Isaias 30
Ang Biblia, 2001
Bigong Pagtitiwala sa Ehipto
30 “Kahabag-habag ang mga mapaghimagsik na mga anak,” sabi ng Panginoon,
“na nagsasagawa ng panukala, ngunit hindi mula sa akin;
na nakikipagkasundo, ngunit hindi sa aking Espiritu,
upang sila'y makapagdagdag ng kasalanan sa kasalanan;
2 na pumupunta na lumulusong sa Ehipto,
na hindi humihingi ng payo,
upang manganlong sa pag-iingat ng Faraon,
at manirahan sa lilim ng Ehipto!
3 Kaya't ang pag-iingat ng Faraon ay magiging inyong kahihiyan,
at ang tirahan sa lilim ng Ehipto ay inyong pagkapahiya.
4 Sapagkat bagaman ang kanyang mga pinuno ay nasa Zoan,
at ang kanilang mga sugo ay nakarating sa Hanes,
5 silang lahat ay mapapahiya
sa pamamagitan ng isang bayan na hindi nila mapapakinabangan,
na magdadala hindi ng tulong o pakinabang man,
kundi kahihiyan at kasiraan.”
6 Ang pahayag tungkol sa mga hayop ng Negeb.
Sa lupain ng kabagabagan at ng hapis,
na pinanggagalingan ng leong babae at lalaki,
ng ulupong at ng lumilipad na makamandag na ahas,
kanilang dinadala ang kanilang mga kayamanan sa mga gulugod ng mga batang asno,
at ang kanilang mga kayamanan sa umbok ng gulugod ng mga kamelyo,
sa isang bayan na hindi nila mapapakinabangan.
7 Sapagkat ang tulong ng Ehipto ay walang kabuluhan at walang halaga,
kaya't aking tinawag siyang
“Rahab na nakaupong walang kibo.”
8 Ngayo'y humayo ka, isulat mo sa harapan nila sa isang tapyas na bato,
at ititik mo sa isang aklat,
upang sa darating na panahon
ay maging saksi magpakailanman.
9 Sapagkat sila'y mapaghimagsik na bayan,
mga sinungaling na anak,
mga anak na ayaw makinig sa kautusan ng Panginoon,
10 na nagsasabi sa mga tagakita, “Huwag kayong makakita ng pangitain;”
at sa mga propeta, “Huwag kayong magpahayag sa amin ng matutuwid na bagay,
magsalita kayo sa amin ng mga kawili-wiling bagay,
magpropesiya kayo ng mga haka-haka.
11 Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas,
huwag na tayong makinig sa Banal ng Israel.”
12 Kaya't ganito ang sabi ng Banal ng Israel,
“Sapagkat inyong hinamak ang salitang ito,
at nagtiwala kayo sa pang-aapi at kasamaan,
at umasa sa mga iyon;
13 kaya't ang kasamaang ito ay magiging sa inyo'y
gaya ng butas sa isang mataas na pader, nakalabas at malapit nang bumagsak,
na biglang dumarating ang pagbagsak sa isang iglap.
14 At ang pagkabasag nito ay gaya ng pagkabasag ng sisidlan ng magpapalayok,
na walang awang dinurog
na anupa't walang natagpuang isang kapiraso sa mga bahagi niyon,
na maikukuha ng apoy mula sa apuyan,
o maisasalok ng tubig sa balon.”
15 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos, ng Banal ng Israel,
“Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay maliligtas kayo;
sa katahimikan at pagtitiwala ay magiging inyong lakas.”
Ngunit ayaw ninyo,
16 kundi inyong sinabi,
“Hindi! Kami ay tatakas na sakay sa mga kabayo.”
Kaya kayo'y tatakas,
at, “Kami ay sasakay sa mabibilis na kabayo,”
kaya't ang mga humahabol sa inyo ay magiging mabilis.
17 Isang libo ay tatakas sa banta ng isa,
sa banta ng lima ay tatakas kayo,
hanggang sa kayo'y maiwang parang isang tagdan ng watawat
sa tuktok ng bundok,
at gaya ng isang hudyat sa isang burol.
Ang Pangako sa mga Hinirang
18 Kaya't naghihintay ang Panginoon, na maging mapagbiyaya sa inyo;
kaya't siya'y babangon, upang magpakita ng habag sa inyo.
Sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng katarungan;
mapapalad ang lahat na naghihintay sa kanya.
19 Ang bayan ng Zion na naninirahan sa Jerusalem; tiyak na hindi ka iiyak. Siya'y tiyak na magiging mapagbiyaya sa iyo sa tinig ng iyong daing; kapag kanyang maririnig, sasagutin ka niya.
20 At bagaman bigyan kayo ng Panginoon ng tinapay ng paghihirap at ng tubig ng kapighatian, gayunma'y hindi na makukubli pa ang iyong mga tagapagturo, kundi makikita ng iyong mga mata ang iyong mga tagapagturo.
21 At ang iyong mga pandinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, “Ito ang daan, lakaran ninyo,” kapag kayo'y pumipihit sa kanan, at kapag kayo'y pumipihit sa kaliwa.
22 At inyong lalapastanganin ang inyong mga larawang pilak na inanyuan at ang inyong mga hinulmang larawan na tubog sa ginto. Iyong ikakalat ang mga iyon na gaya ng maruming bagay. Iyong sasabihin sa mga iyon, “Lumayas kayo.”
23 At siya ay magbibigay ng ulan sa iyong binhi na iyong inihasik sa lupa, at ng tinapay na bunga ng lupa na magiging mataba at sagana. Sa araw na iyon ay manginginain ang iyong mga hayop sa mga malaking pastulan.
24 Ang mga baka at ang mga batang asno na nagbubungkal ng lupa ay kakain ng masarap na pagkain, na pinahanginan ng pala at kalaykay.
25 At sa bawat matataas na bundok at bawat mataas na burol ay magkakaroon ng sapa na may umaagos na tubig, sa araw ng malaking patayan, kapag ang mga muog ay mabuwal.
26 Bukod dito'y ang liwanag ng buwan ay magiging gaya ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magiging pitong ulit, na gaya ng liwanag ng pitong araw, sa araw na talian ng Panginoon ang sugat ng kanyang bayan, at pagalingin ang sugat na dulot ng kanyang pagpalo.
Ang Hatol sa Asiria
27 Ang pangalan ng Panginoon ay magmumula sa malayo,
ang kanyang galit ay nagniningas at ito'y makapal na usok,
ang kanyang mga labi ay punô ng pagkagalit,
at ang kanyang dila ay gaya ng tumutupok na apoy.
28 At ang kanyang hininga ay gaya ng umaapaw na ilog,
na umaabot hanggang sa leeg,
upang salain ang mga bansa sa pangsala ng pagkawasak
at ilagay sa mga panga ng mga tao ang pamingkaw na nakapagpapaligaw.
29 Kayo'y magkakaroon ng awit na gaya ng sa gabi kapag ang banal na kapistahan ay ipinagdiriwang; at kasayahan ng puso, na gaya ng humahayo sa tunog ng plauta upang pumunta sa bundok ng Panginoon, sa Malaking Bato ng Israel.
30 At iparirinig ng Panginoon ang kanyang maluwalhating tinig, at ipapakita ang bumababang dagok ng kanyang bisig, sa matinding galit, at liyab ng tumutupok na apoy, na may bugso ng ulan, at bagyo, at granizo.
31 Ang mga taga-Asiria ay masisindak sa takot sa tinig ng Panginoon, kapag siya'y nananakit ng kanyang pamalo.
32 At bawat hampas ng tungkod ng kaparusahan na ibabagsak ng Panginoon sa kanila ay sa saliw ng tunog ng pandereta at lira. Nakikipaglaban sa pamamagitan ng bisig na iwinawasiwas, siya ay makikipaglaban sa kanila.
33 Sapagkat ang Tofet[a] na sunugan ay matagal nang handa. Oo, para sa hari ay inihanda ito; ang gatungan ay pinalalim at pinaluwang na may maraming apoy at mga kahoy. Ang hininga ng Panginoon na gaya ng sapa ng asupre, ay nagpapaningas niyon.
Footnotes
- Isaias 30:33 Isang lugar na sunugan ng handog kay Molec.