Isaias 60
Ang Biblia, 2001
Ang Magiging Kadakilaan ng Jerusalem
60 Ikaw ay bumangon, magliwanag ka, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating,
at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo.
2 Sapagkat narito, tatakpan ang lupa ng kadiliman,
at ng makapal na dilim ang mga bayan.
Ngunit ang Panginoon ay sisikat sa iyo,
at ang kanyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo.
3 At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag,
at ang mga hari sa ningning ng iyong pagsikat.
4 Imulat mo ang iyong mata sa palibot, at ikaw ay tumingin.
Silang lahat ay nagtitipon, sila'y pumaroon sa iyo,
ang iyong mga anak na lalaki ay magmumula sa malayo,
at ang iyong mga anak na babae ay kakalungin.
5 Kung magkagayon ikaw ay makakakita at maliliwanagan,
at ang iyong puso ay manginginig sa tuwa at magagalak,[a]
sapagkat ang kasaganaan ng dagat ay dadalhin sa iyo,
ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.
6 Tatakpan ka ng napakaraming kamelyo,
ng mga batang kamelyo ng Midian at Efa;
lahat ng mula sa Seba ay darating.
Sila'y magdadala ng ginto at kamanyang,
at maghahayag ng kapurihan ng Panginoon.
7 Lahat ng kawan sa Kedar ay matitipon sa iyo,
ang mga lalaking tupa sa Nebayot ay maglilingkod sa iyo;
sila'y aahon na may pagtanggap sa aking dambana,
at aking luluwalhatiin ang aking maluwalhating bahay.
8 Sino ang mga ito na lumilipad na parang ulap,
at parang mga kalapati sa kanilang mga bintana?
9 Tunay na ang mga pulo ay maghihintay sa akin,
at ang mga sasakyang-dagat ng Tarsis ay siyang mangunguna,
upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo,
ang kanilang pilak at kanilang ginto na kasama nila,
dahil sa pangalan ng Panginoon mong Diyos,
at dahil sa Banal ng Israel,
sapagkat kanyang niluwalhati ka.
10 Itatayo ng mga dayuhan ang mga kuta mo,
at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo;
sapagkat sa aking poot ay sinaktan kita,
ngunit sa aking biyaya ako sa iyo ay naawa.
11 Magiging(A) laging bukas ang iyong mga pintuan,
hindi isasara sa araw o sa gabi man;
upang ang mga tao ay magdala sa iyo ng kayamanan ng mga bansa,
at ang kanilang mga hari ang nangunguna sa hanay.
12 Sapagkat ang bansa at kaharian
na hindi maglilingkod sa iyo ay mamamatay;
ang mga bansang iyon ay malilipol nang lubusan.
13 Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay darating sa iyo,
ang puno ng sipres, ng abeto at ng pino na magkakasama,
upang pagandahin ang dako ng aking santuwaryo;
at aking gagawing maluwalhati ang lugar ng mga paa ko.
14 At(B) ang mga anak nila na umapi sa iyo
ay paroroong nakayuko sa iyo;
at silang lahat na humamak sa iyo
ay yuyukod sa talampakan ng mga paa mo;
at tatawagin ka nilang “Ang Lunsod ng Panginoon,
ang Zion ng Banal ng Israel.”
Ang Maluwalhating Zion
15 Yamang ikaw ay napabayaan at kinamuhian,
na anupa't walang tao na sa iyo ay dumaraan,
gagawin kitang walang hanggang karilagan,
na sa maraming salinlahi ay kagalakan.
16 Ikaw ay iinom ng gatas ng mga bansa,
at sususo sa mga suso ng mga hari;
at iyong malalaman na akong Panginoon ay Tagapagligtas mo
at Manunubos, Makapangyarihan ng Jacob.
17 Sa halip na tanso ay magdadala ako ng ginto,
at sa halip na bakal ay magdadala ako ng pilak,
sa halip na kahoy ay tanso,
sa halip na mga bato ay bakal.
Ang Kapayapaan ay gagawin kong mga tagapangasiwa mo,
at ang Katuwiran bilang iyong tagapamahala.
18 Hindi na maririnig sa iyong lupain ang Karahasan,
ni ang pagkawasak o pagkagiba sa loob ng iyong mga hangganan;
ang iyong mga pader ay tatawagin mong Kaligtasan,
at Papuri ang iyong mga pintuan.
19 Ang(C) araw ay hindi na magiging
iyong liwanag kapag araw;
o ang buwan man
ay magbibigay sa iyo ng liwanag.
Kundi ang Panginoon ang magiging iyong walang hanggang liwanag,
at ang iyong Diyos ay iyong kaluwalhatian.
20 Ang iyong araw ay hindi na lulubog,
o ang iyo mang buwan ay lulubog;
sapagkat ang Panginoon ay magiging iyong walang hanggang liwanag,
at ang mga araw ng iyong pagtangis ay matatapos.
21 Magiging matuwid na lahat ang iyong bayan,
kanilang aangkinin ang lupain magpakailanman,
ang sanga ng aking pananim, ang gawa ng aking mga kamay,
upang ako'y luwalhatiin.
22 Ang pinakamaliit ay magiging isang angkan,
at ang pinakakaunti ay magiging isang makapangyarihang bansa.
Ako ang Panginoon,
ito ay mabilis kong gagawin sa kapanahunan nito.
Footnotes
- Isaias 60:5 Sa Hebreo ay magiging malaki .
Isaias 60
Ang Biblia (1978)
Ang paghihiganti at pagliligtas ng Panginoon.
60 Ikaw ay bumangon, sumilang ka: sapagka't ang iyong liwanag ay dumating, at (A)ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo.
2 Sapagka't narito, tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng salimuot na dilim ang mga bayan: nguni't ang Panginoon ay sisikat sa iyo, at ang kaniyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo.
3 At ang mga bansa ay (B)paroroon sa iyong liwanag, (C)at ang mga hari sa ningning ng iyong sikat.
4 Imulat mo ang iyong mata sa palibot, at ikaw ay tumingin: silang lahat ay nangagpipisan, (D)sila'y nagsiparoon sa iyo: ang iyong mga anak na lalake ay mangagmumula sa malayo at ang iyong mga anak na babae ay kakalungin.
5 Kung magkagayon ikaw ay makakakita at maliliwanagan ka, at ang iyong puso ay titibok at lalaki; sapagka't (E)ang kasaganaan ng dagat ay mababalik sa iyo, ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.
6 Tatakpan ka ng karamihan ng kamelyo, ng mga dromedario sa Madian at sa (F)Epha; magsisipanggaling na lahat mula sa Seba: mangagdadala ng (G)ginto at kamangyan, at magtatanyag ng mga kapurihan ng Panginoon.
7 Lahat ng kawan sa (H)Cedar ay mapipisan sa iyo, ang mga lalaking tupa sa Nebayoth ay mangahahain sa akin: sila'y kalugodlugod, na (I)tatanggapin sa aking dambana, at aking luluwalhatiin ang bahay ng aking kaluwalhatian.
8 Sino ang mga ito na lumalakad na parang alapaap at parang mga kalapati sa kanilang mga dungawan?
9 Tunay na ang mga pulo ay mangaghihintay (J)sa akin, at ang mga sasakyang dagat ng Tarsis ay siyang mangunguna, upang (K)dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo, (L)ang kanilang pilak at kanilang ginto na kasama nila, dahil (M)sa pangalan ng Panginoon mong Dios, at dahil sa Banal ng Israel, (N)sapagka't kaniyang niluwalhati ka.
10 At itatayo (O)ng mga taga ibang lupa ang iyong mga kuta, at ang (P)kanilang mga hari ay magsisipangasiwa sa iyo: sapagka't (Q)sa aking poot ay sinaktan kita, (R)nguni't sa aking biyaya ay naawa ako sa iyo.
11 Ang iyo namang mga (S)pintuang-bayan ay mabubukas na lagi; hindi masasara sa araw o sa gabi man; upang ang mga tao ay mangagdala sa iyo ng kayamanan ng mga bansa, (T)at ang kanilang mga hari ay makakasama nila.
12 Sapagka't yaong bansa (U)at kaharian na hindi maglilingkod sa iyo ay mamamatay; oo, ang mga bansang yaon ay malilipol na lubos.
13 Ang kaluwalhatian ng Libano ay (V)darating sa iyo, (W)ang puno ng abeto, ng pino, at ng boj na magkakasama, upang pagandahin ang dako ng aking santuario; at aking (X)gagawin ang dako ng aking mga paa na maluwalhati.
14 At ang mga anak nila na dumalamhati sa iyo ay magsisiparoong yuyuko sa iyo; (Y)at silang lahat na nagsisihamak sa iyo ay magpapatirapa sa mga talampakan ng iyong mga paa; at tatanawin ka nila (Z)Ang bayan ng Panginoon, (AA)Ang Sion ng Banal ng Israel.
Ang maluwalhating Sion.
15 Yamang ikaw ay (AB)napabayaan at ipinagtanim, na anopa't walang tao na dumadaan sa iyo, gagawin kitang walang hanggang (AC)karilagan, na kagalakan ng maraming sali't saling lahi.
16 Ikaw naman ay iinom ng gatas ng mga bansa, at sususo sa (AD)mga suso ng mga hari; at iyong malalaman na (AE)akong Panginoon ay Tagapagligtas sa iyo, at Manunubos sa iyo, (AF)Makapangyarihan ng Jacob.
17 Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal. Akin namang gagawin na iyong mga pinuno ang kapayapaan, at ang iyong mga maniningil ay katuwiran.
18 Karahasan ay hindi na maririnig sa iyong lupain, ni ang kawasakan o kagibaan sa loob ng iyong mga hangganan; (AG)kundi tatawagin mo ang iyong mga kuta ng Kaligtasan, (AH)at ang iyong mga pintuang-bayan na Kapurihan.
19 Ang araw ay (AI)hindi na magiging iyong liwanag sa araw; o ang buwan man ay magbibigay sa iyo ng liwanag: kundi ang Panginoon ay magiging sa iyo ay walang hanggang (AJ)liwanag, at ang iyong Dios ay iyong kaluwalhatian.
20 Ang iyong araw ay (AK)hindi na lulubog, o ang iyo mang buwan ay lulubog; sapagka't ang Panginoon ay magiging iyong walang hanggang liwanag, at ang mga kaarawan ng iyong pagtangis ay matatapos.
21 Ang iyong bayan naman ay magiging matuwid na (AL)lahat; sila'y mangagmamana ng lupain magpakailan man, (AM)ang sanga ng aking pananim, ang (AN)gawa ng aking mga kamay, upang ako'y luwalhatiin.
22 Ang munti ay magiging isang libo, at (AO)ang maliit ay magiging matibay na bansa: akong Panginoon, ay papapangyarihin kong madali sa kapanahunan.
Isaias 60
Ang Dating Biblia (1905)
60 Ikaw ay bumangon, sumilang ka: sapagka't ang iyong liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo.
2 Sapagka't narito, tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng salimuot na dilim ang mga bayan: nguni't ang Panginoon ay sisikat sa iyo, at ang kaniyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo.
3 At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa ningning ng iyong sikat.
4 Imulat mo ang iyong mata sa palibot, at ikaw ay tumingin: silang lahat ay nangagpipisan, sila'y nagsiparoon sa iyo: ang iyong mga anak na lalake ay mangagmumula sa malayo at ang iyong mga anak na babae ay kakalungin.
5 Kung magkagayon ikaw ay makakakita at maliliwanagan ka, at ang iyong puso ay titibok at lalaki; sapagka't ang kasaganaan ng dagat ay mababalik sa iyo, ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.
6 Tatakpan ka ng karamihan ng kamelyo, ng mga dromedario sa Madian at sa Epha; magsisipanggaling na lahat mula sa Seba: mangagdadala ng ginto at kamangyan, at magtatanyag ng mga kapurihan ng Panginoon.
7 Lahat ng kawan sa Cedar ay mapipisan sa iyo, ang mga lalaking tupa sa Nebayoth ay mangahahain sa akin: sila'y kalugodlugod, na tatanggapin sa aking dambana, at aking luluwalhatiin ang bahay ng aking kaluwalhatian.
8 Sino ang mga ito na lumalakad na parang alapaap at parang mga kalapati sa kanilang mga dungawan?
9 Tunay na ang mga pulo ay mangaghihintay sa akin, at ang mga sasakyang dagat ng Tarsis ay siyang mangunguna, upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo, ang kanilang pilak at kanilang ginto na kasama nila, dahil sa pangalan ng Panginoon mong Dios, at dahil sa Banal ng Israel, sapagka't kaniyang niluwalhati ka.
10 At itatayo ng mga taga ibang lupa ang iyong mga kuta, at ang kanilang mga hari ay magsisipangasiwa sa iyo: sapagka't sa aking poot ay sinaktan kita, nguni't sa aking biyaya ay naawa ako sa iyo.
11 Ang iyo namang mga pintuang-bayan ay mabubukas na lagi; hindi masasara sa araw o sa gabi man; upang ang mga tao ay mangagdala sa iyo ng kayamanan ng mga bansa, at ang kanilang mga hari ay makakasama nila.
12 Sapagka't yaong bansa at kaharian na hindi maglilingkod sa iyo ay mamamatay; oo, ang mga bansang yaon ay malilipol na lubos.
13 Ang kaluwalhatian ng Libano ay darating sa iyo, ang puno ng abeto, ng pino, at ng boj na magkakasama, upang pagandahin ang dako ng aking santuario; at aking gagawin ang dako ng aking mga paa na maluwalhati.
14 At ang mga anak nila na dumalamhati sa iyo ay magsisiparoong yuyuko sa iyo; at silang lahat na nagsisihamak sa iyo ay magpapatirapa sa mga talampakan ng iyong mga paa; at tatanawin ka nila Ang bayan ng Panginoon, Ang Sion ng Banal ng Israel.
15 Yamang ikaw ay napabayaan at ipinagtanim, na anopa't walang tao na dumadaan sa iyo, gagawin kitang walang hanggang karilagan, na kagalakan ng maraming sali't saling lahi.
16 Ikaw naman ay iinom ng gatas ng mga bansa, at sususo sa mga suso ng mga hari; at iyong malalaman na akong Panginoon ay Tagapagligtas sa iyo, at Manunubos sa iyo, Makapangyarihan ng Jacob.
17 Kahalili ng tanso ay magdadala ako ng ginto, at kahalili ng bakal ay magdadala ako ng pilak, at kahalili ng kahoy ay tanso, at kahalili ng mga bato ay bakal. Akin namang gagawin na iyong mga pinuno ang kapayapaan, at ang iyong mga maniningil ay katuwiran.
18 Karahasan ay hindi na maririnig sa iyong lupain, ni ang kawasakan o kagibaan sa loob ng iyong mga hangganan; kundi tatawagin mo ang iyong mga kuta ng Kaligtasan, at ang iyong mga pintuang-bayan na Kapurihan.
19 Ang araw ay hindi na magiging iyong liwanag sa araw; o ang buwan man ay magbibigay sa iyo ng liwanag: kundi ang Panginoon ay magiging sa iyo ay walang hanggang liwanag, at ang iyong Dios ay iyong kaluwalhatian.
20 Ang iyong araw ay hindi na lulubog, o ang iyo mang buwan ay lulubog; sapagka't ang Panginoon ay magiging iyong walang hanggang liwanag, at ang mga kaarawan ng iyong pagtangis ay matatapos.
21 Ang iyong bayan naman ay magiging matuwid na lahat; sila'y mangagmamana ng lupain magpakailan man, ang sanga ng aking pananim, ang gawa ng aking mga kamay, upang ako'y luwalhatiin.
22 Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa: akong Panginoon, ay papapangyarihin kong madali sa kapanahunan.
Isaias 60
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Kadakilaan ng Jerusalem sa Hinaharap
60 “Bumangon ka, Jerusalem, at magliwanag katulad ng araw, dahil dumating na ang kaligtasan[a] mo. Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ng Panginoon. 2 Mababalot ng matinding kadiliman ang mga bansa sa mundo, pero ikaw ay liliwanagan ng kaluwalhatian ng Panginoon. 3 Lalapit sa iyong liwanag ang mga bansa at ang kanilang mga hari. 4 Tingnan mo ang iyong paligid, nagtitipon na ang iyong mga mamamayan sa malayo para umuwi. Para silang mga batang kinakarga.[b] 5 Kapag nakita mo na ito, matutuwa ka at mag-uumapaw ang iyong kagalakan, dahil ang kayamanan ng mga bansa ay dadalhin dito sa iyo. 6 Mapupuno ang iyong lupain ng mga kamelyo ng mga taga-Midian at ng mga taga-Efa. Darating sila sa iyo mula sa Sheba na may dalang mga ginto at mga insenso para sambahin ang Panginoon. 7 Dadalhin ng mga taga-Kedar at mga taga-Nebayot ang kanilang mga tupa sa iyo, at ihahandog ito sa altar ng Panginoon para siyaʼy malugod. At lalo pang pararangalan ng Panginoon ang kanyang templo. 8-9 Maglalayag ang mga barko na parang mga ulap na lumilipad at parang mga kalapating papunta sa kanilang mga pugad. Ang mga barkong itoʼy pag-aari ng mga nakatira sa malalayong lugar,[c] na umaasa sa Panginoon.[d] Pangungunahan sila ng mga barko ng Tarshish para ihatid ang iyong mga mamamayan pauwi mula sa malalayong lugar. Magdadala sila ng mga ginto at pilak para sa Panginoon na iyong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, dahil ikaw ay kanyang pinararangalan.”
10 Sinasabi ng Panginoon sa Jerusalem: “Itatayo ng mga dayuhan ang iyong mga pader, at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo. Kahit na pinarurusahan kita dahil sa galit ko sa iyo, kaaawaan kita dahil akoʼy mabuti. 11 Palaging magiging bukas ang iyong pintuan araw at gabi para tumanggap ng mga kayamanan ng mga bansa. Nakaparada ang mga hari na papasok sa iyo. 12 Sapagkat lubusang mawawasak ang mga bansa at kahariang hindi maglilingkod sa iyo. 13 Ang kayamanan ng Lebanon ay magiging iyo – ang kanilang mga puno ng pino, enebro at sipres,[e] para mapaganda ang templo na aking tinitirhan. 14 Ang mga anak ng mga umapi sa iyo ay lalapit sa iyo at magbibigay galang. Luluhod sa paanan mo ang mga humamak sa iyo, at ikaw ay tatawagin nilang, ‘Lungsod ng Panginoon’ o ‘Zion, ang Lungsod ng Banal na Dios ng Israel.’ 15 Kahit na itinakwil at inusig ka, at walang nagpahalaga sa iyo, gagawin kitang dakila magpakailanman at ikaliligaya ito ng lahat ng salinlahi. 16 Aalagaan ka ng mga bansa at ng kanilang mga hari katulad ng sanggol na pinapasuso ng kanyang ina. Sa ganoon, malalaman mo na ako ang Panginoon, ang iyong Tagapagligtas at Tagapagpalaya, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob. 17 Papalitan ko ang mga kagamitan ng iyong templo. Ang mga tanso ay papalitan ko ng ginto, ang mga bakal ay papalitan ko ng pilak, at ang mga bato ay papalitan ko ng bakal. Iiral sa iyo ang kapayapaan at katuwiran. 18 Wala nang mababalitaang pagmamalupit sa iyong lupain. Wala na ring kapahamakan na darating sa iyo. Palilibutan ka ng kaligtasan na parang pader, at magpupuri sa akin ang mga pumapasok sa iyong pintuan.
19 “Hindi na ang araw ang magiging liwanag mo sa umaga at hindi na ang buwan ang tatanglaw sa iyo sa gabi, dahil ako, ang Panginoon, ang iyong magiging liwanag magpakailanman. Ako, na iyong Dios, ang iyong tanglaw.[f] 20 Ako ang iyong magiging araw at buwan na hindi na lulubog kahit kailan. At mawawala na ang iyong mga pagtitiis. 21 Ang lahat mong mamamayan ay magiging matuwid, at sila na ang magmamay-ari ng lupain ng Israel magpakailanman. Ginawa ko silang parang halaman na itinanim ko para sa aking karangalan. 22 Kakaunti sila, pero dadami sila. Mga kapus-palad sila, pero sila ay magiging makapangyarihang bansa. Ako, ang Panginoon, ang gagawa nito pagdating ng takdang panahon.”
Footnotes
- 60:1 kaligtasan: sa literal, ilaw.
- 60:4 Para silang mga batang kinakarga dahil tinutulungan sila ng mga taga-Persia sa kanilang pag-uwi.
- 60:8-9 malalayong lugar: o, mga isla; o, mga lugar malapit sa dagat.
- 60:8-9 sa Panginoon: sa Hebreo, sa akin.
- 60:13 sipres: o, “pine tree.”
- 60:19 tanglaw: sa literal, kagandahan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
