Isaias 44
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Si Yahweh Lamang ang Diyos
44 Sinabi ni Yahweh,
“Ikaw Jacob, na lingkod ko, ako ay pakinggan;
lahi ni Israel, ang pinili kong bayan!
2 Akong si Yahweh ang sa iyo ay lumalang;
tinulungan na kita mula nang ikaw ay isilang.
Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod,
ang bayan kong minamahal.
3 Aking ibubuhos ang saganang tubig sa uhaw na lupa,
sa tuyong lupa maraming batis ang padadaluyin.
Ibubuhos ko sa iyong mga anak ang aking Espiritu,
at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain.
4 Sila ay sisibol tulad ng damong sagana sa tubig,
sila'y dadaloy tulad ng halaman sa tabi ng batis.
5 Bawat isa'y magsasabing, ‘Ako ay kay Yahweh.’
Sila ay darating upang makiisa sa Israel.
Itatatak nila sa kanilang mga bisig ang pangalan ni Yahweh,
at sasabihing sila'y kabilang sa bayan ng Diyos.”
6 Ang(A) sabi ni Yahweh, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel,
ang Makapangyarihan sa lahat:
“Ako ang simula at ang wakas;
walang ibang diyos maliban sa akin.
7 Sino ang makakagawa ng mga ginawa ko?
Sino ang makakapagsabi sa mga nangyari mula simula hanggang wakas?
8 Huwag kayong matakot, bayan ko!
Alam mong sa pasimula pa'y ipinahayag ko na ang mga mangyayari;
kayo'y mga saksi sa lahat ng ito.
Mayroon pa bang diyos maliban sa akin?
Wala nang hihigit pa sa aking kapangyarihan!”
Hinamak ang Pagsamba sa Diyus-diyosan
9 Walang kuwentang tao ang mga gumagawa ng rebulto, at walang kabuluhan ang mga diyus-diyosang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito, kaya sila'y mapapahiya. 10 Walang idudulot na mabuti ang paggawa ng mga rebulto para sambahin. 11 Tandaan ninyo, ang sumasamba sa mga ito ay mapapahiya lamang. Ang mga gumagawa nito'y tao lamang, kaya't magsama-sama man sila at ako'y harapin, sila'y matatakot at mapapahiya rin.
12 Ang panday ay kumukuha ng isang pirasong bakal at inilalagay ito sa apoy. Pagkatapos ay pinupukpok niya ito sa pamamagitan ng kanyang malakas na bisig hanggang sa magkahugis. Sa paggawa nito, siya ay nauuhaw, nagugutom at napapagod.
13 Ang karpintero naman ay kumukuha ng isang pirasong kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyong tao, saka inuukit hanggang sa mayari ang isang magandang imahen. Pagkatapos, ilalagay niya ito sa kanyang bahay. 14 Pumipili siya at pumuputol ng isang matigas na kahoy sa gubat tulad ng sedar, ensina at sipres. Maaari din siyang magtanim ng laurel at ito ay hintaying lumaki habang dinidilig ng ulan. 15 Ang(B) kaputol na kahoy nito ay ginagawang panggatong at ang kaputol naman ay ginagawang diyus-diyosan. Ang isang piraso ay iginagatong para magbigay ng init sa kanya at para igatong sa pagluluto. Ang isang piraso ay ginagawang rebulto para sambahin. 16 Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawang panggatong. Dito siya nag-iihaw ng karne at nasisiyahan siyang kumain nito. Kung nadarama niya ang init ng apoy ay nasasabi niya ang ganito: “Salamat at hindi na ako giniginaw!” 17 Ang natirang kahoy ay ginagawa nga niyang diyos na kanyang niluluhuran at sinasamba. Dumadalangin siya sa rebulto, “Iligtas mo ako sapagkat ikaw ang aking diyos!”
18 Ang mga taong gayon ay mga mangmang at hindi inuunawa ang kanilang ginagawa. Tinakpan nila ang kanilang mga mata at sinarhan ang isipan sa katotohanan. 19 Hindi na nila naisip na ang kaputol ng ginawa nilang rebulto ay ginamit na panggatong sa pagluluto ng tinapay at karneng kanilang kinain. Hindi man lamang nila itinanong sa kanilang sarili kung hindi kaya karumal-dumal ang sumamba sa isang pirasong kahoy.
20 Ang mga gumagawa nito'y parang kumakain ng abo.[a] Lubusan na siyang nailigaw ng kanyang maling paniniwala at mahirap nang ituwid. At hindi siya papayag na ang rebultong hawak niya ay hindi mga diyos.
Si Yahweh, ang Manlilikha at Tagapagligtas
21 Sinabi ni Yahweh,
“Tandaan mo Israel, ikaw ay aking lingkod.
Nilalang kita upang maglingkod sa akin.
Hindi kita kakalimutan.
22 Ang pagkakasala mo'y pinawi ko na, naglahong ulap ang katulad;
Ika'y manumbalik dahil tinubos na kita at pinalaya.
23 Magdiwang kayo, kalangitan!
Gayundin kayo, kalaliman ng lupa!
Umawit kayo, mga bundok at kagubatan,
sapagkat nahayag ang karangalan ni Yahweh
nang iligtas niya ang bansang Israel.
24 “Akong si Yahweh, na iyong Tagapagligtas, ang lumikha sa iyo:
Ako ang lumikha ng lahat ng bagay.
Ako lamang mag-isa ang nagladlad nitong kalangitan,
at nag-iisa ring lumikha ng sanlibutan.
25 Aking(C) binibigo ang mga sinungaling na propeta
at ang mga manghuhula;
ang mga marurunong ay ginagawang mangmang,
at ang dunong nila'y ginawang kahangalan.
26 Ngunit ang pahayag ng mga lingkod ko'y pawang nagaganap,
at ang mga payo ng aking mga sugo ay natutupad;
ako ang maysabing darami ang tao sa Jerusalem,
muling itatayo ang mga gumuhong lunsod sa Juda.
27 Isang utos ko lamang, natutuyo ang karagatan.
28 Ang(D) sabi ko kay Ciro, ‘Ikaw ang gagawin kong tagapamahala.
Susundin mo ang lahat ng ipapagawa ko sa iyo.
Ang Jerusalem ay muli mong ipatatayo,
gayundin ang mga pundasyon ng Templo.’”
Footnotes
- 20 parang kumakain ng abo: o kaya'y nag-aaksaya lamang ng pagod at panahon .
Isaias 44
Ang Biblia, 2001
Walang Ibang Diyos
44 “Ngunit ngayo'y pakinggan mo, O Jacob na aking lingkod,
at Israel na aking pinili!
2 Ganito ang sabi ng Panginoon na lumalang sa iyo,
at mula sa sinapupunan ay nagbigay sa iyo ng anyo, na siyang tutulong sa iyo:
Huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod;
Jeshurun, na aking pinili.
3 Sapagkat bubuhusan ko ng tubig ang uhaw na lupa,
at ng mga bukal ang tuyong lupa;
aking ibubuhos ang aking Espiritu sa lahi mo,
at ang aking pagpapala sa mga anak mo.
4 Sila'y sisibol sa gitna ng mga damo, gaya ng sauce,
tulad ng mga halaman sa dumadaloy na batis.
5 Sasabihin ng isang ito, ‘Ako'y sa Panginoon,’
at tatawaging Jacob ng iba ang kanyang sarili,
at isusulat ng iba sa kanyang kamay, ‘Sa Panginoon,’
at tatawagin ang kanyang sarili sa pangalang Israel.”
6 Ganito(A) ang sabi ng Panginoon, ang Hari ng Israel,
at ng kanyang Manunubos, na Panginoon ng mga hukbo:
“Ako ang una at ang huli;
at liban sa akin ay walang Diyos.
7 At sino, na gaya ko, tatawag, at magpapahayag,
at mag-aayos sa ganang akin,
mula nang aking itatag ang matandang bayan?
At ang mga bagay na dumarating, at ang mangyayari, ay ipahahayag nila.
8 Kayo'y huwag matakot, o mangilabot man
hindi ko ba ipinahayag sa iyo nang una, at sinabi iyon?
At kayo ang aking mga saksi!
May Diyos ba liban sa akin?
Oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba.”
Walang Kabuluhang Pagtitiwala
9 Lahat ng gumagawa ng mga diyus-diyosan ay walang kabuluhan, at ang mga bagay na kanilang kinalulugdan ay hindi mapapakinabangan. At ang kanilang mga saksi ay hindi nakakakita ni nakakaalam, upang sila'y mapahiya.
10 Sino ang nag-anyo sa isang diyos, o naghulma ng larawang inanyuan, na di pakikinabangan sa anuman?
11 Narito, lahat ng kanyang kasama ay mapapahiya; ang mga manggagawa ay mga tao lamang. Hayaang magtipon silang lahat, hayaan silang magsitayo; sila'y matatakot, sila'y sama-samang mapapahiya.
12 Ang panday na may kagamitang bakal ay gumagawa nito sa mga baga, at sa pamamagitan ng mga pamukpok, siya'y humuhugis sa pamamagitan ng malakas na bisig. Siya'y nagugutom, at ang kanyang lakas ay nawawala, siya'y hindi umiinom ng tubig, at nanghihina.
13 Ang karpintero ay nag-uunat ng isang pising panukat, kanyang tinatandaan iyon ng lapis, kanyang inaanyuan sa pamamagitan ng mga katam at tinatandaan ng mga kompas. Hinuhugisan niya ito ayon sa anyo ng tao, ayon sa kagandahan ng tao, upang manirahan sa bahay.
14 Pumuputol siya para sa kanya ng mga sedro, at kumukuha siya ng puno ng roble at ng ensina, pinapatibay niya para sa kanya sa gitna ng mga punungkahoy sa gubat. Siya'y nagtatanim ng puno ng abeto, at pinalalago iyon ng ulan.
15 Pagkatapos iyon ay magiging panggatong para sa tao; kumukuha siya ng bahagi nito upang ipagpainit sa sarili. Siya'y nagsisindi ng apoy at nagluluto ng tinapay. Gagawa rin siya ng isang diyos, at sasambahin iyon; ginagawa niya itong larawang inanyuan at lumuluhod sa harapan niyon.
16 Kanyang iginagatong ang kalahati niyon sa apoy, at ang kalahati nito ay ikinakain niya ng karne, siya'y nag-iihaw ng iihawin at nasisiyahan. Siya'y nagpapainit din at nagsasabi, “Aha, ako'y naiinitan, aking nakikita ang apoy!”
17 At ang nalabi ay ginagawa niyang diyos, ang kanyang diyus-diyosan. Kanya itong niluluhuran at sinasamba, dinadalanginan, at nagsasabi, “Iligtas mo ako; sapagkat ikaw ay aking diyos!”
18 Hindi nila nalalaman, o nauunawaan man; sapagkat ipinikit niya ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita; at ang kanilang mga puso, upang huwag silang makaunawa.
19 At walang nakakaalala o mayroon mang kaalaman, o pang-unawa upang magsabi, “Aking sinunog ang kalahati niyon sa apoy; ako ay nagluto din ng tinapay sa mga baga niyon; ako'y nag-ihaw ng karne at kinain ko; at gagawin ko ba ang nalabi niyon na kasuklamsuklam? Magpapatirapa ba ako sa isang pirasong kahoy?”
20 Siya'y kumakain ng abo; iniligaw siya ng nadayang kaisipan, at hindi niya mailigtas ang kanyang kaluluwa, o makapagsabi, “Wala bang kasinungalingan sa aking kanang kamay?”
Ang Tagapagligtas ng Israel
21 Iyong alalahanin ang mga bagay na ito, O Jacob,
at Israel, sapagkat ikaw ay aking lingkod;
aking inanyuan ka, ikaw ay aking lingkod;
O Israel, ikaw ay hindi ko malilimutan.
22 Aking pinawi na parang ulap ang mga pagsuway mo,
at ang iyong mga kasalanan na gaya ng ambon,
manumbalik ka sa akin sapagkat ikaw ay tinubos ko.
23 Umawit ka, O langit, sapagkat ginawa iyon ng Panginoon;
kayo'y sumigaw, O mga mababang bahagi ng lupa;
kayo'y biglang mag-awitan, O mga bundok,
O gubat, at bawat punungkahoy doon!
Sapagkat tinubos ng Panginoon ang Jacob,
at luluwalhatiin ang kaniyang sarili sa Israel.
24 Ganito ang sabi ng Panginoon, ang iyong Manunubos,
at nag-anyo sa iyo mula sa sinapupunan:
“Ako ang Panginoon na gumagawa ng lahat na bagay;
na mag-isang nagladlad ng mga langit,
na naglatag ng lupa—sinong kasama ko?
25 na(B) bumibigo sa mga tanda ng mga sinungaling,
at ginagawang hangal ang mga manghuhula;
na nagpapaurong sa mga pantas,
at ginagawang kahangalan ang kanilang kaalaman;
26 na nagpapatunay sa salita ng kanyang lingkod,
at nagsasagawa ng payo ng kanyang mga sugo;
na nagsasabi ng tungkol sa Jerusalem, ‘Siya'y paninirahan;’
at tungkol sa mga lunsod ng Juda, ‘Matatayo sila,
at aking ibabangon ang kanilang pagkaguho.’
27 Na nagsasabi sa kalaliman, ‘Ikaw ay matuyo,
aking tutuyuin ang iyong mga ilog;’
28 na(C) nagsasabi tungkol kay Ciro, ‘Siya'y aking pastol,
at kanyang tutuparin ang lahat ng aking kaligayahan’;
na nagsasabi tungkol sa Jerusalem, ‘Siya'y matatayo,’
at sa templo, ‘Ang iyong pundasyon ay ilalagay.’”