Isaias 52
Ang Dating Biblia (1905)
52 Gumising ka, gumising ka, magsuot ka ng iyong kalakasan, Oh Sion; magsuot ka ng iyong mga magandang damit, Oh Jerusalem, na bayang banal: sapagka't mula ngayo'y hindi na papasok pa sa iyo ang hindi tuli at ang marumi.
2 Magpagpag ka ng alabok; ikaw ay bumangon, umupo ka sa iyong luklukan, Oh Jerusalem: magkalag ka ng mga tali ng iyong leeg, Oh bihag na anak na babae ng Sion.
3 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, Kayo'y naipagbili sa wala; at kayo'y matutubos ng walang salapi.
4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios, Ang bayan ko ay bumaba noong una sa Egipto upang makipamayan doon: at pinighati sila ng mga taga Asiria ng walang kadahilanan.
5 Ngayon nga, anong ginagawa ko rito, sabi ng Panginoon, yamang ang aking bayan ay dinala ng walang anoano? silang nangagpupuno sa kanila ay nagsisiungal, sabi ng Panginoon, at ang aking pangalan ay natutungayaw na lagi buong araw,
6 Kaya't makikilala ng aking bayan ang aking pangalan: kaya't matatalastas nila sa araw na yaon, na ako yaong nagsasalita; narito, ako nga.
7 Anong pagkaganda sa mga bundok ng mga paa niyaong nagdadala ng mga mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nangagdadala ng mga mabuting balita sa ikabubuti, na nagtatanyag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion, Ang iyong Dios ay naghahari!
8 Ang tinig ng iyong mga bantay! sila'y naglalakas ng tinig, na magkakasamang nagsisiawit; sapagka't sila'y makakakita ng mukhaan pagka ang Panginoon ay bumalik sa Sion.
9 Kayo'y magbiglang magalak, kayo'y magsiawit na magkakasama, kayong mga sirang dako ng Jerusalem; sapagka't inaliw ng Panginoon ang kaniyang bayan, kaniyang tinubos ang Jerusalem.
10 Hinubdan ng Panginoon ang kaniyang banal na bisig sa harap ng mga mata ng lahat na bansa; at makikita ng lahat na wakas ng lupa ang pagliligtas ng ating Dios.
11 Kayo'y magsiyaon, kayo'y magsiyaon, kayo'y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay; kayo'y magsilabas sa gitna niya; kayo'y mangagpakalinis, kayong nangagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.
12 Sapagka't kayo'y hindi magsisilabas na nagmamadali, o magsisilabas man kayo na takas: sapagka't ang Panginoon ay magpapauna sa inyo; at ang Dios ng Israel ay magiging inyong bantay likod.
13 Narito, ang lingkod ko ay gagawang may karunungan, siya'y mabubunyi, at malalagay na mataas, at magiging napakataas.
14 Kung paanong marami ang natigilan dahil sa iyo (ang kaniyang mukha ay napakakatuwa kay sa kaninomang lalake, at ang kaniyang anyo ay higit na kumatuwa kay sa mga anak ng mga tao),
15 Gayon siya magwiwisik sa maraming bansa; ang mga hari ay magtitikom ng kanilang mga bibig dahil sa kaniya: sapagka't ang hindi nasaysay sa kanila ay kanilang makikita; at ang hindi nila narinig ay kanilang mauunawa.
Isaias 52
Ang Biblia, 2001
Tutubusin ng Diyos ang Jerusalem
52 Gumising(A) ka, gumising ka!
Magsuot ka ng iyong kalakasan, O Zion.
Magsuot ka ng iyong magagandang damit,
O Jerusalem, ang banal na lunsod,
sapagkat ang hindi tuli at ang marumi
ay hindi na muling papasok sa iyo.
2 Magpagpag ka ng alabok, ikaw ay bumangon,
O bihag na Jerusalem.
Kalagin mo ang tali sa iyong leeg,
O bihag na anak na babae ng Zion.
3 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon: “Kayo'y ipinagbili sa wala, at kayo'y tutubusin na walang salapi.
4 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ang bayan ko ay bumaba noong una sa Ehipto upang makipamayan doon, at inapi sila ng mga taga-Asiria ng walang kadahilanan.
5 Ngayon(B) anong ginagawa ko rito, sabi ng Panginoon. Yamang ang aking bayan ay dinala nang walang dahilan? Ang mga namumuno sa kanila ay umuungal, sabi ng Panginoon, at ang aking pangalan ay laging hinahamak sa buong araw.
6 Kaya't makikilala ng aking bayan ang aking pangalan. Malalaman nila sa araw na iyon, na ako ang nagsasalita. Narito ako.”
7 Napakaganda(C) sa mga bundok
ang mga paa niyong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan,
na nagdadala ng mabuting balita ng kabutihan,
na naghahayag ng kaligtasan,
na nagsasabi sa Zion, “Ang iyong Diyos ay naghahari!”
8 Pakinggan mo! Inilakas ng mga bantay ang kanilang tinig,
na magkakasamang nagsisiawit sa kagalakan;
sapagkat makikita ng sarili nilang mga mata
ang pagbalik ng Panginoon sa Zion.
9 Magalak kayong bigla, kayo'y umawit na magkakasama,
kayong mga sirang dako ng Jerusalem;
sapagkat inaliw ng Panginoon ang kanyang bayan,
kanyang tinubos ang Jerusalem.
10 Hinubaran ng Panginoon ang kanyang banal na bisig
sa mga mata ng lahat na bansa;
at makikita ng lahat ng dulo ng lupa
ang pagliligtas ng ating Diyos.
11 Kayo'y(D) humayo, kayo'y humayo! Kayo'y umalis doon,
huwag kayong humipo ng maruming bagay.
Kayo'y lumabas sa gitna niya, kayo'y magpakalinis,
kayong nagdadala ng mga sisidlan ng Panginoon.
12 Sapagkat kayo'y hindi lalabas na nagmamadali,
o lalabas man kayo dahil sa pagtakas,
sapagkat ang Panginoon ay mauuna sa inyo;
at ang Diyos ng Israel ay magiging inyong bantay sa likod.
Ang Nagdurusang Lingkod ng Panginoon
13 Narito, ang lingkod ko ay magtatagumpay,
siya'y dadakilain at itataas,
at magiging napakataas.
14 Kung paanong marami ang namangha sa kanya[a]—
ang kanyang anyo ay napinsalang lubha, halos hindi na anyo ng tao, na hindi makilalang tao,
at ang kanyang hugis ay higit kaysa sa mga anak ng mga tao—
15 gayon(E) siya magwiwisik sa maraming bansa;
ititikom ng mga hari ang kanilang mga bibig dahil sa kanya;
sapagkat ang hindi nasabi sa kanila ay kanilang makikita,
at ang hindi nila narinig ay kanilang mauunawaan.
Footnotes
- Isaias 52:14 Sa Hebreo ay iyo .
Isaias 52
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ililigtas ng Dios ang Jerusalem
52 Bumangon ka, O Zion, at magpakatatag. Ipakita mo ang iyong kapangyarihan, O banal na lungsod ng Jerusalem, dahil ang mga kaaway mong hindi mga Israelita,[a] na itinuturing mong marumi ay hindi na muling makakapasok sa iyo. 2 Huwag ka nang malungkot katulad ng taong nagluluksa na nakaupo sa lupa. Bumangon ka na at muling mamahala. At kayong mga mamamayan ng Jerusalem, palayain nʼyo na ang inyong sarili mula sa pagkabihag. 3-4 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoong Dios, “Binihag kayo na parang mga taong ipinagbili bilang alipin na walang bayad, kaya tutubusin ko kayo ng wala ring bayad. Pumunta kayo noon sa Egipto upang doon manirahan at inapi kayo roon. At noong huli inapi rin kayo ng Asiria. 5 Ngayon, ano na naman ang nangyari sa inyo? Binihag kayo ng Babilonia na parang wala ring bayad. Pinamahalaan nila kayo at nilait. Maging ako ay lagi rin nilang nilalapastangan. 6 Pero darating ang araw na malalaman ninyo kung sino ako, dahil ako mismo ang nagsasalita sa inyo. Oo, ako nga.”
7 O napakagandang tingnan ang mga sugong dumadaan sa mga kabundukan na nagdadala ng magandang balita ng kapayapaan at kabutihan sa Jerusalem, dahil ililigtas na ito ng Dios. Sasabihin nila sa mga taga-Jerusalem, “Naghahari na ang inyong Dios!”
8 Sisigaw sa tuwa ang mga tagapagbantay ng lungsod dahil makikita nila ang pagbabalik ng Panginoon sa Jerusalem. 9 Sisigaw sa tuwa ang gibang Jerusalem dahil aaliwin at palalakasin na ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan. Ililigtas niya ang Jerusalem! 10 Ipapakita ng Panginoon ang natatangi[b] niyang kapangyarihan sa lahat ng bansa, at makikita ng buong mundo[c] ang pagliligtas ng ating Dios.
11 Kayong mga tagapagdala ng mga kagamitan ng templo ng Panginoon, umalis na kayo sa Babilonia. Huwag kayong hihipo ng mga bagay na itinuturing na marumi. Umalis na kayo sa Babilonia, at magpakabanal. 12 Pero ngayon, hindi nʼyo na kailangang magmadali sa pag-alis, na para bang tumatakas. Dahil ang Panginoon ang mangunguna sa inyo. Ang Dios ng Israel ang magtatanggol sa inyo.
Ang Nagdurusang Lingkod ng Panginoon
13 Sinabi ng Panginoon, “Ang aking lingkod ay magtatagumpay. Magiging tanyag siya at pararangalan. 14 Marami ang magugulat sa kanya, dahil halos mawasak na ang kanyang mukha at parang hindi na mukha ng tao. 15 Pati ang mga bansa ay mamamangha sa kanya. Ang mga hari ay hindi makakapagsalita dahil sa kanya, dahil makikita nila ang mga bagay na hindi pa nasasabi sa kanila. At mauunawaan nila ang mga bagay na hindi pa nila naririnig.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®