Isaias 29
Magandang Balita Biblia
Kinubkob ang Jerusalem
29 Kawawa ang Jerusalem,
ang lunsod na himpilan ni David!
Hayaang dumaan ang taunang pagdiriwang ng mga kapistahan,
2 at pagkatapos ay wawasakin ko ang lunsod na tinatawag na “altar ng Diyos!”
Maririnig dito ang panaghoy at pagtangis,
ang buong lunsod ay magiging parang altar na tigmak ng dugo.
3 Kukubkubin kita,
at magtatayo ako ng mga kuta sa paligid mo.
4 Dahil dito, ikaw ay daraing mula sa lupa,
maririnig mo ang iyong tinig na nakakapangilabot,
nakakatakot na parang tinig ng isang multo,
at parang bulong mula sa alabok.
5 Ngunit ang lulusob sa iyo ay liliparin na parang abo,
parang ipang tatangayin ng hangin ang nakakatakot nilang hukbo.
6 Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay biglang magpapadala
ng dumadagundong na kulog, lindol,
buhawi, at naglalagablab na apoy upang iligtas ka.
7 Ang lahat ng bansang kumalaban sa Jerusalem,
ang kanilang mga sandata at kagamitan,
ay maglalahong parang isang panaginip, parang isang pangitain sa gabi.
8 Parang isang taong gutom na nanaginip na kumakain,
at nagising na gutom pa rin;
o taong uhaw na nanaginip na umiinom,
ngunit uhaw na uhaw pa rin nang siya'y magising.
Gayon ang sasapitin,
ng lahat ng bansang lumalaban sa Jerusalem.
Bulag at Mapagmalaki ang Israel
9 Magwalang-bahala kayo at mag-asal mangmang,
bulagin ang sarili at nang hindi makakita!
Malasing kayo ngunit hindi sa alak,
sumuray kayo kahit hindi nakainom.
10 Sapagkat(A) pinadalhan kayo ni Yahweh
ng espiritu ng matinding antok;
tinakpan niya ang inyong mga mata, kayong mga propeta,
tinakpan din niya ang inyong mga ulo, kayong mga manghuhula.
11 Ang kahulugan ng lahat ng pangitaing ito ay parang aklat na nakasara. Kung ipababasa mo ito sa taong nakakaunawa, ang sasabihin niya'y, “Ayoko, hindi ko mababasa sapagkat nakasara.” 12 Kung ipababasa mo naman sa hindi marunong bumasa, ito ang isasagot sa iyo, “Hindi ako marunong bumasa.”
13 Sasabihin(B) naman ni Yahweh,
“Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito,
at sa bibig lamang nila ako iginagalang,
subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso,
at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod.
14 Kaya(C) muli akong gagawa
ng kababalaghan sa harapan nila,
mga bagay na kahanga-hanga at kataka-taka;
mawawalang-saysay ang karunungan ng kanilang mga matatalino,
at maglalaho ang katalinuhan ng kanilang matatalino.”
Ang Pag-asa sa Hinaharap
15 Kaawa-awa ang mga nagtatago kay Yahweh habang sila'y gumagawa ng mga panukala.
Sila na nagsasabing: “Doon kami sa gitna ng dilim
upang walang makakakilala o makakakita sa amin!”
16 Binabaligtad(D) ninyo ang katotohanan!
Masasabi ba ng palayok sa gumagawa nito,
“Hindi naman ikaw ang humugis sa akin;”
at masasabi ba ng nilikha sa lumikha sa kanya,
“Hindi mo alam ang iyong ginagawa”?
17 Tulad ng kasabihan:
“Hindi magtatagal
at magiging bukirin ang kagubatan ng Lebanon,
at ang bukirin naman ay magiging kagubatan.”
18 Sa araw na iyon maririnig ng bingi
ang pagbasa sa isang kasulatan;
at mula sa kadiliman,
makakakita ang mga bulag.
19 Ang nalulungkot ay muling liligaya sa piling ni Yahweh,
at pupurihin ng mga dukha ang Banal na Diyos ng Israel.
20 Sapagkat mawawala na ang malupit at mapang-api,
gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan.
21 Lilipulin ni Yahweh ang lahat ng naninirang-puri,
mga sinungaling na saksi
at mga nagkakait ng katarungan sa matuwid.
22 Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh, ang tumubos kay Abraham,
tungkol sa sambahayan ni Jacob:
“Wala nang dapat ikahiya o ikatakot man,
ang bayang ito mula ngayon.
23 Kapag nakita nila ang kanilang mga anak
na ginawa kong dakilang bansa,
makikilala nila na ako ang Banal na Diyos ni Jacob;
igagalang nila ang itinatanging Diyos ni Israel.
24 Magtatamo ng kaunawaan ang mga napapalayo sa katotohanan,
at tatanggap ng pangaral ang mga matitigas ang ulo.”
Isaias 29
Ang Biblia (1978)
Ang pagkabulag at pagpapaimbabaw ay tinuligsa.
29 Hoy (A)Ariel, Ariel, na (B)bayang hinantungan ni David! magdagdag kayo ng taon sa taon; magdiwang sila ng mga kapistahan:
2 Akin ngang pahihirapan ang Ariel, at magsisitangis at mananaghoy: at siya'y magiging gaya ng Ariel sa akin.
3 At ako'y magtatayo ng kampamento laban sa iyo sa palibot, at kukubkubin kita ng mga kuta, at ako'y magbabangon ng mga pangkubkob laban sa iyo.
4 At ikaw ay mabababa, at magsasalita mula sa lupa, at ang iyong salita ay magiging mababa na mula sa alabok: at ang iyong tinig ay magiging gaya ng isang nakikipagsanggunian sa masamang espiritu, mula sa lupa, at (C)ang iyong pananalita ay bubulong mula sa alabok.
5 Nguni't ang karamihan ng iyong mga (D)kaaway ay magiging gaya ng munting alabok, at ang karamihan ng mga kakilakilabot ay (E)gaya ng ipang inililipad ng hangin: oo, magiging sa (F)biglang sandali.
6 Siya'y dadalawin ng Panginoon ng mga hukbo sa pamamagitan ng kulog, at ng lindol, at ng malaking kaingay, ng ipoipo at bagyo, at ng liyab ng mamumugnaw na apoy.
7 At (G)ang karamihan ng lahat na bansa na nagsisilaban sa Ariel, lahat na nagsisilaban sa kaniya at sa kaniyang kuta, at ang nagpapahirap sa kaniya, ay magiging (H)gaya ng panaginip na isang pangitain sa gabi.
8 At (I)mangyayari, na gaya ng kung ang isang gutom ay nananaginip, at, narito, siya'y kumakain; nguni't siya'y nagigising, at ang kaniyang kaluluwa ay walang anoman: o gaya ng kung ang isang uhaw ay nananaginip, at, narito, siya'y umiinom; nguni't siya'y nagigising, at, narito, siya'y malata, at ang kaniyang kaluluwa ay uhaw: gayon ang mangyayari sa karamihan ng lahat na bansa, na nagsisilaban sa bundok ng Sion.
9 Kayo'y mangatigilan at manganggilalas; kayo'y mangalugod at mangabulag: (J)sila'y lango, (K)nguni't hindi sa alak; sila'y gumigiray, nguni't hindi sa matapang na alak.
10 Sapagka't inihulog ng (L)Panginoon sa inyo ang diwa ng mahimbing na pagkakatulog, at (M)ipinikit ang inyong mga mata, na mga propeta; at ang iyong mga pangulo, na mga tagakita, ay kaniyang tinakpan.
11 (N)At ang lahat ng pangitain ay naging sa inyo'y gaya ng mga salita ng aklat na (O)natatatakan, na ibinibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Hindi ko mababasa, sapagka't (P)natatatakan;
12 At ang aklat ay nabigay sa kaniya na hindi marunong, na sinasabi, Iyong basahin ito, isinasamo ko sa iyo: at kaniyang sinasabi, Ako'y hindi marunong bumasa.
13 At sinabi ng Panginoon, (Q)Yamang ang bayang ito ay lumapit sa akin, at pinapupurihan ako ng kanilang bibig at ng kanilang mga labi, nguni't inilayo ang kanilang puso sa akin, at ang kanilang takot sa akin ay (R)utos ng mga tao na itinuro sa kanila:
14 Dahil dito narito, pasisimulan kong gawin ang isang kagilagilalas na gawa sa gitna ng bayang ito, isang kagilagilalas na gawa at kamanghamangha: at ang karunungan ng kanilang mga pantas ay (S)mapapawi, at ang unawa ng kanilang mga mabait ay malilingid.
15 Sa aba nila, (T)na nagsisihanap ng kalaliman upang ilingid sa Panginoon ang kanilang payo, at ang kanilang mga gawa ay nasa kadiliman, at kanilang sinasabi, Sinong nakakakita sa atin? at sinong nakakakilala sa atin?
16 Kayo'y nangagbabaligtad ng mga bagay! Maibibilang bagang putik ang magpapalyok; upang sabihin ng (U)bagay na yari sa may-gawa sa kaniya, Hindi niya ginawa ako; o sabihin ng bagay na may anyo tungkol sa naganyo, Siya'y walang unawa?
Ang Israel ay nalalapit sa pagbabago.
17 Hindi baga sangdaling-sangdali na lamang, at ang (V)Libano ay magiging mainam na bukid, at (W)ang mainam na bukid ay magiging pinakagubat?
18 At (X)sa araw na yaon ay makikinig ang pipi ng mga salita ng aklat, at ang mga mata ng bulag ay makakakita mula sa kalabuan at sa kadiliman.
19 At mananagana naman sa kanilang kagalakan sa Panginoon, ang (Y)maamo, at ang dukha sa gitna ng mga tao ay magagalak sa Banal ng Israel.
20 (Z)Sapagka't ang kakilakilabot ay nauwi sa wala, at (AA)ang mangduduwahagi ay naglilikat, at ang lahat na nagbabanta ng kasamaan ay nangahiwalay:
21 Yaong nakapagkasala sa tao sa isang usapin, at naglalagay ng silo (AB)doon sa sumasaway sa pintuang-bayan, at nagliligaw sa ganap na tao sa pamamagitan ng walang kabuluhan.
22 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, na siyang tumubos kay Abraham, tungkol sa sangbahayan ni Jacob, Si Jacob nga ay hindi mapapahiya o mamumula pa man ang kaniyang mukha.
23 Nguni't pagka kaniyang nakikita ang kaniyang mga anak, (AC)ang gawa ng aking mga kamay, sa gitna niya, ay (AD)kanilang aariing banal ang aking pangalan; oo, kanilang aariing banal ang Banal ni Jacob, at magsisitayong may takot sa (AE)Dios ng Israel.
24 Sila namang nangamamali sa diwa ay darating sa pagkaunawa, at silang mga mapag-upasala ay mangatututo ng aral.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
