Isaias 54
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ang Pag-ibig ni Yahweh sa Israel
54 “Umawit(A) ka Jerusalem, ang babaing hindi magkaanak!
Sumigaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakakaranas manganak.
Magiging mas marami ang iyong mga anak
kaysa sa kanya na may asawa, sabi ni Yahweh.”
2 Gumawa ka ng mas malaking tolda,
palaparin mo ang kurtina niyon.
Huwag mong lagyan ng hangganan ang dakong iyon,
pahabain mo ang mga tali.
Ibaon mo ng malalim ang mga pantulos.
3 Sapagkat kakalat kayo sa buong daigdig,
aangkinin ng inyong lahi ang ibang mga bansa;
at pananahanan nila ang mga lunsod doon, na iniwanan.
4 Huwag kang matakot o panghinaan man ng loob,
sapagkat hindi ka na mapapahiya.
Malilimot mo na ang kahihiyang dinanas mo noong iyong kabataan;
hindi mo na maaalala ang matinding kalungkutan ng pagiging isang biyuda.
5 Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay ang asawa mo,
ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Ang tagapagligtas mo ay ang Banal na Diyos ng Israel,
kung tawagin siya'y Diyos ng buong sanlibutan.
6 Israel, ang katulad mo'y asawang iniwan at ngayo'y nagdurusa,
isang babaing maagang nag-asawa at pagkatapos ay itinakwil.
Ngunit pinababalik ka ngayon ni Yahweh at sa iyo'y sinasabi,
7 “Sandaling panahon kitang iniwanan;
ngunit dahil sa tapat kong pag-ibig, muli kitang kakalingain.
8 Sa tindi ng aking galit, sandali akong lumayo sa iyo,
ngunit ipadarama ko sa iyo ang aking kahabagan sa pamamagitan ng pag-ibig na wagas.”
Iyan ang sabi ni Yahweh na magliligtas sa iyo.
9 “Noong(B) panahon ni Noe, ako ay sumumpang
hindi na mauulit na ang mundong ito'y gunawin sa tubig.
Aking ipinapangako ngayon, hindi na ako magagalit sa iyo,
at hindi na kita paparusahan muli.
10 Maguguho(C) ang mga bundok at ang mga burol ay mayayanig,
ngunit ang wagas na pag-ibig ko'y hindi maglalaho,
at mananatili ang kapayapaang aking ipinangako.”
Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na nagmamahal sa iyo.
Ang Jerusalem sa Panahong Darating
11 Sinabi(D) (E) ni Yahweh,
“O Jerusalem, nagdurusang lunsod
na walang umaliw sa kapighatian.
Muling itatayo ang mga pundasyon mo, ang gagamitin ko'y mamahaling bato.
12 Rubi ang gagamitin sa iyong mga tore,
batong maningning ang iyong pintuan
at sa mga pader ay mga hiyas na makinang.
13 Ako(F) mismo ang magtuturo sa iyong mga anak.
Sila'y magiging payapa at uunlad ang buhay.
14 Patatatagin ka ng katuwiran,
magiging ligtas ka sa mga mananakop,
at wala kang katatakutang anuman.
15 Kung may sumalakay sa iyo,
hindi ito mula sa akin;
ngunit mabibigo ang sinumang sa iyo ay lumaban.
16 Ako ang lumikha ng mga panday,
na nagpapaapoy sa baga at gumagawa ng mga sandata.
Ako rin ang lumikha sa mga mandirigma,
na gumagamit sa mga sandata upang pumatay.
17 Ngunit mula ngayon, wala nang sandatang gagamitin laban sa iyo,
at masasagot mo ang anumang ibibintang sa iyo.
Ang mga lingkod ko'y aking ipagtatanggol,
at sila'y bibigyan ng pagtatagumpay.”
Ito ang sinabi ni Yahweh.
Isaias 54
Ang Biblia, 2001
Ang Walang Hanggang Pag-ibig ng Diyos sa Israel
54 “Umawit(A) ka, O baog, ikaw na hindi nanganak;
ikaw ay biglang umawit, at sumigaw nang malakas,
ikaw na hindi nakaranas ng hirap sa panganganak!
Sapagkat ang mga anak ng babaing iniwan ay magiging higit na marami
kaysa mga anak ng may asawa, sabi ng Panginoon.
2 Palawakin mo ang lugar ng iyong tolda,
at iladlad mo ang mga tabing ng iyong mga tahanan;
huwag kang umurong, habaan mo ang iyong mga lubid,
at patibayin mo ang iyong mga tulos.
3 Sapagkat ikaw ay kakalat nang malayo sa kanan at sa kaliwa;
at aangkinin ng iyong lahi ang mga bansa,
at patitirahan ang mga bayang giba.
4 “Huwag kang matakot; sapagkat ikaw ay hindi mapapahiya;
huwag kang malilito sapagkat hindi ka malalagay sa kahihiyan;
sapagkat iyong malilimutan ang kahihiyan ng iyong kabataan,
at hindi mo na maaalala pa ang iyong pagkabalo na dala'y kasiraan.
5 Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay iyong asawa;
Panginoon ng mga hukbo ay kanyang pangalan.
Ang Banal ng Israel ay iyong Manunubos,
ang Diyos ng buong lupa ang tawag sa kanya.
6 Sapagkat tinawag ka ng Panginoon,
gaya ng asawang kinalimutan at nagdadalamhati ang espiritu,
parang asawa ng kabataan nang siya'y itakuwil,
sabi ng iyong Diyos.
7 Sa ilang sandali ay kinalimutan kita;
ngunit titipunin kita sa pamamagitan ng malaking pagkahabag!
8 Sa nag-uumapaw na poot nang sandali,
ay ikinubli ko ang aking mukha sa iyo,
ngunit kinaawaan kita sa pamamagitan ng walang hanggang kagandahang-loob,
sabi ng Panginoon, na iyong Manunubos.
9 “Sapagkat(B) para sa akin ito ay parang tubig sa panahon ni Noe;
gaya ng aking ipinangako,
na ang tubig sa panahon ni Noe ay hindi na aapaw pa sa lupa,
gayon ako'y nangako na hindi ako magagalit sa iyo,
at hindi ka na kagagalitan.
10 Sapagkat ang mga bundok ay maaaring umalis,
at ang mga burol ay mapalipat;
ngunit ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo,
o ang aking tipan ng kapayapaan ay hindi maaalis,
sabi ng Panginoon na naaawa sa iyo.
Bagong Jerusalem
11 “O(C) ikaw na nagdadalamhati, na pinapaspas ng bagyo, at hindi naaaliw,
narito, aking ilalagay ang iyong mga bato na may magagandang kulay,
at lalagyan ko ng mga zafiro ang iyong pundasyon.
12 At gagawin kong mga rubi ang iyong mga tore,
at mga karbungko ang iyong mga pintuan,
at mahahalagang bato ang lahat mong mga pader.
13 Lahat(D) ng iyong anak ay tuturuan ng Panginoon;
at magiging malaki ang kasaganaan ng iyong mga anak.
14 Sa katuwiran ay matatatag ka.
Ikaw ay malalayo sa pang-aapi sapagkat ikaw ay hindi matatakot,
at sa pagkasindak, sapagkat ito'y hindi lalapit sa iyo.
15 Kung may magsimula ng alitan,
ito'y hindi mula sa akin.
Sinumang makipag-away sa iyo
ay mabubuwal dahil sa iyo.
16 Narito, ako ang lumalang sa panday
na humihihip sa apoy ng mga baga,
at naglalabas ng sandata para sa kanyang gawa.
Akin ding nilalang ang mangwawasak upang mangwasak.
17 Walang sandata na ginawa laban sa iyo ang magtatagumpay,
at bawat dila na babangon laban sa iyo sa kahatulan, ay iyong hahatulan.
Ito ang mana ng mga lingkod ng Panginoon,
at ang pagiging matuwid nila ay mula sa akin, sabi ng Panginoon.”
