Isaias 34
Magandang Balita Biblia
Hahatulan ng Diyos ang mga Bansa
34 Lumapit kayo mga bansa, makinig kayo buong bayan!
Halikayo at pakinggan ang aking sasabihin,
kayong lahat na nasa ibabaw ng lupa.
2 Sapagkat si Yahweh ay napopoot sa lahat ng bansa,
matindi ang kanyang galit sa kanilang mga hukbo;
sila'y hinatulan na at itinakdang lipulin.
3 Ang kanilang mga bangkay ay ikakalat;
ito'y mabubulok at aalingasaw sa baho,
at ang mga bundok ay babaha sa dugo.
4 Ang(A) araw, buwan at mga bituin ay malalaglag at madudurog
at ang kalangita'y irorolyong
parang balumbon.
Ang mga bituin ay malalaglag
na parang mga tuyong dahon ng igos na nalalagas.
Ang Pagkawasak ng Edom
5 Si(B) Yahweh ay naghanda ng espada sa kalangitan
upang gamitin laban sa Edom,
sa bayang hinatulan niyang parusahan.
6 Ang espada ni Yahweh ay puno ng dugo at taba;
iyon ay dugo ng mga tupa at kambing,
at taba ng lalaking tupa.
Sapagkat siya'y maghahandog sa Bozra,
marami siyang pupuksain sa Edom.
7 Sila'y mabubuwal na parang maiilap na toro at barakong kalabaw,
matitigmak ng dugo
at mapupuno ng taba ang buong lupain.
8 Sapagkat si Yahweh ay may nakatakdang araw ng paghihiganti,
isang taon ng paghihiganti alang-alang sa Zion.
9 Ang mga batis ng Edom ay magiging alkitran,
at magiging asupre ang kanyang lupa,
ang buong bansa ay masusunog na parang aspalto.
10 Araw-gabi'y(C) hindi ito mamamatay,
at patuloy na papailanlang ang usok;
habang panaho'y hindi ito mapapakinabangan,
at wala nang daraan doon kahit kailan.
11 Ang mananahan dito'y mga kuwago at mga uwak.
Ang lupaing ito'y lubusang wawasakin ni Yahweh,
at iiwang nakatiwangwang magpakailanman.
12 Doo'y wala nang maghahari
at mawawala na rin ang mga pinuno.
13 Tutubuan ng damo ang mga palasyo
at ang mga napapaderang bayan,
ito ay titirhan ng mga asong-gubat
at pamumugaran ng mga ostrits.
14 Ang maiilap na hayop ay sasama sa mga asong-gubat,
tatawagin ng mga tikbalang ang kapwa nila maligno;
doon bababâ ang babaing halimaw upang magpahinga.
15 Ang mga kuwago, doon magpupugad,
mangingitlog, mamimisâ at magpapalaki ng kanilang inakay.
Doon din maninirahan ang mga grupo ng buwitre.
16 Sa aklat ni Yahweh ay hanapin ninyo at basahin:
“Isa man sa kanila'y hindi mawawala,
bawat isa'y mayroong kapareha.”
Sapagkat ito'y utos ni Yahweh,
at siya mismo ang kukupkop sa kanila.
17 Siya na rin ang nagtakda ng kanilang titirhan,
at nagbigay ng kani-kanilang lugar;
doon na sila titira magpakailanman.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.