Isaias 26
Ang Biblia, 2001
Awit ng Pagtitiwala sa Panginoon
26 Sa araw na iyon ay aawitin ang awit na ito sa lupain ng Juda,
“Tayo ay may matibay na lunsod;
kanyang inilalagay ang kaligtasan
bilang mga pader at tanggulan.
2 Buksan ninyo ang mga pintuan,
upang makapasok ang matuwid na bansa na nag-iingat ng katotohanan.
3 Iyong iingatan siya sa ganap na kapayapaan,
na ang pag-iisip ay nananatili sa iyo, sapagkat siya'y nagtitiwala sa iyo.
4 Magtiwala kayo sa Panginoon magpakailanman,
sapagkat ang Panginoong Diyos
ay isang batong walang hanggan.
5 Sapagkat ibinaba niya
ang mga naninirahan sa kaitaasan,
ang mapagmataas na lunsod.
Kanyang ibinaba, ibinaba hanggang sa lupa;
ibinagsak ito hanggang sa alabok.
6 Niyayapakan ito ng paa,
ng mga paa ng dukha,
ng mga hakbang ng nangangailangan.”
7 Ang daan ng matuwid ay patag,
iyong pinakinis ang landas ng matuwid.
8 Sa daan ng iyong mga hatol,
O Panginoon, naghihintay kami sa iyo;
ang pangalan ng iyong alaala
ay siyang nasa ng aming kaluluwa.
9 Kinasasabikan ka sa gabi ng kaluluwa ko,
ang espiritu sa loob ko ay masikap na naghahanap sa iyo.
Sapagkat kapag nasa lupa ang mga hatol mo,
ang mga naninirahan sa sanlibutan sa katuwiran ay natututo.
10 Kapag nagpapakita ng lingap sa masama,
hindi siya matututo ng katuwiran;
sa lupain ng katuwiran ay nakikitungo siya na may kasamaan,
at hindi nakikita ang sa Panginoon na kamahalan.
11 Panginoon,(A) ang iyong kamay ay nakataas,
gayunma'y hindi nila nakikita.
Ipakita mo ang iyong sigasig para sa bayan, at sila'y mapapahiya;
lamunin nawa sila ng apoy na para sa iyong mga kaaway.
12 Panginoon, ikaw ay magtatalaga ng kapayapaan para sa amin,
ikaw ang gumawa para sa amin ng lahat naming mga gawa.
13 O Panginoon naming Diyos,
ang ibang mga panginoon, bukod sa iyo ay namuno sa amin;
ngunit ang pangalan mo lamang ang kinikilala namin.
14 Sila'y patay, sila'y hindi mabubuhay;
sila'y mga lilim, sila'y hindi babangon.
Kaya't iyong dinalaw at winasak sila,
at pinawi mo ang lahat ng alaala nila.
15 Ngunit iyong pinarami ang bansa, O Panginoon,
iyong pinarami ang bansa; ikaw ay niluwalhati;
iyong pinalaki ang lahat ng hangganan ng lupain.
16 Panginoon, sa kabalisahan ay dinalaw ka nila,
sila'y sumambit ng dalangin,
noong pinarurusahan mo sila.
17 Gaya ng babae na nagdadalang-tao
na namimilipit at dumaraing sa kanyang panganganak,
kapag siya'y malapit na sa kanyang panahon,
naging gayon kami dahilan sa iyo, O Panginoon.
18 Kami ay nagdalang-tao, kami ay namilipit,
kami ay tila nanganak ng hangin.
Kami ay hindi nagkamit ng tagumpay sa lupa;
at ang mga naninirahan sa sanlibutan ay hindi nabuwal.
19 Ang iyong mga patay ay mabubuhay; ang kanilang mga katawan ay babangon.
Magsigising at magsiawit sa kagalakan, kayong naninirahan sa alabok!
Sapagkat ang iyong hamog ay hamog na makinang,
at sa lupain ng mga lilim ay hahayaan mong bumagsak ito.
20 Ikaw ay pumarito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga silid,
at isara mo ang iyong mga pintuan sa likuran mo.
Magkubli kang sandali,
hanggang sa ang galit ay makalampas.
21 Sapagkat ang Panginoon ay lumalabas mula sa kanyang dako
upang parusahan ang mga naninirahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan.
Ililitaw naman ng lupa ang dugo na nabuhos doon
at hindi na tatakpan ang kanyang napatay.