ito at pamamahalaan
na may katarungan at katuwiran
mula ngayon at magpakailanman.
Isasagawa ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Paparusahan ng Diyos ang Israel
8 Nagsalita ang Panginoon laban kay Jacob,
sa kaharian ng Israel.
9 Malalaman ito ng lahat ng tao sa Efraim
at ng lahat ng naninirahan sa Samaria,
ngunit dahil sila'y pangahas at tunay na palalo, sila ay nagsabi ng ganito:
10 “Gumuho man ang mga gusaling yari sa tisa,
magtatayo naman kami ng gusaling yari sa bato.
Maubos man ang mga punong sikamoro,
papalitan namin ng sedar ang mga ito.”
11 Kaya sila'y ipasasalakay ni Yahweh
sa kanilang mga kaaway.
12 Ang Israel ay sasakmalin ng Siria mula sa silangan
at ng mga Filisteo mula sa kanluran,
ngunit hindi pa rin mawawala ang matindi niyang galit,
at patuloy pa niyang paparusahan ang bayang Israel.
13 Ngunit hindi pa rin magsisisi ang bayan kahit na sila'y parusahan,
ayaw talaga nilang magbalik-loob kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
14 Kaya sa loob lamang ng isang araw ay paparusahan ni Yahweh ang mga pinuno't mamamayan ng Israel;
para silang hayop na pinutulan ng ulo't buntot.
15 Ang ulo'y ang matatandang pinuno na iginagalang,
at ang buntot nama'y mga propetang bulaan.
16 Iniligaw ng kanilang mga pinuno ang bayang ito
kaya ang mga tagasunod nila ay nagkakagulo.
17 Dahil dito, hindi kinalugdan ng Panginoon ang kanilang mga kabataang lalaki,
hindi niya kinahabagan ang kanilang mga ulila at biyuda.
Lahat sila'y walang kinikilalang diyos at masasama;
pawang kahangalan ang kanilang sinasabi.
Sa lahat ng ito'y hindi mawawala ang matindi niyang galit,
patuloy niyang paparusahan ang bayang Israel.
18 Ang kasamaan ay naglalagablab na parang apoy
at sumusunog sa mga tinik at dawag;
tutupukin nito ang masukal na gubat
at papailanlang ang makapal na usok.
19 Susunugin ang buong lupa
dahil sa poot ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
at ang mga tao'y parang mga panggatong sa apoy
at walang ititira sa kanyang kapwa.
20 Susunggaban nila ang anumang pagkaing kanilang makikita,
gayunma'y hindi sila mabubusog,
kakainin din nila kahit laman ng kanilang mga anak.
21 Magsasagupaan ang mga naninirahan sa Manases at Efraim
at pagkatapos ay pagtutulungan ang Juda;
ngunit hindi pa rin mawawala ang matinding poot ni Yahweh.
Patuloy niyang paparusahan ang bayang Israel.