Isaias 6
Ang Biblia, 2001
Ang Pagkatawag kay Isaias
6 Noong(A) taong mamatay si Haring Uzias ay nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang tronong matayog at mataas; at napuno ang templo ng laylayan ng kanyang damit.
2 Sa itaas niya ay nakatayo ang mga serafin; bawat isa'y may anim na pakpak; may dalawang nakatakip sa kanyang mukha, may dalawa na nakatakip sa kanyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kanya.
3 At(B) tinawag ng isa ang isa at sinabi:
“Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo;
ang buong lupa ay punô ng kanyang kaluwalhatian.”
4 At(C) ang mga pundasyon ng mga pintuan ay nayanig sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.
5 Nang magkagayo'y sinabi ko: “Kahabag-habag ako! Ako'y napahamak sapagkat ako'y lalaking may maruruming labi, at ako'y naninirahan sa gitna ng bayan na may maruruming labi; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo!”
6 Nang magkagayo'y lumipad papalapit sa akin ang isa sa mga serafin na may baga sa kanyang kamay na kanyang kinuha ng mga sipit mula sa dambana.
7 Inilapat niya ito sa aking bibig, at nagsabi, “Ngayong lumapat ito sa iyong mga labi, ang iyong kasamaan ay naalis na, at ang iyong kasalanan ay pinatawad na.”
8 At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, “Sinong susuguin ko, at sinong hahayo para sa atin?” Nang magkagayo'y sinabi ko, “Narito ako; suguin mo ako!”
9 At(D) sinabi niya, “Ikaw ay humayo, at sabihin mo sa bayang ito:
‘Patuloy kayong makinig, ngunit huwag ninyong unawain;
patuloy ninyong tingnan, ngunit huwag ninyong alamin!’
10 Patabain mo ang puso ng bayang ito,
at iyong pabigatin ang kanilang mga pandinig,
at iyong ipikit ang kanilang mga mata;
baka sila'y makakita ng kanilang mga mata,
at makarinig ng kanilang mga tainga,
at makaunawa ng kanilang puso,
at magbalik-loob, at magsigaling.”
11 Nang magkagayo'y sinabi ko, “O Panginoon, hanggang kailan?”
At siya'y sumagot:
“Hanggang sa ang mga lunsod ay magiba
na walang naninirahan,
at ang mga bahay ay mawalan ng tao,
at ang lupain ay maging lubos na mawasak,
12 at ilayo ng Panginoon ang mga tao,
at ang mga pinabayaang dako ay marami sa gitna ng lupain.
13 At bagaman magkaroon ng ikasampung bahagi roon,
muli itong susunugin,
gaya ng isang roble o isang ensina,
na ang tuod ay nananatiling nakatayo kapag ito ay pinuputol.”
Ang banal na binhi ang siyang tuod niyon.
Isaias 6
Ang Dating Biblia (1905)
6 Noong taong mamatay ang haring Uzzias ay nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang luklukan, matayog at mataas; at pinuno ang templo ng kaniyang kaluwalhatian.
2 Sa itaas niya ay nangakatayo ang mga serapin: bawa't isa'y may anim na pakpak: na may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mukha, at may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kaniya.
3 At nagsisigawang isa't isa, at nagsasabi, Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo: ang buong lupa ay napuno ng kaniyang kaluwalhatian.
4 At ang mga patibayan ng mga pintuan ay nakilos sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.
5 Nang magkagayo'y sinabi ko, Sa aba ko! sapagka't ako'y napahamak; sapagka't ako'y lalaking may maruming mga labi, at ako'y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi: sapagka't nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo.
6 Nang magkagayo'y nilipad ako ng isa sa mga serapin, na may baga sa kaniyang kamay, na kaniyang kinuha ng mga pangipit mula sa dambana:
7 At hinipo niya niyaon ang aking bibig, at nagsabi, Narito, hinipo nito ang iyong mga labi; at ang iyong kasamaan ay naalis, at ang iyong kasalanan ay naalis.
8 At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, Sinong susuguin ko, at sinong yayaon sa ganang amin? Nang magkagayo'y sinabi ko: Narito ako; suguin mo ako.
9 At sinabi niya, Ikaw ay yumaon, at saysayin mo sa bayang ito, inyong naririnig nga, nguni't hindi ninyo nauunawa; at nakikita nga ninyo, nguni't hindi ninyo namamalas.
10 Patabain mo ang puso ng bayang ito, at iyong pabigatin ang kanilang mga pakinig, at iyong ipikit ang kanilang mga mata; baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata; at mangakarinig ng kanilang mga pakinig, at mangakaunawa ng kanilang puso, at mangagbalik loob, at magsigaling.
11 Nang magkagayo'y sinabi ko, Panginoon, hanggang kailan? At siya'y sumagot, Hanggang sa ang mga bayan ay mangagiba na walang tumahan, at ang mga bahay ay mangawalan ng tao, at ang lupain ay maging lubos na giba,
12 At ilayo ng Panginoon ang mga tao, at ang mga nilimot na dako ay magsidami sa gitna ng lupain.
13 At kung magkaroon ng ikasangpung bahagi roon, mapupugnaw uli: gaya ng isang roble, at gaya ng isang encina, na ang puno ay naiiwan, pagka pinuputol; gayon ang banal na lahi ay siyang puno niyaon.
Isaias 6
Ang Biblia (1978)
Ang pangitain ni Isaias, at pagkasugo.
6 (A)Noong taong mamatay ang haring (B)Uzzias ay (C)nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang luklukan, matayog at mataas; at pinuno ang templo ng kaniyang kaluwalhatian.
2 Sa itaas niya ay nangakatayo ang mga serapin: bawa't isa'y may (D)anim na pakpak: na may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mukha, at (E)may dalawa na nagsisitakip ng kaniyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kaniya.
3 At nagsisigawang isa't isa, at nagsasabi, (F)Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo: ang buong lupa ay napuno ng kaniyang kaluwalhatian.
4 At ang mga patibayan ng mga pintuan ay nakilos sa tinig ng sumisigaw, at (G)ang bahay ay napuno ng usok.
5 (H)Nang magkagayo'y sinabi ko, Sa aba ko! sapagka't ako'y napahamak; sapagka't ako'y lalaking may maruming mga labi, at ako'y tumatahan sa gitna ng bayan na may maruming mga labi: sapagka't (I)nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo.
6 Nang magkagayo'y nilipad ako ng isa sa mga serapin, na may baga sa kaniyang kamay, na kaniyang kinuha ng mga pangipit (J)mula sa dambana:
7 At hinipo niya niyaon ang aking bibig, at nagsabi, Narito, hinipo nito ang iyong mga labi; at ang iyong kasamaan ay naalis, at ang iyong kasalanan ay naalis.
8 At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, Sinong susuguin ko, at sinong yayaon sa ganang amin? Nang magkagayo'y sinabi ko: Narito ako; suguin mo ako.
9 At sinabi niya, Ikaw ay yumaon, at saysayin mo sa bayang ito, (K)Inyong naririnig nga, nguni't hindi ninyo nauunawa; at nakikita nga ninyo, nguni't hindi ninyo namamalas.
10 Patabain mo ang puso (L)ng bayang ito, at iyong pabigatin ang kanilang mga pakinig, at iyong ipikit ang kanilang mga mata; baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakarinig ng kanilang mga pakinig, at mangakaunawa ng kanilang puso, at mangagbalik loob, at magsigaling.
11 Nang magkagayo'y sinabi ko, Panginoon, hanggang kailan? At siya'y sumagot, Hanggang sa ang mga bayan ay mangagiba na walang tumahan, at ang mga bahay ay mangawalan ng tao, at ang lupain ay maging lubos na giba,
12 At ilayo ng Panginoon ang mga tao, at ang mga nilimot na dako ay magsidami sa gitna ng lupain.
13 At kung magkaroon ng ikasangpung bahagi roon, mapupugnaw uli: gaya ng isang roble, at gaya ng isang encina, na ang puno ay naiiwan, pagka pinuputol; gayon ang banal na (M)lahi ay siyang puno niyaon.
Isaias 6
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pagkatawag kay Isaias
6 Noong taon ng pagkamatay ni Haring Uzia, nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa napakataas na trono. Ang mahabang damit niya ay tumakip sa buong templo. 2 May mga makalangit na nilalang[a] sa gawing ulo niya. Ang bawat isa sa kanila ay may anim na pakpak: Ang dalawang pakpak ay nakatakip sa kanilang mukha, ang dalawa ay nakatakip sa kanilang paa, at ang dalawa ay ginagamit nila sa paglipad. 3 Sinasabi nila sa isaʼt isa:
“Banal, Banal, Banal, ang Panginoong Makapangyarihan! Ang kapangyarihan niyaʼy sumasakop sa buong mundo.”
4 Sa lakas ng tinig nila, nayanig ang mga pundasyon ng templo at napuno ng usok ang loob ng templo. 5 Sinabi ko, “Nakakaawa ako! Tiyak na mapapahamak ako, dahil akoʼy may makasalanang labi at naninirahan ako sa piling ng mga taong makasalanan din ang mga labi. At ngayon, nakita ko ang Hari, ang Panginoong Makapangyarihan.”
6 Pagkatapos, lumipad ang isa sa mga makalangit na nilalang papunta sa akin, may dala siyang baga na kinuha niya sa altar. 7 Inilapat niya ang baga sa aking bibig at sinabi, “Hinipo nito ang iyong bibig, at wala ka nang kasalanan dahil pinatawad ka na.” 8 Pagkatapos, narinig ko ang tinig ng Panginoon na nagsasabi, “Sino ang susuguin ko? Sino ang lalakad para sa amin?” Sumagot ako, “Narito po ako! Ako ang isugo ninyo.”
9 Sinabi niya, “Umalis ka at sabihin mo sa mga mamamayan ng Israel, ‘Makinig man kayo nang makinig ay hindi rin kayo makakaunawa. Tumingin man kayo nang tumingin, hindi rin kayo makakakita!’ ”
10 Sinabi pa niya, “Patigasin mo ang puso ng mga taong ito. Hayaan mo silang magbingi-bingihan at magbulag-bulagan, dahil baka makarinig sila, makakita, at makaunawa. Dahil kung makaunawa sila, magbabalik-loob sila sa akin, at gagaling.”
11 Nagtanong ako, “Panginoon, gaano katagal?” Sumagot siya, “Hanggang sa mawasak ang mga lungsod ng Israel at wala nang manirahan dito. Hanggang sa wala nang tumira sa mga bahay at ang lupain ay maging tiwangwang at wasak. 12 Hanggang sa palayasin ko ang mga Israelita at ang lupain nila ay mapabayaan na. 13 Kahit maiwan pa ang ikasampung bahagi ng mga Israelita sa lupain ng Israel, lilipulin pa rin sila. Pero may mga pinili akong matitira sa kanila. Ang katulad nilaʼy tuod ng pinutol na punong ensina.”
Footnotes
- 6:2 makalangit na nilalang: sa literal, serafim.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
