Add parallel Print Page Options

64 Oh buksan mo sana ang langit, na ikaw ay bumaba, na ang mga bundok ay gumuho sa iyong harapan.

Gaya ng kung nililiyaban ng apoy ang siitan, at ng kung pinakukulo ng apoy ang tubig; upang ipakilala ang iyong pangalan sa iyong mga kaaway, upang ang mga bansa ay manginig sa iyong harapan!

Nang ikaw ay gumawa ng mga kakilakilabot na bagay na hindi namin hinihintay, ikaw ay bumaba, ang mga bundok ay gumuho sa iyong harapan.

Sapagka't hindi narinig ng mga tao mula nang una, o naulinigan man ng pakinig, o ang mata ay nakakita man ng Dios liban sa iyo, na iginagawa niya ng kabutihan ang naghihintay sa kaniya.

Iyong sinasalubong siya na nagagalak at gumagawa ng katuwiran, yaong nagsialaala sa iyo sa iyong mga daan: narito, ikaw ay napoot, at kami ay nagkasala: napasa kanila kaming malaong panahon; at maliligtas baga kami?

Sapagka't kaming lahat ay naging parang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang basahang marumi: at nalalantang gaya ng dahon kaming lahat; at tinatangay kami ng aming mga kasamaan, na parang hangin.

At walang tumatawag ng iyong pangalan, na gumigising upang manghawak sa iyo; sapagka't ikinubli mo ang iyong mukha sa amin, at iyong pinugnaw kami sa aming mga kasamaan.

Nguni't ngayon, Oh Panginoon, ikaw ay aming Ama; kami ang malagkit na putik, at ikaw ay magpapalyok sa amin; at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay.

Huwag kang lubhang mapoot, Oh Panginoon, o umalaala man ng kasamaan ng magpakailan man: narito, tingnan mo, isinasamo namin sa iyo, kaming lahat ay iyong bayan.

10 Ang iyong mga bayang banal ay naging ilang, ang Sion ay naging giba, ang Jerusalem ay sira.

11 Ang aming banal at magandang bahay, na pinagpupurihan sa iyo ng aming mga magulang ay nasunog sa apoy; at lahat naming maligayang bagay ay nasira.

12 Magpipigil ka baga sa mga bagay na ito, Oh Panginoon? ikaw baga'y tatahimik, at pagdadalamhatiin mo kaming mainam?

64 Panginoon, punitin nʼyo po ang kalangitan. Bumaba kayo, at yayanig ang mga bundok kapag nakita kayo. Kung papaanong ang apoy ay nakapagpapaliyab ng tuyong mga sanga at nakapagpapakulo ng tubig, ang pagdating naman ninyo ay makapagpapanginig ng mga bansang kaaway nʼyo, at malalaman nila kung sino kayo. Noong bumaba po kayo at gumawa ng mga kahanga-hangang mga bagay na hindi namin inaasahan, nayanig ang mga bundok sa inyong presensya. Mula noon hanggang ngayon wala pang nakarinig o nakakita ng Dios na katulad nʼyo na tumutulong sa mga nagtitiwala sa kanya. Tinatanggap nʼyo ang mga nagagalak na gumawa ng matuwid at sumusunod sa inyong mga pamamaraan. Pero nagalit po kayo sa amin dahil patuloy naming sinusuway ang inyong mga pamamaraan. Kaya papaano kami maliligtas? Kaming lahat ay naging parang maruming bagay, at ang lahat ng aming mabubuting gawa ay parang maruming basahan. Kaming lahat ay parang dahong natutuyo, at ang aming kasamaan ay parang hangin na tumatangay sa amin. Wala kahit isa man sa amin ang humihiling at nagsusumikap na kumapit sa inyo. Sapagkat lumayo po kayo sa amin, at pinabayaan nʼyo kaming mamatay dahil sa aming mga kasalanan. Pero, Panginoon, kayo pa rin ang aming Ama. Ang katulad ninyoʼy magpapalayok, at kami naman ay parang putik. Kayo ang gumawa sa aming lahat. Panginoon, huwag nʼyo naman pong lubusin ang inyong galit sa amin o alalahanin ang mga kasalanan namin magpakailanman. Nakikiusap po kami sa inyo na dinggin nʼyo kami, dahil kaming lahat ay inyong mamamayan. 10 Ang mga banal nʼyong lungsod, pati ang Jerusalem ay naging parang ilang na walang naninirahan. 11 Nasunog ang aming banal at magandang templo, kung saan po kayo sinasamba ng aming mga ninuno. Nawasak ang lahat ng bagay na mahalaga sa amin. 12 Sa kalagayan naming ito, Panginoon, kami po ba ay ayaw nʼyo pa ring tulungan? Kayo po ba ay tatahimik na lamang, at parurusahan kami ng lubusan?