Isaias 32
Ang Biblia, 2001
Ang Matuwid na Hari
32 Narito, ang isang hari ay maghahari sa katuwiran,
at ang mga pinuno ay mamumuno na may katarungan.
2 Bawat isa ay magiging gaya ng isang kublihang dako laban sa hangin,
at kanlungan mula sa bagyo,
gaya ng mga agos ng tubig sa tuyong dako,
gaya ng lilim ng malaking bato sa pagod na lupain.
3 At ang mga mata nila na nakakakita ay hindi lalabo,
at ang mga tainga nila na nakikinig ay makikinig.
4 Ang isipan ng padalus-dalos ay magkakaroon ng mabuting pagpapasiya,
at ang dila ng mga utal ay agad makakapagsalita ng malinaw.
5 Ang hangal ay hindi na tatawagin pang marangal,
at ang walang-hiya ay hindi sasabihing magandang loob.
6 Sapagkat ang taong hangal ay magsasalita ng kahangalan,
at ang kanyang puso ay nagbabalak ng kasamaan:
upang magsanay ng kasamaan,
at siya'y magsasalita ng kamalian laban sa Panginoon,
upang gawing walang laman ang gutom na kaluluwa,
at upang pagkaitan ng inumin ang nauuhaw.
7 Ang mga sandata ng mandaraya ay masama;
siya'y nagbabalak ng masasamang pakana
upang wasakin ang mga dukha sa pamamagitan ng mga salitang kasinungalingan,
bagaman matuwid ang pakiusap ng nangangailangan.
8 Ngunit ang marangal ay kumakatha ng mga bagay na marangal
at sa mga mararangal na bagay siya'y naninindigan.
Paghatol at Pagpapanumbalik
9 Kayo'y bumangon, kayong mga babaing tiwasay, pakinggan ninyo ang tinig ko;
kayong mga anak na babaing walang pakialam, pakinggan ninyo ang aking pananalita.
10 Kayo'y mangangatog sa isang taon at ilang mga araw
kayong mga babaing walang pakialam;
sapagkat ang ani ng ubas ay magkukulang,
ang pag-aani ay hindi darating.
11 Kayo'y magsipanginig, kayong mga babaing tiwasay;
kayo'y mabagabag, kayong mga walang pakialam,
kayo'y maghubad, at mag-alis ng damit,
at magbigkis kayo ng damit-sako sa inyong mga baywang.
12 Sila'y magsisidagok sa mga dibdib dahil sa mga maligayang parang,
dahil sa mabungang puno ng ubas.
13 Sa lupain ng aking bayan
ay tutubo ang mga tinik at mga dawag;
oo, para sa lahat ng nagagalak na bahay
sa masayang lunsod.
14 Sapagkat ang palasyo ay mapapabayaan;
ang maraming tao ng lunsod ay mapapabayaan;
ang burol at ang bantayang tore
ay magiging mga yungib magpakailanman,
isang kagalakan para sa maiilap na asno,
at pastulan ng mga kawan;
15 hanggang sa ibuhos sa atin ang Espiritu mula sa itaas,
at ang ilang ay maging mabungang kabukiran,
at ang mabungang bukid ay ituring na kagubatan.
16 Kung magkagayo'y ang katarungan ay maninirahan sa ilang,
at mananatili sa mabungang bukid ang katuwiran.
17 At ang gawa ng katuwiran ay kapayapaan;
at ang gawa ng katuwiran ay katahimikan at pagtitiwala kailanman.
18 At ang bayan ko ay maninirahan sa payapang tahanan,
at sa mga ligtas na tirahan, at sa mga tiwasay na dakong pahingahan.
19 Ngunit uulan ng yelo sa pagbagsak ng kagubatan,
at ang lunsod ay lubos na ibabagsak.
20 Mapapalad kayo na naghahasik sa tabi ng lahat ng tubig,
na nagpapahintulot na malayang makagala ang mga paa ng baka at ng asno.