Add parallel Print Page Options

Hinatulan ang Maling Pagsamba

57 Ang taong matuwid kapag namamatay,
walang nakakaunawa at walang nakikialam;
ngunit siya'y kinukuha upang iligtas sa kapahamakan.
Mapayapa ang buhay,
    ng taong lumalakad sa katuwiran
    kahit siya'y mamatay.
Halikayo, mga makasalanan upang hatulan.
    Wala kayong pagkakaiba sa mga mangkukulam,
    nangangalunya at babaing masasama.
Sino ba ang inyong pinagtatawanan?
    Sino ba ang inyong hinahamak?
    Mga anak kayo ng sinungaling.
Sinasamba ninyo ang mga diyus-diyosan sa pamamagitan ng pakikipagtalik
    habang nasa ilalim ng mga punong ensina na ipinalalagay ninyong sagrado.
Sinusunog ninyo bilang handog ang inyong mga anak,
    sa mga altar sa may libis, sa loob ng mga yungib.
Makinis na bato'y sinasamba ninyo na tulad ng diyos,
kayo'y kumukuha ng pagkain at alak upang ihandog;
    sa gawa bang ito, ako'y malulugod?
Sa tuktok ng bundok,
    kayo'y umaahon upang maghandog,
    at makipagtalik.
Pagpasok ng pinto,
    nagtayo kayo roon ng diyus-diyosan,
    ako'y nilimot ninyo at inyong nilayasan.
Lubos kayong nag-alis ng suot ninyong damit;
    sa inyong higaa'y nakipagtalik sa mga lalaking inyong inupahan.
Kayo ay natulog na kasama nila para pagbigyan ang inyong pagnanasa.
Kayo ay nagtungo sa hari[a] na may dalang langis ng olibo,
    at dinagdagan ninyo ang inyong pabango;
kayo ay nagsugo sa malayong lugar
    at kayo mismo ang lumusong sa daigdig ng mga patay.
10 Lubha kayong nagpagod sa maraming lakbayin,
    at kailan ma'y hindi sinabi na wala na itong pag-asa.
Kayo ay nagpanibagong-lakas,
    at dahil dito ay hindi nanghina.

11 Ang tanong ni Yahweh, “Sino ba ang inyong kinatatakutan
    kaya nagsinungaling kayo sa akin
at lubusang tumalikod?
Matagal ba akong nanahimik
    kaya kayo tumigil ng pagpaparangal sa akin?
12 Akala ninyo'y tama ang inyong ginagawa.
Ibubunyag ko ang masama ninyong gawa;
    at tingnan ko lang kung tutulungan kayo ng mga diyus-diyosang iyan.
13 Ang diyus-diyosang tinatawag ninyo'y hindi makatutulong o makakapagligtas, kahit kayo'y managhoy;
    ang mga diyos ninyo'y lilipad kung hangin ay umihip,
    kaunting ihip lamang, sila'y itataboy.
Subalit ang taong sa aki'y may tiwala at laging umaasa,
    ang banal na bundok at ang lupaing ito'y mamanahin niya.”

Ang Pangakong Tulong at Pagpapagaling ng Diyos

14 Ang sabi ni Yahweh:
“Ang mga hinirang ay inyong bayaang magbalik sa akin,
    ang bawat hadlang sa daan ay inyong alisin; ang landas ay gawin at inyong ayusin.”

15 “Ako ang Kataas-taasan at Banal na Diyos,
    ang Diyos na walang hanggan.
Matataas at banal na lugar ang aking tahanan,
    sa mababang-loob at nagsisisi, ako ay sasama,
aking ibabalik ang pagtitiwala nila at pag-asa.
16 Ako ang nagbigay ng buhay sa aking bayan,
    sila'y hindi ko patuloy na uusigin;
at ang galit ko sa kanila'y
    hindi mananatili sa habang panahon.
17 Nagalit ako sa kanila dahil sa kanilang kasalana't kasakiman,
    kaya sila'y aking itinakwil.
Ngunit matigas ang kanilang ulo at patuloy na sumuway sa akin.
18 Sa kabila ng ginawa nila, sila'y aking pagagalingin at tutulungan,
    at ang nagluluksa'y aking aaliwin.
19 Bibigyan(A) ko ng kapayapaan ang lahat, maging nasa malayo o nasa malapit man.
    Aking pagagalingin ang aking bayan.
20 Ngunit ang masasama ay tulad ng dagat na laging maalon,
    walang pahinga sa buong panahon;
    mga burak at putik buhat sa ilalim ang iniaahon.
21 Walang(B) kapayapaan ang mga makasalanan.” Sabi ng aking Diyos.

Footnotes

  1. Isaias 57:9 sa hari: o kaya'y kay Molec .