Add parallel Print Page Options

Babala sa mga Makasalanan

59 Makinig kayo! Ang Panginoon ay hindi mahina para hindi makapagligtas. Hindi rin siya bingi para hindi makarinig kapag tumawag kayo sa kanya. Ang inyong mga kasalanan ang siyang naglayo sa inyo sa Dios at iyon ang dahilan kung bakit niya kayo tinalikuran at ayaw nang makinig sa inyong mga dalangin. Pumapatay kayo ng tao, at gumagawa pa ng ibang kasamaan. Nagsisinungaling kayo at nagsasalita ng masama. Wala sa isip ninyo ang katarungan; ang mga bintang ninyo sa inyong kapwa ay puro mga kasinungalingan. Ang inyong iniisip ay masama, at iyon ay inyong ginagawa. 5-6 Ang masasamang plano nʼyo ay parang itlog ng makamandag na ahas; ang sinumang kumain nito ay mamamatay. Katulad din ito ng bahay ng gagamba na hindi maaaring gawing damit kaya walang kabuluhan ang masasama ninyong plano. Masama ang ginagawa nʼyo at namiminsala kayo. Nagmamadali kayong gumawa ng masama at mabilis ang kamay ninyong pumatay ng walang kasalanan. Palaging masama ang iniisip ninyo, at kahit saan kayo pumunta ay wala kayong ginawa kundi kapahamakan at kasiraan. Wala kayong alam tungkol sa mapayapang pamumuhay. Binabalewala ninyo ang katarungan at binabaluktot pa ninyo ito. Ang sinumang sumunod sa inyong mga ginagawa ay hindi rin makakaranas ng mapayapang pamumuhay. Kaya nga hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway, at hindi pa natin natatamo ang tagumpay at katuwiran. Naghintay tayo ng liwanag pero dilim ang dumating, kaya lumalakad tayo sa dilim. 10 Nangangapa tayo na parang bulag. Natitisod tayo kahit katanghaliang tapat, na parang lumalakad sa dilim. Tayoʼy parang mga patay kung ihahambing sa mga taong malakas. 11 Umuungal tayo sa hirap na parang oso at dumadaing na parang mga kalapati. Hinihintay nating parusahan na ng Dios ang ating mga kaaway at tayoʼy iligtas, pero hindi pa rin nangyayari. 12 Sapagkat napakarami na ng ating mga kasalanan sa Dios at iyan ang nagpapatunay na dapat tayong parusahan. At talaga namang alam natin na gumagawa tayo ng masama. 13 Nagrebelde tayo at nagtaksil sa Panginoon. Itinakwil natin ang ating Dios. Inaapi natin at sinisiil ang ating kapwa. Pinag-iisipan natin ng mabuti kung paano magsalita ng kasinungalingan. 14 Iyan ang dahilan kung bakit hindi pa pinarurusahan ng Dios ang ating mga kaaway at hindi pa niya tayo binibigyan ng tagumpay na may katuwiran. Sapagkat hindi na matagpuan ang katotohanan kahit saan, at ang mga tao ay hindi na mapagkakatiwalaan. 15 Oo, nawala na ang katotohanan, at ang mga umiiwas sa kasamaan ay inuusig.

Nakita ito ng Panginoon at nalulungkot siya dahil sa kawalan ng katarungan. 16 Nagtataka siya sa kanyang nakita na wala kahit isa man na tumutulong sa mga inaapi. Kung kaya, gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan sa pagliligtas sa kanila. At dahil matuwid siya, tutulungan niya sila. 17 Gagamitin niyang panangga sa dibdib ang katuwiran, at helmet ang kaligtasan. Isusuot niya na parang damit ang paghihiganti at ang matindi niyang galit. 18 Gagantihan niya ang kanyang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa, pati na ang mga nasa malalayong lugar.[a] Madadama nila ang kanyang galit. 19 Igagalang siya at dadakilain kahit saan, dahil darating siya na parang rumaragasang tubig na pinapadpad ng napakalakas na hangin.[b]

20 Sinabi ng Panginoon, “Darating sa Zion[c] ang magliligtas sa inyong mga lahi ni Jacob, at kanyang ililigtas ang mga nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. 21 At ito ang kasunduan ko sa inyo: Hindi mawawala ang aking Espiritu na nasa inyo at ang mga salitang sinabi ko sa inyo. Sabihin ninyo ito sa inyong mga anak, at kailangang sabihin din ito ng inyong mga anak sa kanilang mga anak hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Footnotes

  1. 59:18 malalayong lugar: o, mga isla; o, mga lugar malapit sa dagat.
  2. 59:19 napakalakas na hangin: o, Espiritu ng Dios; o, hangin na mula sa Dios.
  3. 59:20 Zion: o, Jerusalem.
'Isaias 59 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

59 Narito, ang kamay ng Panginoon ay hindi umiksi, na di makapagligtas; ni hindi man mahina ang kaniyang pakinig, na di makarinig.

Kundi pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig.

Sapagka't ang inyong mga kamay ay nadumhan ng dugo, at ang inyong mga daliri ng kasamaan; ang inyong mga labi ay nangagsalita ng mga kasinungalingan, ang inyong dila ay nagsasalita ng kasamaan.

Walang dumadaing ng katuwiran at walang nanananggalang ng katotohanan: sila'y nagsisitiwala sa walang kabuluhan, at nangagsasalita ng mga kasinungalingan; sila'y nangaglilihi ng kalikuan, at nanganganak ng kasamaan.

Sila'y pumipisa ng mga itlog ng ahas, at gumagawa ng bahay gagamba: ang kumakain ng kanilang itlog ay namamatay; at ang napipisa ay nilalabasan ng ulupong.

Ang kanilang mga bahay gagamba ay hindi magiging mga kasuutan, o magsusuot man sila ng kanilang mga gawa: ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan, at ang kilos ng karahasan ay nasa kanilang mga kamay.

Tinatakbo ng kanilang mga paa ang kasamaan, at sila'y nangagmamadaling magbubo ng walang salang dugo: ang kanilang mga pagiisip ay mga pagiisip ng kasamaan; kawasakan at kagibaan ay nasa kanilang mga landas.

Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman: at walang kahatulan sa kanilang mga lakad: sila'y nagsigawa para sa kanila ng mga likong landas; sinomang lumalakad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan.

Kaya't ang kahatulan ay malayo sa amin, o umaabot man sa amin ang katuwiran: kami'y nagsisihanap ng liwanag, nguni't narito, kadiliman; ng kaliwanagan, nguni't nagsisilakad kami sa kadiliman.

10 Kami'y nagsisikapa sa bakod na parang bulag, oo, kami'y nagsisikapa na gaya nila na walang mga mata: kami'y nangatitisod sa katanghaliang tapat na gaya sa gabi; sa gitna ng mga malakas, kami'y parang mga patay.

11 Kaming lahat ay nagsisiungol na parang mga oso, at lubhang dumadaing na parang mga kalapati: kami'y nagsisihanap ng kahatulan, nguni't wala; ng kaligtasan, nguni't malayo sa amin.

12 Sapagka't ang aming mga pagsalangsang ay dumami sa harap mo, at ang aming mga kasalanan ay nagpapatotoo laban sa amin; sapagka't ang aming mga pagsalangsang ay sumasaamin, at tungkol sa aming mga kasamaan ay nababatid namin.

13 Pagsalangsang at pagsisinungaling sa Panginoon at sa pagtigil ng pagsunod sa aming Dios, sa pagsasalita ng pagpighati at panghihimagsik, sa pagaakala at paghango sa puso ng mga salitang kasinungalingan.

14 At ang kahatulan ay tumatalikod, at ang katuwiran ay tumatayo sa malayo; sapagka't ang katotohanan ay nahulog sa lansangan, at ang karampatan ay hindi makapasok.

15 Oo, ang katotohanan ay nagkukulang, at siyang humihiwalay sa kasamaan ay nagiging sa kaniyang sarili na huli. At nakita ng Panginoon, at isinama ng kaniyang loob na walang kahatulan.

16 At kaniyang nakita na walang tao, at namangha na walang tagapamagitan: kaya't ang kaniyang sariling bisig ay nagdala ng kaligtasan sa kaniya; at ang kaniyang katuwiran ay umalalay sa kaniya.

17 At siya'y nagsuot ng katuwiran na wari sapyaw, at ng turbante ng kaligtasan sa kaniyang ulo at siya'y nagsuot ng mga bihisan ng panghihiganti na pinakadamit, at nagbihis ng sikap na wari balabal.

18 Ayon sa kanilang mga gawa, ay gayon niya gagantihin, pusok ng loob sa kaniyang mga kaaway, kagantihan sa kaniyang mga kaalit; sa mga pulo ay gaganti siya ng kagantihan.

19 Sa gayo'y katatakutan nila ang pangalan ng Panginoon mula sa kalunuran, at ang kaniyang kaluwalhatian ay mula sa sikatan ng araw sapagka't siya'y darating na parang bugso ng tubig na pinayaon ng hinga ng Panginoon.

20 At isang Manunubos ay paroroon sa Sion, at sa kanila, na nangaghihiwalay sa Jacob ng pagsalangsang, sabi ng Panginoon.

21 At tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng Panginoon: ang aking Espiritu na nasa iyo, at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig, hindi hihiwalay sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong lahi, o sa bibig man ng angkan ng iyong lahi, sabi ng Panginoon, mula ngayon at magpakailan pa man.