Add parallel Print Page Options

42 Narito, ang aking lingkod, na aking inaalalayan; ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa; isinakaniya ko ang aking Espiritu; siya'y maglalapat ng kahatulan sa mga bansa.

Siya'y hindi hihiyaw, o maglalakas man ng tinig, o iparirinig man ang kaniyang tinig sa lansangan.

Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin, ni ang timsim na umuusok ay hindi niya papatayin: siya'y maglalapat ng kahatulan sa katotohanan.

Siya'y hindi manglulupaypay o maduduwag man, hanggang sa maitatag niya ang kahatulan sa lupa; at ang mga pulo ay maghihintay sa kaniyang kautusan.

Ganito ang sabi ng Dios na Panginoon, na lumikha ng langit, at nagladlad ng mga yaon; siyang naglatag ng lupa at ng nagsisilitaw rito; siyang nagbibigay ng hinga sa bayang nito, at ng diwa sa kanila na nagsisilakad dito:

Ako, ang Panginoon, ay tumawag sa iyo sa katuwiran, at hahawak ng iyong kamay, at magiingat sa iyo, at ibibigay kita na pinakatipan sa bayan, na pinakaliwanag sa mga bansa;

Upang magdilat ng mga bulag na mata, upang maglabas ng mga bilanggo sa bilangguan, at nilang nangauupo sa kadiliman mula sa bilangguan.

Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan.

Narito, ang mga dating bagay ay nangyayari na, at ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko: bago mangalitaw ay sinasaysay ko sa inyo.

10 Magsiawit kayo sa Panginoon ng bagong awit, at ng kapurihan niya na mula sa wakas ng lupa; kayong nagsisibaba sa dagat, at ang buong nariyan, ang mga pulo, at mga nananahan doon,

11 Mangaglakas ng kanilang tinig ang ilang at ang mga bayan niyaon, ang mga nayon na tinatahanan ng Cedar: magsiawit ang mga nananahan sa Selah, magsihiyaw sila mula sa mga taluktok ng mga bundok.

12 Mangagbigay luwalhati sila sa Panginoon, at mangagpahayag ng kaniyang kapurihan sa mga pulo.

13 Ang Panginoon ay lalabas na parang makapangyarihang lalake; siya'y pupukaw ng paninibugho na parang lalaking mangdidigma: siya'y hihiyaw, oo, siya'y hihiyaw ng malakas; siya'y gagawang makapangyarihan laban sa kaniyang mga kaaway.

14 Ako'y tumahimik ng malaon; ako'y hindi kumibo, at nagpigil ako: ngayo'y hihiyaw akong parang nagdaramdam na babae; ako'y manggigiba at mananakmal na paminsan.

15 Aking gagawing giba ang mga bundok at mga burol, at tutuyuin ko ang lahat nilang mga pananim; at gagawin kong mga pulo ang mga ilog, at aking tutuyuin ang mga lawa.

16 At aking dadalhin ang bulag sa daan na hindi nila nalalaman; sa mga landas na hindi nila nalalaman ay papatnubayan ko sila; aking gagawing kadiliman ang liwanag sa harap nila, at mga likong daan ang matuwid. Ang mga bagay na ito ay aking gagawin, at hindi ko kalilimutan sila.

17 Sila'y mangapapaurong, sila'y mangapapahiyang mainam, na nagsisitiwala sa mga larawang inanyuan, na nangagsasabi sa mga larawang binubo, Kayo'y aming mga dios.

18 Makinig kayong mga bingi; at tumingin kayong mga bulag, upang kayo'y mangakakita.

19 Sino ang bulag kundi ang aking lingkod? o ang bingi, na gaya ng aking sugo na aking sinusugo? sino ang bulag na gaya niya na nasa kapayapaan sa akin, at bulag na gaya ng lingkod ng Panginoon?

20 Ikaw ay nakakakita ng maraming bagay, nguni't hindi mo binubulay; ang kaniyang mga tainga ay bukas, nguni't hindi niya dininig.

21 Kinalulugdan ng Panginoon dahil sa kaniyang katuwiran, na dakilain ang kautusan, at gawing marangal.

22 Nguni't ito ay isang bayang nanakaw at nasamsam; silang lahat ay nangasilo sa mga hukay, at sila'y nangakubli sa mga bilangguan: sila'y pinaka huli at walang magligtas; pinaka samsam, at walang magsabi, Iyong papanumbalikin.

23 Sino sa gitna ninyo ang makikinig nito? na makikinig at didinig para sa panahong darating?

24 Sino ang nagbigay ng Jacob na pinaka samsam, at ng Israel sa mga magnanakaw? di baga ang Panginoon? na laban sa kaniya ay nangagkasala tayo, at sa mga daan niya ay hindi sila nagsilakad, o naging masunurin man sila sa kaniyang kautusan.

25 Kaya't ibinugso niya sa kaniya ang pusok ng kaniyang galit, at ang lakas ng pakikipagbaka; at sinulsulan siya ng apoy sa palibot, gayon ma'y hindi niya naalaman; at sinunog siya, gayon ma'y hindi siya naglagak ng kalooban.

Ang Lingkod ng Panginoon

42 Sinabi ng Panginoon, “Narito ang lingkod ko na aking pinalalakas ang loob. Pinili ko siya at nagagalak ako sa kanya. Sumasakanya ang aking Espiritu, at papairalin niya ang katarungan sa mga bansa. Hindi siya sisigaw o magsasalita nang malakas sa mga lansangan. Hindi niya pababayaan ang mahihina ang pananampalataya[a] at hindi niya tatalikuran ang mga nawalan ng pag-asa. Matapat niyang papairalin ang katarungan. Hindi siya manghihina o mawawalan ng pag-asa hanggaʼt hindi niya lubusang napapairal ang katarungan sa buong mundo. Pati ang mga tao sa malalayong lugar[b] ay maghihintay sa kanyang mga turo.” Ito ang sinabi ng Dios, ang Panginoon na lumikha ng langit na iniladlad niyang parang tela. Nilikha niya ang mundo at ang lahat ng naroroon. Siya rin ang nagbibigay ng buhay sa mga tao at sa lahat ng nilikhang nabubuhay sa mundo. Sinabi niya sa kanyang lingkod, “Ako ang Panginoon na tumawag sa iyo para ipakita na akoʼy matuwid. Tutulungan at iingatan kita, at sa pamamagitan mo gagawa ako ng kasunduan sa mga tao. Gagawin kitang ilaw na magbibigay-liwanag sa mga bansa, para imulat ang mga mata ng mga bulag, at magpalaya sa mga binihag na ikinulong sa madilim na bilangguan. Ako ang Panginoon! Iyan ang aking pangalan! Hindi ko ibibigay kaninuman o sa mga dios-diosan ang aking karangalan at mga papuri na para sa akin. Ang mga propesiya koʼy natupad at sasabihin ko ngayon ang mga bagong bagay bago pa ito mangyari.”

Awit ng Papuri sa Panginoon

10 Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon! Umawit kayo ng mga papuri sa kanya, kayong lahat na nasa mundo. Purihin ninyo siya, kayong mga naglalayag, kayong lahat ng mga nilikha sa dagat at kayong mga nakatira sa malalayong lugar. 11 Purihin ninyo siya, kayong mga bayan na nasa ilang at kayong mga taga-Kedar. Umawit kayo sa tuwa, kayong mga taga-Sela. Humiyaw kayo ng pagpupuri sa tuktok ng mga bundok. 12 Parangalan ninyo at purihin ang Panginoon kayong mga nasa malalayong lugar. 13 Sasalakay ang Panginoon na parang isang sundalo na handang-handa nang makipaglaban. Sisigaw siya bilang hudyat ng pagsalakay; at magtatagumpay siya laban sa kanyang mga kaaway. 14 Sinabi ng Panginoon, “Sa mahabang panahon nagsawalang-kibo ako at pinigilan ko ang aking sarili. Pero ngayon, ipadarama ko ang aking galit. Sisigaw ako na parang babaeng nanganganak. 15 Gigibain ko ang mga bundok at mga burol, at malalanta ang mga tanim. Patutuyuin ko ang mga ilog at mga dakong may tubig. 16 Aakayin ko ang mga mamamayan kong bulag sa katotohanan, sa daan na hindi pa nila nadadaanan. Liliwanagan ko ang dinaraanan nilang madilim at papantayin ko ang mga baku-bako sa landas na kanilang dinadaanan. Gagawin ko ito at hindi ko sila pababayaan. 17 Pero ang mga nagtitiwala sa mga dios-diosan, at ang mga itinuturing na dios ang kanilang mga rebulto ay tatakas dahil sa malaking kahihiyan.”

Ang Israel ay Parang Bingi at Bulag

18 Sinabi ng Panginoon sa kanyang mga mamamayan, “Kayong mga bingi at bulag, makinig kayo at tumingin! 19 Kayoʼy mga lingkod ko at mga pinili. Isinugo ko kayo bilang aking mga tagapagsalita, pero walang makakapantay sa inyong pagbibingi-bingihan at pagbubulag-bulagan. 20 Marami na kayong nakikita pero hindi ninyo pinapansin. Nakakarinig kayo pero ayaw ninyong makinig!”

21 Nais ng Panginoon na parangalan ang kanyang kautusan para ipakita na matuwid siya.[c] 22 Pero ngayon, ang kanyang mga mamamayan ay ninakawan, sinamsaman ng ari-arian, inihulog sa hukay o ipinasok sa bilangguan, at walang sinumang tumulong sa kanila. 23 Mayroon ba sa inyong gustong makinig o magbigay halaga mula ngayon sa inyong narinig? 24 Sino ang nagbigay ng pahintulot na nakawan at samsaman ng ari-arian ang Israel? Hindi baʼt ang Panginoon, na siyang pinagkasalaan natin? Sapagkat hindi natin sinunod ang mga pamamaraan niya at mga kautusan. 25 Kung kaya, ipinadama ng Panginoon ang matindi niyang galit sa atin sa pamamagitan ng pagpapahirap sa atin sa digmaan. Ang galit niyaʼy parang apoy na nakapalibot at sumusunog sa atin, pero hindi natin ito pinansin o inisip man lamang.

Footnotes

  1. 42:3 mahihina ang pananampalataya: o, mga inaapi.
  2. 42:4 malalayong lugar: o, mga isla; o, mga lugar malapit sa dagat. Ganito rin sa talatang 10 at 12.
  3. 42:21 ipakita na matuwid siya: o, ililigtas niya ang kanyang mga mamamayan.
'Isaias 42 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.