Add parallel Print Page Options

Ang Panginoon Lamang ang Makapagliligtas

43 Ngunit ngayo'y ganito ang sabi ng Panginoon,
    siya na lumalang sa iyo, O Jacob,
    siya na nag-anyo sa iyo, O Israel:
“Huwag kang matakot, sapagkat ikaw ay tinubos ko;
    tinawag kita sa pangalan mo, ikaw ay akin.
Kapag ikaw ay dumaraan sa tubig, ako'y makakasama mo;
    at sa pagtawid sa mga ilog ay hindi ka nila aapawan,
kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog;
    at hindi ka tutupukin ng apoy.
Sapagkat ako ang Panginoon mong Diyos,
    ang Banal ng Israel, ang iyong Tagapagligtas.
Aking ibinigay ang Ehipto bilang pantubos sa iyo,
    ang Etiopia at ang Seba bilang kapalit mo.
Sapagkat ikaw ay mahalaga sa aking paningin,
    at kagalang-galang, at minamahal kita,
nagbibigay ako ng mga tao na pamalit sa iyo,
    at mga bayan na kapalit ng buhay mo.
Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo;
    aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silangan,
    at titipunin kita mula sa kanluran.
Aking sasabihin sa hilaga, Hayaan mo,
    at sa timog, Huwag mong pigilin;
dalhin mo rito ang aking mga anak na lalaki na sa malayo nagmula,
    at ang aking mga anak na babae na mula sa mga dulo ng lupa,
bawat tinatawag sa aking pangalan,
    sila na aking nilikha ay para sa aking kaluwalhatian,
    oo, yaong aking inanyuan, oo, yaong aking ginawa.”

Ang Israel ang Saksi ng Panginoon

Iyong ilabas ang mga taong bulag, gayunma'y may mga mata,
    na mga bingi, gayunma'y may mga tainga!
Hayaang sama-samang magtipon ang lahat na bansa,
    at magpulong ang mga bayan.
Sino sa kanila ang makapagpapahayag nito,
    at makapagsasabi sa amin ng mga dating bagay?
Dalhin nila ang kanilang mga saksi, upang sila'y mapawalang-sala,
    at dinggin nila, at sabihin, Katotohanan nga.
10 “Kayo'y aking mga saksi,” sabi ng Panginoon,
    “at aking lingkod na aking pinili,
upang inyong malaman at manampalataya kayo sa akin,
    at inyong maunawaan na Ako nga.
Walang diyos na inanyuan na una sa akin,
    o magkakaroon man pagkatapos ko.
11 Ako, ako ang Panginoon,
    at liban sa akin ay walang tagapagligtas.
12 Ako'y nagpahayag, ako'y nagligtas, at ako'y nagpakilala,
    nang walang ibang diyos sa gitna ninyo;
    at kayo ang aking mga saksi,” sabi ng Panginoon.
13 “Ako ang Diyos, at mula sa walang hanggan ay ako nga;
    walang sinumang makapagliligtas mula sa aking kamay;
    ako'y gumagawa at sinong pipigil?”

Ang Pagtakas mula sa Babilonia

14 Ganito ang sabi ng Panginoon,
    na inyong Manunubos, ang Banal ng Israel:
“Dahil sa inyo ay magsusugo ako sa Babilonia,
    at aking ibinaba silang lahat na parang mga palaboy,
    at ang sigawan ng mga Caldeo ay magiging panaghoy.
15 Ako ang Panginoon, ang inyong Banal,
    ang Maylalang ng Israel, ang inyong Hari.”
16 Ganito ang sabi ng Panginoon,
    na gumagawa ng daan sa dagat,
    at sa malalawak na tubig ay mga landas,
17 na nagpalabas ng karwahe at kabayo,
    ng hukbo at ng mandirigma;
sila'y magkasamang humihiga, hindi sila makabangon,
    sila'y namamatay, nauupos na parang mitsa.
18 “Huwag ninyong alalahanin ang mga dating bagay,
    o isaalang-alang man ang mga bagay nang una.
19 Narito, ako'y gagawa ng isang bagong bagay;
    ngayon iyon ay lalabas; hindi ba ninyo malalaman iyon?
Gagawa ako ng daan sa ilang,
    at ng mga ilog sa disyerto.
20 Pararangalan ako ng mababangis na hayop
    ng mga asong-gubat at ng mga avestruz;
sapagkat ako'y nagbibigay ng tubig sa ilang,
    at ng mga ilog sa disyerto,
upang bigyan ng inumin ang pinili kong bayan,
21     ang bayan na aking inanyuan para sa aking sarili,
upang kanilang ipahayag ang aking kapurihan.

Ang Kasalanan ng Israel

22 “Gayunma'y hindi ka tumawag sa akin, O Jacob;
    kundi ikaw ay nayamot sa akin, O Israel!
23 Hindi mo dinala sa akin ang iyong tupa para sa handog na sinusunog,
    o pinarangalan mo man ako ng iyong mga handog.
Hindi ko ipinapasan sa iyo ang mga handog,
    o pinahirapan ka man sa pamamagitan ng kamanyang.
24 Hindi mo ako ibinili ng mabangong kalamo sa halaga ng salapi,
    o binusog mo man ako ng taba ng iyong mga handog.
Kundi pinagpasan mo ako ng iyong mga kasalanan,
    iyong pinahirapan ako ng iyong mga kasamaan.

Ang Pagpapatawad ng Panginoon

25 Ako, ako nga
    ang siyang pumapawi ng iyong mga pagsuway alang-alang sa akin,
    at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.
26 Ilagay mo ako sa alaala, tayo'y kapwa mangatuwiran;
    sabihin mo upang ikaw ay mapatunayang matuwid.
27 Ang iyong unang ama ay nagkasala,
    at ang iyong mga tagapagsalita ay nagsisalangsang laban sa akin.
28 Kaya't aking durungisan ang mga pinuno ng santuwaryo,
    at dadalhin ko ang Jacob sa pagkawasak
    at ang Israel sa pagkakutya.

Nangako ang Dios na Iligtas ang Israel

43 Pero ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong lumikha sa iyo, O Israel: “Huwag kang matakot dahil ililigtas kita.[a] Tinawag kita sa pangalan mo, at ikaw ay akin. Kapag dumaan ka sa tubig, akoʼy kasama mo. Kapag tatawid ka ng mga ilog, hindi ka malulunod. Kapag dumaan ka sa apoy, hindi ka masusunog; at ang liyab nito ay hindi makakapinsala sa iyo. Sapagkat ako ang Panginoon mong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, na iyong Tagapagligtas. Ibibigay ko sa ibang bansa ang Egipto, ang Etiopia,[b] at ang Seba bilang kapalit mo. Ibibigay ko ang ibang mga tao bilang kapalit mo, dahil ikaw ay marangal at mahalaga sa aking paningin, at dahil mahal kita. Huwag kang matatakot dahil kasama mo ako. Titipunin ko ang iyong mga lahi mula sa silangan hanggang sa kanluran. Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga at sa timog na hayaang bumalik sa kanilang lupain ang iyong mga lahi, at hayaang umuwi saan mang sulok ng mundo. Sila ang mga taong aking tinawag. Nilikha ko sila para sa aking karangalan.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Tawagin mo ang aking mga mamamayan na may mga mata, pero hindi makakita; may mga tainga, pero hindi makarinig. Tawagin mo ang lahat ng mamamayan ng mga bansa. Sino sa mga dios-diosan nila ang makakahula tungkol sa hinaharap? Sino sa kanila ang makapagsasabi tungkol sa mga nangyayari ngayon? Isama nila ang kanilang mga saksi para patunayan ang kanilang sinasabi, upang ang mga makakarinig ay makapagsasabing, ‘Totoo nga.’ 10 Mga mamamayan ng Israel, kayo ang aking mga saksi. Pinili ko kayong maging mga lingkod ko, para makilala ninyo ako at magtiwala kayo sa akin, at para maunawaan ninyo na ako lamang ang Dios. Walang ibang Dios na nauna sa akin, at wala ring Dios na susunod pa sa akin. 11 Ako lang ang Panginoon at maliban sa akin ay wala nang iba pang Tagapagligtas. 12 Nagpahayag ako na ililigtas ko kayo, at tinupad ko nga ito. Walang ibang Dios na gumawa nito sa inyo, kayo ang mga saksi ko.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Ako ang Dios. 13 Mula pa noon ako na ang Dios. Walang makakatakas sa aking mga kamay. Walang makakapagbago ng mga ginagawa ko.”

Nangako ang Dios na Tutulungan niya ang Kanyang mga Mamamayan

14 Ito ang sinasabi ng Panginoon ninyong Tagapagligtas, ang Banal na Dios ng Israel, “Para maligtas kayo, ipapasalakay ko ang Babilonia[c] sa mga sundalo ng isang bansa, at tatakas sila sa pamamagitan ng mga barkong kanilang ipinagmamalaki. 15 Ako ang Panginoon, ang inyong Banal na Dios, ang lumikha sa Israel, ang inyong Hari. 16 Ako ang Panginoon na gumawa ng daan sa gitna ng dagat. 17 Tinipon ko ang mga karwahe, mga kabayo, at mga sundalo ng Egipto, at winasak sa gitna ng dagat at hindi na sila nakabangon pa. Para silang ilaw na namatay. 18 Pero huwag na ninyong iisipin pa ang nakaraan, 19 dahil bagong bagay na ang gagawin ko. Itoʼy nangyayari at nakikita na ninyo. Gagawa ako ng daan at mga bukal sa disyerto. 20 Pararangalan ako ng maiilap na hayop, pati na ng mga asong-gubat[d] at mga kuwago, dahil maglalagay ako ng mga bukal sa disyerto para may mainom ang mga pinili kong mamamayan. 21 Sila ang mga taong aking nilikha para sa akin at para magpuri sa akin.

22 “Pero hindi ka humingi ng tulong sa akin, Israel, at ayaw mo na sa akin. 23 Hindi ka na nag-aalay sa akin ng mga tupang handog na sinusunog. Hindi mo na ako pinararangalan ng iyong mga handog kahit na hindi kita pinahirapan o pinagod sa paghingi ng mga handog na regalo at mga insenso. 24 Hindi mo ako ibinili ng mga insenso o pinagsawa sa mga taba ng hayop na iyong mga handog. Sa halip, pinahirapan mo ako at pinagod sa iyong mga kasalanan.

25 “Ako mismo ang naglilinis ng mga kasalanan mo para sa aking karangalan, at hindi ko na iyon aalalahanin pa. 26 Isipin natin ang mga nakaraan. Magharap tayo. Patunayan mong wala kang kasalanan. 27 Nagkasala sa akin ang mga ninuno mo, at nagrebelde sa akin ang iyong mga pinuno. 28 Kaya inilagay ko sa kahihiyan ang iyong mga pari, at ikaw, Israel ay ipinaubaya ko sa kapahamakan at kahihiyan.

Footnotes

  1. 43:1 ililigtas kita: o, iniligtas na kita.
  2. 43:3 Etiopia: sa Hebreo, Cush.
  3. 43:14 Babilonia: sa literal, Caldeo. Ito ang isa pang tawag sa mga taga-Babilonia.
  4. 43:20 asong-gubat: sa Ingles, “jackal.”