Isaias 64
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
64 Bakit hindi mo buksan ang langit at bumabâ ka sa mundong ibabaw,
upang ang mga bundok ay manginig sa takot sa iyong harapan?
2 Sila'y manginginig na parang tubig na kumukulo sa init ng apoy.
Ipakita mo ang iyong kapangyarihan sa iyong mga kaaway,
upang manginig ang mga bansa sa iyong harapan.
3 Nang ikaw ay dumating sa nakaraang panahon, gumawa ka ng mga bagay na nakakapangilabot na hindi namin inaasahan;
ang mga bundok ay nanginig sa takot nang ikaw ay makita.
4 Sangkatauhan(A) ay wala pang nakikita
o naririnig na Diyos maliban sa iyo;
ikaw na tumutugon sa mga dalangin ng mga umaasa sa iyo.
5 Tinatanggap mo ang mga taong nagagalak gumawa ng tama;
at sila na sa iyo'y nakakaalala sa nais mong maging buhay nila.
Ngunit kapag patuloy kaming nagkakasala, ikaw ay nagagalit.
At sa kabila ng iyong poot, patuloy kami sa paggawa ng masama.
6 Lahat tayo'y naging marumi sa harapan ng Diyos;
ang mabubuting gawa nati'y maruruming basahan ang katulad.
Nalanta na tayong lahat gaya ng mga dahon;
tinatangay tayo ng malakas na hangin ng ating kasamaan.
7 Walang sinumang tumatawag sa pangalan mo;
walang sinumang bumabangon upang sa iyo'y lumapit.
Kami'y iyong pinagtaguan,
at dahil sa aming mga kasalanan, kami'y iyong pinuksa.
8 Gayunman, O Yahweh, ikaw pa rin ang aming Ama.
Kami ang putik at ikaw ang magpapalayok.
Ikaw ang sa ami'y humubog.
9 O Yahweh, huwag kang mapoot sa amin nang labis;
huwag mo nang alalahanin magpakailanman ang aming mga kasamaan;
mahabag ka sa amin sapagkat kami'y iyong bayan.
10 Ang mga banal na lunsod mo'y naging mga disyerto;
ang Jerusalem ay naging mapanglaw na guho.
11 Ang aming banal at magandang Templo,
na sinasambahan ng aming mga ninuno,
ngayon ay sunog na;
at ang lahat ng lugar na kawili-wiling pagtipunan, ay wasak nang tuluyan.
12 O Yahweh, pagkatapos ng mga bagay na ito, ano ang iyong gagawin?
Tatahimik ka ba at patuloy kaming pahihirapan?