Isaias 25
Ang Biblia, 2001
Awit ng Papuri sa Panginoon
25 O Panginoon, ikaw ay Diyos ko;
aking dadakilain ka, aking pupurihin ang pangalan mo;
sapagkat ikaw ay gumawa ng kagila-gilalas na bagay,
samakatuwid ay ang iyong binalak noong una, tapat at tiyak.
2 Sapagkat iyong ginawang isang bunton ang lunsod,
ang bayang matibay ay ginawang isang guho;
ang palasyo ng mga dayuhan ay di na bayan,
ito'y hindi na maitatayo kailanman.
3 Kaya't luluwalhatiin ka ng malalakas na mamamayan,
ang mga lunsod ng malulupit na mga bansa ay matatakot sa iyo.
4 Sapagkat ikaw sa mga dukha ay naging kanlungan,
isang kanlungan sa nangangailangan sa kanyang kahirapan,
silungan sa bagyo at lilim sa init,
sapagkat ang ihip ng mga malulupit ay parang bagyo laban sa pader,
5 gaya ng init sa tuyong dako.
Sinupil mo ang ingay ng mga dayuhan;
gaya ng init sa pamamagitan ng lilim ng alapaap,
ang awit ng mga malulupit ay napatahimik.
6 At sa bundok na ito ay gagawa ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat ng mga bayan ng isang kapistahan ng matatabang bagay, ng isang kapistahan ng mga nilumang alak, ng matatabang bagay na punô ng utak, ng mga lumang alak na totoong dinalisay.
7 At kanyang wawasakin sa bundok na ito ang takip na inilagay sa lahat ng mga bayan, at ang lambong na iniladlad sa lahat ng bansa.
8 Lulunukin(A) niya ang kamatayan magpakailanman at papahirin ng Panginoong Diyos ang mga luha sa lahat ng mga mukha. Ang paghamak sa kanyang bayan ay maaalis sa buong lupa, sapagkat ang Panginoon ang nagsalita.
9 At sasabihin sa araw na iyon, “Ito'y ating Diyos; hinintay natin siya at ililigtas niya tayo. Ito ang Panginoon; ating hinintay siya, tayo'y matuwa at magalak sa kanyang pagliligtas.”
10 Sapagkat(B) ang kamay ng Panginoon ay magpapahinga sa bundok na ito. Ang Moab ay mayayapakan sa kanyang dako, gaya ng dayami na nayayapakan sa tapunan ng dumi.
11 At kanyang iuunat ang kanyang mga kamay sa gitna niyon, gaya ng manlalangoy na nag-uunat ng kanyang mga kamay sa paglangoy; ngunit ibababa ng Panginoon ang kanyang kapalaluan kasama ng kakayahan ng kanyang mga kamay.
12 At ang matataas na muog ng kanyang mga kuta ay kanyang ibababa, ilulugmok, at ibabagsak sa lupa, hanggang sa alabok.
Isaias 25
Ang Dating Biblia (1905)
25 Oh Panginoon, ikaw ay aking Dios; aking ibubunyi ka, aking pupurihin ang iyong pangalan; sapagka't ikaw ay gumawa ng kagilagilalas na bagay, sa makatuwid baga'y ang iyong binalak noong una, sa pagtatapat at katotohanan.
2 Sapagka't iyong pinapaging isang bunton ang isang bayan, ang bayang matibay ay pinapaging isang guho: ang palasio ng mga taga ibang lupa ay di na magiging bayan; hindi matatayo kailan man.
3 Kaya't luluwalhatiin ka ng matibay na bayan, ang bayan ng kakilakilabot na mga bansa ay matatakot sa iyo.
4 Sapagka't ikaw ay naging ampunan sa dukha, ampunan sa mapagkailangan sa kaniyang kahirapan, silongan sa bagyo, lilim sa init, pagka ang hihip ng mga kakilakilabot ay parang bagyo laban sa kuta.
5 Gaya ng init sa tuyong dako patitigilin mo ang ingay ng mga taga ibang lupa; gaya ng init sa pamamagitan ng lilim ng alapaap, matitigil ang awit ng mga kakilakilabot.
6 At sa bundok na ito ay gagawa ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat ng mga bayan, ng isang kapistahan ng mga matabang bagay, ng isang kapistahan ng mga alak na laon, ng mga matabang bagay na puno ng utak, ng mga alak na laon na totoong sala.
7 At kaniyang aalisin sa bundok na ito ang takip na nalagay sa lahat ng mga bayan, at ang lambong na naladlad sa lahat na bansa.
8 Sinakmal niya ang kamatayan magpakailan man; at papahirin ng Panginoong Dios ang mga luha sa lahat ng mga mukha; at ang kakutyaan ng kaniyang bayan ay maaalis sa buong lupa: sapagka't sinalita ng Panginoon.
9 At sasabihin sa araw na yaon, Narito, ito'y ating Dios; hinintay natin siya, at ililigtas niya tayo: ito ang Panginoon; ating hinintay siya, tayo'y matutuwa at magagalak sa kaniyang pagliligtas.
10 Sapagka't sa bundok na ito magpapahinga ang kamay ng Panginoon; at ang Moab ay mayayapakan sa kaniyang dako, gaya ng dayami na nayayapakan sa tapunan ng dumi.
11 At kaniyang iuunat ang kaniyang mga kamay sa gitna niyaon, gaya ng paguunat ng lumalangoy upang lumangoy: at kaniyang ibababa ang kaniyang kapalaluan sangpu ng gawa ng kaniyang mga kamay.
12 At ang mataas na moog ng iyong mga kuta ay kaniyang ibinaba, giniba, at ibinagsak sa lupa, hanggang sa alabok.
Isaias 25
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Purihin ang Dios
25 Panginoon, kayo ang aking Dios! Pupurihin kita at pararangalan dahil kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Tinupad mo ang iyong mga plano noong unang panahon. 2 Winasak mo ang mga lungsod ng taga-ibang bansa pati ang may mga pader. Winasak mo rin ang matitibay na bahagi ng kanilang lungsod, at hindi na nila ito maitatayong muli. 3 Kaya pararangalan ka ng mga taong makapangyarihan at igagalang ka ng mga malulupit na mga bansa. 4 Ikaw ang takbuhan ng mga dukha at ng mga nangangailangan sa panahon ng kahirapan. Ikaw ang kanlungan sa panahon ng bagyo at tag-init. Sapagkat ang paglusob ng mga malulupit na taoʼy parang bagyo na humahampas sa pader, 5 at parang init sa disyerto. Pero pinatahimik mo ang sigawan ng mga dayuhan. Pinatigil mo ang awitan ng malulupit na mga tao, na parang init na nawala dahil natakpan ng ulap.
6 Dito sa Bundok ng Zion, ang Panginoong Makapangyarihan ay maghahanda ng isang piging para sa lahat. Masasarap na pagkain at inumin ang kanyang inihanda. 7 At sa bundok ding ito, papawiin niya ang kalungkutan[a] ng mga tao sa lahat ng bansa. 8 Aalisin din ng Panginoong Dios ang kamatayan at papahirin niya ang mga luha ng lahat ng tao. Aalisin niya ang kahihiyan ng kanyang mga mamamayan sa buong mundo. Mangyayari nga ito dahil sinabi mismo ng Panginoon.
9 Kapag itoʼy nangyari na, sasabihin ng mga tao, “Siya ang ating Dios! Nagtiwala tayo sa kanya, at iniligtas niya tayo. Siya ang Panginoon na ating inaasahan. Magalak tayoʼt magdiwang dahil iniligtas niya tayo.”
10 Talagang tutulungan ng Panginoon ang Bundok ng Zion, pero parurusahan niya ang Moab. Tatapakan niya ito na parang dayami sa tapunan ng dumi. 11 Pagsisikapan nilang makaligtas sa kalagayang iyon na parang taong kakampay-kampay sa tubig. Pero kahit na magaling silang lumangoy, ilulubog pa rin sila ng Panginoon. Ibabagsak sila dahil sa kanilang pagmamataas. 12 Wawasakin niya ang kanilang mataas at matibay na pader hanggang sa madurog at kumalat ito sa lupa.
Footnotes
- 25:7 kalungkutan: sa literal, belo, na isinusuot ng tao noong unang panahon sa kanilang pagluluksa.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.