Isaias 33
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Si Yahweh ang Magliligtas
33 Mapapahamak ang aming mga kaaway!
Sila'y nagnakaw at nagtaksil,
kahit na walang gumawa sa kanila ng ganito.
Ngunit magwawakas ang ginagawa nilang ito,
at sila'y magiging biktima rin ng pagnanakaw at pagtataksil.
2 Kahabagan mo kami, O Yahweh, kami'y naghihintay sa iyo;
ingatan mo kami araw-araw
at iligtas sa panahon ng kaguluhan.
3 Kapag ikaw ay nasa panig namin, tumatakas ang mga kaaway
dahil sa ingay ng labanan.
4 Ang ari-arian nila'y nalilimas,
parang pananim na dinaanan ng balang.
5 Dakila si Yahweh! Ang trono niya'y ang kalangitan,
maghahari siya sa Zion na may katarungan at katuwiran.
6 Siya ang magpapatatag sa bansa,
inililigtas niya ang kanyang bayan, at binibigyan ng karunungan at kaalaman;
ang pangunahing yaman nila, si Yahweh'y sundin at igalang.
7 Ang matatapang ay napapasaklolo,
ang mga tagapamayapa ay naghihinagpis.
8 Sapagkat wala nang tao sa mga lansangan,
mapanganib na ang doo'y dumaan.
Mga kasunduan ay di na pinahahalagahan,
at wala na ring taong iginagalang.
9 Ang tuyong lupa'y parang nagluluksa,
ang kagubatan ng Lebanon ay nalalanta;
naging parang disyerto na ang magandang lupain ng Sharon;
gayundin ang Bundok ng Carmel at ang Bashan.
10 “Kikilos ako ngayon,” ang sabi ni Yahweh sa mga bansa,
“At ipapakita ko ang aking kapangyarihan.”
11 Walang kabuluhan ang mga plano ninyo, at ang mga gawa ninyo ay walang halaga;
dahil sa aking poot tutupukin kayo ng aking espiritu.[a]
12 Madudurog kayong tulad ng mga batong sinunog para gawing apog.
Kayo'y magiging abo, na parang tinik na sinunog.
13 Kayong mga nasa malayo, pakinggan ninyo ang ginawa ko;
kayong mga nasa malapit, kilalanin ninyo ang kapangyarihan ko.
14 Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Zion.
Sabi nila, “Parang apoy na hindi namamatay ang parusang igagawad ng Diyos.
Sino ang makakatagal sa init niyon?”
15 Ngunit maliligtas kayo kung tama ang sinasabi ninyo at ginagawa.
Huwag ninyong gagamitin ang inyong kapangyarihan para apihin ang mahihirap;
huwag kayong tatanggap ng suhol;
huwag kayong makikiisa sa mga mamamatay-tao;
o sa mga gumagawa ng kasamaan.
16 Sa gayon, magiging ligtas kayo,
parang nasa loob ng matibay na tanggulan.
Hindi kayo mawawalan ng pagkain at inumin.
Ang Kinabukasang Punung-puno ng Pag-asa
17 Makikita ninyo ang kaningningan ng hari
na mamamahala sa buong lupain.
18 Mawawala na ang kinatatakutang
mga dayuhang tiktik at maniningil ng buwis.
19 Mawawala na rin ang mga palalong dayuhan
na hindi maunawaan kung anong sinasabi.
20 Masdan mo ang Zion, ang pinagdarausan natin ng mga kapistahan!
Masdan mo rin ang Jerusalem,
mapayapang lugar, magandang panahanan.
Ito'y parang matatag na toldang ang mga tulos ay nakabaon nang malalim
at ang mga lubid ay hindi na kakalagin.
21 Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay ihahayag sa atin.
Maninirahan tayo sa baybayin ng malalawak na ilog at batis
na hindi mapapasok ng sasakyan ng mga kaaway.
22 Sapagkat si Yahweh ang ating hukom, siya ang mamamahala,
at siya rin ang haring magliligtas sa atin.
23 Ngayon, tulad mo'y mahinang barko,
hindi mapigil ang lubid o mailadlad ang mga layag.
Ngunit pagdating ng panahong iyon, maraming masasamsam sa mga kaaway,
at pati mga pilay ay bibigyan ng bahagi.
24 Wala nang may sakit na daraing doon,
patatawarin na lahat ng mga kasalanan.
Footnotes
- 11 tutupukin…espiritu: Sa ibang manuskrito'y wala kayong winawasak kundi ang sarili ninyo .