Isaias 35
Ang Biblia (1978)
Ang hinaharap ng Sion.
35 Ang ilang (A)at ang tuyong lupa ay sasaya; at ang ilang ay magagalak, at mamumulaklak na gaya ng rosa.
2 Mamumulaklak ng sagana, (B)at magagalak ng kagalakan at awitan; ang kaluwalhatian ng Libano ay mapaparoon, ang karilagan ng Carmel at ng Saron: kanilang makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon, ang karilagan ng ating Dios.
3 Inyong palakasin (C)ang mga mahinang kamay, at patatagin ang mga mahinang tuhod.
4 Inyong sabihin sa kanila na matatakuting puso, Kayo'y mangagpakatapang, huwag kayong mangatakot: narito, ang inyong Dios ay pariritong may panghihiganti, may kagantihan ng Dios; siya'y paririto at ililigtas kayo.
5 Kung magkagayo'y madidilat ang mga mata (D)ng bulag, at (E)ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan.
6 Kung magkagayo'y lulukso ang (F)pilay na parang usa, at (G)ang dila ng pipi ay aawit: sapagka't sa ilang ay bubukal (H)ang tubig, at magkakailog sa ilang.
7 At ang buhanginang kumikislap ay magiging lawa, at ang uhaw na lupa ay mga bukal ng tubig; sa (I)tahanan ng mga chakal, na kanilang hinihiligan, magkakaroon ng damo pati ng mga tambo at mga yantok.
8 At magkakaroon doon ng isang lansangan, at ng isang daan, at tatawagin Ang daan ng kabanalan; ang marumi ay (J)hindi daraan doon; kundi magiging sa kaniyang bayan: ang mga palalakad na tao, oo, maging ang mga mangmang, ay hindi mangaliligaw roon.
9 Hindi magkakaroon ng leon doon, (K)o sasampa man doon ang anomang mabangis na hayop, hindi mangasusumpungan doon; kundi ang nangatubos ay lalakad doon.
10 At ang pinagtutubos (L)ng Panginoon ay mangagbabalik, at magsisiparoong nagaawitan sa Sion; at walang hanggang kagalakan ay mapapasa kanilang mga ulo: sila'y mangagtatamo ng kasayahan at kagalakan, at ang kapanglawan at ang pagbubuntong-hininga ay (M)mapaparam.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978