Add parallel Print Page Options

62 Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Jerusalem.
Hindi ako tatahimik hanggang hindi niya nakakamit ang kaligtasan;
hanggang sa makita ang kanyang tagumpay na parang sulong nagliliyab.
Makikita ng mga bansa ang pagpapawalang-sala sa iyo,
at ng lahat ng hari ang iyong kaningningan.
Ikaw ay tatawagin sa isang bagong pangalan,
na si Yahweh mismo ang magkakaloob.
Ikaw ay magiging magandang korona sa kamay ni Yahweh, isang maharlikang putong na hawak ng Diyos.
Hindi ka na tatawaging ‘Pinabayaan,’
at ang lupain mo'y hindi na rin tatawaging ‘Asawang Iniwanan.’
Ang itatawag na sa iyo'y ‘Kinalulugdan ng Diyos,’
at ang lupain mo'y tatawaging ‘Maligayang Asawa,’
sapagkat si Yahweh ay nalulugod sa iyo,
at ikaw ay magiging parang asawa sa iyong lupain.
Tulad ng isang binatang ikinakasal sa isang birhen,
ikaw ay pakakasalan ng sa iyo ay lumikha,
kung paanong nagagalak ang binata sa kanyang kasintahan,
ganoon din ang kagalakan ng Diyos sa iyo.

Naglagay ako ng mga bantay sa mga pader mo, Jerusalem;
hindi sila tatahimik araw at gabi.
Ipapaalala nila kay Yahweh ang kanyang pangako,
upang hindi niya ito makalimutan.
Huwag ninyo siyang pagpapahingahin
hanggang hindi niya naitatatag muli itong Jerusalem;
isang lunsod na pinupuri ng buong mundo.

Sumumpa si Yahweh at gagawin niya iyon
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan:
“Hindi na ibibigay ang inyong ani upang kainin ng mga kaaway;
hindi rin makakainom ang mga dayuhan, sa alak na inyong pinaghirapan.
Kayong nagpagod at nagpakahirap, nagtanim, nag-ani,
ang siyang makikinabang at magpupuri kay Yahweh;
kayong nag-alaga at nagpakahirap sa mga ubasan,
kayo ang iinom ng alak sa mga bulwagan ng aking Templo.”

10 Pumasok kayo at dumaan sa mga pintuan!
Gumawa kayo ng daan para sa ating kababayang nagsisibalik!
Maghanda kayo ng malawak na lansangan! Alisan ninyo ito ng mga bato!
Maglagay kayo ng mga tanda upang malaman ng mga bansa,
11 na(A) si Yahweh ay nagpapahayag sa buong lupa:
Sabihin mo sa mga taga-Zion,
“Narito, dumarating na ang inyong Tagapagligtas;
dala niya ang gantimpala sa mga hinirang.”
12 Sila'y tatawagin ng mga tao na ‘Bayang Banal, na Tinubos ni Yahweh.’
Tatawagin silang ‘Lunsod na Minamahal ng Diyos,’
‘Lunsod na hindi Pinabayaan ng Diyos.’

Ang Tagumpay ni Yahweh Laban sa mga Bansa

63 “Sino(B) itong dumarating na buhat sa Edom,
    buhat sa Bozra na ang maringal na kasuotan ay kulay pula?
Sino ang magiting na lalaking ito
    na kung lumakad ay puno ng kasiglahan?
Ako ang nagbabadya ng tagumpay;
    ang kalakasan ko'y sapat na upang kayo ay iligtas.”

“Bakit pula ang iyong suot?
    Tulad ng damit ng nagpipisa ng ubas upang gawing alak?”
Ang(C) sagot ni Yahweh: “Pinisa ko ang mga bansa na parang ubas,
    wala man lang tumulong sa akin;
tinapakan ko sila sa tindi ng aking galit,
    kaya natigmak sa dugo ang aking damit.
Nagtakda na ako ng araw upang maghiganti,
    sapagkat dumating na ang panahon ng aking pagliligtas.
Ako'y(D) naghanap ng makakatulong
    ngunit walang nakita kahit isa;
ako'y pinalakas ng aking galit,
    at mag-isa kong nakamit ang pagtatagumpay.
Sa tindi ng aking galit ay dinurog ko ang mga bansa,
    aking ibinuhos ang kanilang mga dugo sa lupa.”

Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel

Aking sasaysayin ang pag-ibig ni Yahweh na hindi nagmamaliw;
    pupurihin ko siya sa lahat ng bagay na kanyang ginawa para sa atin.
Tunay na kanyang pinagpala ang bayang Israel,
    dahil sa kahabagan niya at wagas na pag-ibig.
Sinabi ni Yahweh, “Sila ang bayan ko na aking hinirang,
    kaya hindi nila ako pagtataksilan.”
Iniligtas niya sila
    sa kapahamakan at kahirapan.
Hindi isang anghel,
    kung hindi si Yahweh mismo ang nagligtas sa kanila;
iniligtas sila dahil sa pag-ibig niya't habag,
    na sa simula pa ay kanya nang ipinakita.

10 Ngunit sa kabila nito, sila'y naghimagsik
    at pinighati nila ang kanyang banal na Espiritu;
dahil doon naging kaaway nila si Yahweh.
11 Pagkatapos, naalala nila ang panahon ni Moises,
    ang lingkod ni Yahweh.
Ang tanong nila, “Nasaan na si Yahweh, na nagligtas sa mga pinuno ng kanyang bayan nang sila'y tumawid sa Dagat ng mga Tambo?
Nasaan na si Yahweh, na nagbigay ng kanyang banal na Espiritu kay Moises?
12 Sa(E) pangalan ni Yahweh, hinawi ni Moises ang tubig ng dagat,
    kaya ang Israel doon ay naligtas.
At siya ay natanyag sa lahat para sa kanyang sarili.”
13 Natawid nila ang karagatan sa tulong ni Yahweh,
    parang kabayong matatag na hindi nabuwal.
14 Kung paanong ang kawan ay dinadala sa sariwang pastulan,
    ang Espiritu[a] ni Yahweh ang nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayan,
at sila'y ginabayan upang siya ay maparangalan.

Dalangin para sa Tulong ni Yahweh

15 Magmula sa langit tunghayan mo kami, Yahweh,
    at iyong pagmasdan mula sa iyong dakila at banal na trono.
Saan ba naroon ang malasakit mo at kapangyarihan?
    Pag-ibig mo at kahabagan,
    huwag kaming pagkaitan.
16 Kung walang nagawa sa amin si Jacob at Abraham,
ikaw lamang, Yahweh, ang aming pag-asa at Amang aasahan;
    tanging ikaw lamang ang nagliligtas ng aming buhay.
17 Bakit ba, O Yahweh, kami'y tinulutang maligaw ng landas,
    at ang puso nami'y iyong hinayaang maging matigas?
Balikan mo kami at iyong kaawaan,
    mga lingkod mo na tanging iyo lamang.
18 Kami, na iyong banal na bayan ay sandaling itinaboy ng mga kaaway;
    winasak nila ang iyong santuwaryo.
19 Ang turing mo sa amin ay parang hindi mo pinamahalaan;
    ang nakakatulad ay mga nilalang na di nakaranas na iyong pagharian.

64 Bakit hindi mo buksan ang langit at bumabâ ka sa mundong ibabaw,
    upang ang mga bundok ay manginig sa takot sa iyong harapan?
Sila'y manginginig na parang tubig na kumukulo sa init ng apoy.
Ipakita mo ang iyong kapangyarihan sa iyong mga kaaway,
    upang manginig ang mga bansa sa iyong harapan.
Nang ikaw ay dumating sa nakaraang panahon, gumawa ka ng mga bagay na nakakapangilabot na hindi namin inaasahan;
    ang mga bundok ay nanginig sa takot nang ikaw ay makita.
Sangkatauhan(F) ay wala pang nakikita
    o naririnig na Diyos maliban sa iyo;
    ikaw na tumutugon sa mga dalangin ng mga umaasa sa iyo.
Tinatanggap mo ang mga taong nagagalak gumawa ng tama;
    at sila na sa iyo'y nakakaalala sa nais mong maging buhay nila.
Ngunit kapag patuloy kaming nagkakasala, ikaw ay nagagalit.
    At sa kabila ng iyong poot, patuloy kami sa paggawa ng masama.
Lahat tayo'y naging marumi sa harapan ng Diyos;
    ang mabubuting gawa nati'y maruruming basahan ang katulad.
Nalanta na tayong lahat gaya ng mga dahon;
    tinatangay tayo ng malakas na hangin ng ating kasamaan.
Walang sinumang tumatawag sa pangalan mo;
    walang sinumang bumabangon upang sa iyo'y lumapit.
Kami'y iyong pinagtaguan,
    at dahil sa aming mga kasalanan, kami'y iyong pinuksa.
Gayunman, O Yahweh, ikaw pa rin ang aming Ama.
    Kami ang putik at ikaw ang magpapalayok.
    Ikaw ang sa ami'y humubog.
O Yahweh, huwag kang mapoot sa amin nang labis;
    huwag mo nang alalahanin magpakailanman ang aming mga kasamaan;
    mahabag ka sa amin sapagkat kami'y iyong bayan.
10 Ang mga banal na lunsod mo'y naging mga disyerto;
    ang Jerusalem ay naging mapanglaw na guho.
11 Ang aming banal at magandang Templo,
    na sinasambahan ng aming mga ninuno,
ngayon ay sunog na;
    at ang lahat ng lugar na kawili-wiling pagtipunan, ay wasak nang tuluyan.
12 O Yahweh, pagkatapos ng mga bagay na ito, ano ang iyong gagawin?
    Tatahimik ka ba at patuloy kaming pahihirapan?

Footnotes

  1. Isaias 63:14 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .