Isaias 61
Ang Biblia, 2001
Balita ng Kaligtasan
61 Ang(A) (B) Espiritu ng Panginoong Diyos ay sumasaakin;
sapagkat hinirang[a] ako ng Panginoon
upang ipangaral ang mabuting balita sa inaapi
kanyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso,
upang magpahayag ng kalayaan sa mga bihag,
at buksan ang bilangguan sa mga bilanggo;
2 upang(C) ihayag ang kalugud-lugod na taon ng Panginoon,
at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos;
upang aliwin ang lahat ng tumatangis;
3 upang pagkalooban sila na tumatangis sa Zion—
upang bigyan sila ng putong na bulaklak sa halip na mga abo,
sa halip na pagtangis ay langis ng kagalakan,
sa halip na lupaypay na diwa ay damit ng kapurihan,
upang sila'y matawag na mga punungkahoy ng katuwiran,
ang pananim ng Panginoon, upang siya'y bigyan ng kaluwalhatian.
4 Kanilang itatayong muli ang mga sinaunang naguho,
kanilang ibabangon ang mga dating giba,
kanilang kukumpunihin ang mga lunsod na sira,
na sa maraming salinlahi ay nagiba.
5 At tatayo ang mga dayuhan at pakakainin ang inyong mga kawan,
at magiging inyong mga tagapag-araro ang mga dayuhan at manggagawa sa ubasan.
6 Ngunit kayo'y tatawaging mga pari ng Panginoon,
tatawagin kayo ng mga tao bilang mga tagapaglingkod ng ating Diyos,
kayo'y kakain ng kayamanan ng mga bansa,
at sa kanilang kaluwalhatian ay magmamapuri kayo.
7 Magtatamo kayo ng dalawang bahagi sa halip na kahihiyan,
sa halip na paghamak ay magagalak kayo sa inyong kapalaran;
kaya't sa inyong lupain ay dalawang bahagi ang aariin ninyo,
walang hanggang kagalakan ang mapapasa inyo.
8 Sapagkat akong Panginoon ay umiibig sa katarungan,
kinapopootan ko ang pagnanakaw at handog na sinusunog;
at aking tapat na ibibigay sa kanila ang kanilang gantimpala,
at ako'y makikipagtipan sa kanila ng walang hanggan.
9 At ang kanilang mga lahi ay makikilala sa gitna ng mga bansa,
at ang kanilang supling sa gitna ng mga bayan;
lahat ng nakakakita sa kanila ay kikilalanin sila,
na sila ang bayang pinagpala ng Panginoon.
10 Ako'y(D) magagalak na mabuti sa Panginoon,
ang aking buong pagkatao ay magagalak sa aking Diyos;
sapagkat binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan,
kanyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran,
gaya ng lalaking ikakasal na ginagayakan ang sarili ng palamuting bulaklak,
at gaya ng babaing ikakasal na nagagayakan ng kanyang mga hiyas.
11 Sapagkat kung paanong ang lupa'y nagpapatubo ng kanyang pananim,
at kung paanong ang halamanan ay nagpapasibol ng mga bagay na sa kanya'y itinanim,
gayon pasisibulin ng Panginoong Diyos ang katuwiran at kapurihan
sa harapan ng lahat ng bansa.
Footnotes
- Isaias 61:1 o pinahiran ng langis .
Isaias 61
Ang Dating Biblia (1905)
61 Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay sumasa akin; sapagka't pinahiran ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo;
2 Upang magtanyag ng kalugodlugod na taon ng Panginoon, at ng kaarawan ng panghihiganti ng ating Dios; upang aliwin yaong lahat na nagsisitangis;
3 Upang iukol sila na nagsisitangis sa Sion, upang bigyan sila ng putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan na kahalili ng pagtangis, ng damit ng kapurihan na kahalili ng kabigatan ng loob; upang sila'y matawag na mga punong kahoy ng katuwiran, na pananim ng Panginoon upang siya'y luwalhatiin.
4 At sila'y magtatayo ng mga dating sira, sila'y magbabangon ng mga dating giba, at kanilang huhusayin ang mga sirang bayan, ang mga nagiba sa maraming sali't saling lahi.
5 At ang mga taga ibang lupa ay magsisitayo at mangagpapastol ng inyong mga kawan, at ang mga taga ibang lupa ay magiging inyong mga mangaararo at mangungubasan.
6 Nguni't kayo'y tatawaging mga saserdote ng Panginoon; tatawagin kayo ng mga tao na mga tagapangasiwa ng ating Dios: kayo'y magsikain ng kayamanan ng mga bansa, at sa kanilang kaluwalhatian ay mangagmamapuri kayo.
7 Kahalili ng inyong kahihiyan ay nagtatamo kayo ng ibayong karangalan; at kahalili ng pagkalito ay magagalak sila sa kanilang bahagi: kaya't sa kanilang lupain ay mangagaari sila ng ibayong kasaganaan, walang hanggang kagalakan ang mapapasa kanila.
8 Sapagka't ako, ang Panginoon, ay umiibig ng kahatulan, aking ipinagtatanim ang pagnanakaw sangpu ng kasamaan; at aking ibibigay sa kanila ang kanilang kagantihan sa katotohanan, at ako'y makikipagtipan sa kanila ng walang hanggan.
9 At ang kanilang lahi makikilala sa gitna ng mga bansa, at ang kanilang lahi sa gitna ng mga bayan: lahat na nangakakakita sa kanila ay mangakakakilala sa kanila, na sila ang lahi na pinagpala ng Panginoon.
10 Ako'y magagalak na mainam sa Panginoon, ang aking kaluluwa ay magagalak sa aking Dios; sapagka't binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan; kaniyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran, gaya ng kasintahang lalake na nagpuputong ng putong na bulaklak, at gaya ng kasintahang babae na naggagayak ng kaniyang mga hiyas.
11 Sapagka't kung paanong ang lupa'y nagsisibol ng pananim, at kung paanong ang halamanan ay nagsisibol ng mga bagay na natanim sa kaniya; gayon pasisibulin ng Panginoong Dios ang katuwiran at kapurihan sa harap ng lahat na bansa.
Isaias 61
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ililigtas ng Panginoon ang Kanyang mga Mamamayan
61 Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay nasa akin. Sapagkat hinirang niya ako na mangaral ng magandang balita sa mga mahihirap. Sinugo niya ako para aliwin ang mga sugatang-puso, at para ibalita sa mga bihag at mga bilanggo na silaʼy malaya na. 2-3 Sinugo rin niya ako para ibalita na ngayon na ang panahon na ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan at parurusahan ang kanilang mga kaaway. Sinugo rin niya ako para aliwin ang mga nalulungkot sa Zion, nang sa ganoon, sa halip na maglagay sila ng abo sa kanilang ulo bilang tanda ng pagdadalamhati, maglalagay sila ng langis o ng koronang bulaklak sa kanilang ulo bilang tanda ng kaligayahan. Silaʼy magiging parang matibay na puno na itinanim ng Panginoon. Kikilalanin silang mga taong matuwid sa ikakaluwalhati ng Panginoon. 4 Muli nilang itatayo ang kanilang mga lungsod na matagal nang nagiba.
5 Mga mamamayan ng Dios, maglilingkod sa inyo ang mga dayuhan. Aalagaan nila ang inyong mga hayop, at magtatrabaho sila sa inyong mga bukid at mga ubasan. 6 Tatawagin kayong mga pari ng Panginoon, mga lingkod ng ating Dios. Makikinabang kayo sa kayamanan ng mga bansa at magagalak kayo na ang mga itoʼy naging inyo. 7 Sa halip na kahihiyan, dodoble ang matatanggap ninyong pagpapala sa inyong lupain at talagang masisiyahan kayo sa matatanggap ninyo. Magiging maligaya kayo magpakailanman.
8 “Sapagkat ako, ang Panginoon, ay nagagalak sa katarungan. Galit ako sa mga pagnanakaw at sa iba pang kasamaan. Sa aking katapatan, gagantimpalaan ko ang mga mamamayan ko at gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila. 9 Ang lahi nilaʼy magiging tanyag sa mga bansa. Ang lahat ng makakakita sa kanila ay magsasabing mga tao silang aking pinagpala.”
10 Nalulugod ako sa Panginoon kong Dios, dahil para niya akong binihisan ng kaligtasan at tagumpay. Para akong lalaking ikakasal na may suot na katulad ng magandang damit ng pari, o babae sa kasal na may mga alahas. 11 Sapagkat kung papaanong tiyak na sa lupa tumutubo ang mga binhi, ang tagumpay at katuwiran naman ay tiyak na manggagaling sa Panginoong Dios, at pupurihin siya ng mga bansa.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
