Isaias 24
Magandang Balita Biblia
Paparusahan ni Yahweh ang Sanlibutan
24 Ang daigdig ay wawasakin ni Yahweh,
sasalantain niya ang mga lupain at pangangalatin ang mga tao.
2 Iisa ang sasapitin ng lahat—mamamayan at pari,
alipin at panginoon;
alila at may-ari ng bahay,
nagtitinda't namimili,
nangungutang at nagpapautang.
3 Mawawasak ang daigdig at wala nang papakinabangin dito;
mangyayari ito sapagkat sinabi ni Yahweh.
4 Matutuyo at malalanta ang lupa,
manghihina ang buong sanlibutan.
Ang langit at ang lupa ay mabubulok.
5 Sinira na ang daigdig ng mga naninirahan dito
dahil sinuway nila ang katuruan ng Diyos;
at nilabag ang kanyang mga utos;
winasak nila ang walang hanggang tipan.
6 Kaya susumpain ng Diyos ang daigdig,
at magdurusa ang mga tao dahil sa kanilang kasamaan,
mababawasan ang mga naninirahan sa lupa;
kaunti lamang ang matitira sa kanila.
7 Mauubos ang alak,
malalanta ang ubasan,
ang mga nagsasaya'y daranas ng kalungkutan.
8 Ang masayang tugtog ng tamburin ay hindi na maririnig;
titigil na ang ingay ng mga nagsasaya;
mapaparam ang masayang tunog ng alpa!
9 Mawawala na rin ang pag-iinuman ng alak sa saliw ng awitan,
ang alak ay magiging mapait sa panlasa.
10 Magulo ang lunsod na winasak;
ang pintuan ng bawat tahanan ay may harang upang walang makapasok.
11 Sa mga lansangan ay sumisigaw sila dahil kulang ng alak,
nawala na ang kagalakan at nauwi sa kalungkutan;
lahat ng kasayahan ay napawi sa lupa.
12 Naguho na ang buong lunsod,
ang pinto nito'y nagkadurug-durog.
13 Ganyan din ang mangyayari sa lahat ng bansa sa buong daigdig;
parang puno ng olibo matapos lagasin ang bunga,
tulad ng ubasan matapos ang anihan.
14 Silang nakaligtas ay aawit dahil sa kagalakan,
mula sa kanluran ay kanilang dadakilain si Yahweh.
15 Pupurihin siya doon sa silangan,
at ipagbubunyi ang pangalan ni Yahweh,
ang Diyos ng Israel, sa baybayin ng dagat.
16 May awit ng pagpupuring maririnig, maging sa pinakamalalayong dulo ng daigdig,
bilang papuri sa Diyos na Matuwid.
Ngunit ang sabi ko naman, “Nalulungkot ako.
Nasasayang lamang ang panahon. Wala na akong pag-asa.
Patuloy ang panlilinlang ng mga taksil.
Palala nang palala ang kanilang pagtataksil.”
17 Mga tao sa daigdig, naghihintay sa inyo
ang matinding takot, malalim na hukay, at nakaumang na bitag.
18 Sinumang tumakas dahil sa takot,
sa balong malalim, doon mahuhulog.
Pag-ahon sa balon na kinahulugan,
bitag ang siyang kasasadlakan.
Sapagkat mabubuksan ang durungawan ng langit,
at mauuga ang pundasyon ng daigdig.
19 Ang daigdig ay tuluyang mawawasak,
sa lakas ng uga ito'y mabibiyak.
20 Ang lupa'y tulad ng lasenggong pasuray-suray
at kubong maliit na hahapay-hapay,
sa bigat ng kasalanang kanyang tinataglay,
tiyak na babagsak ang sandaigdigan at hindi na babangon magpakailanman.
21 Darating ang araw na paparusahan ni Yahweh
ang hukbo ng kasamaan sa himpapawid,
gayundin ang mga hari dito sa daigdig.
22 Tulad ng mga bilanggo,
ihuhulog silang sama-sama sa isang malalim na balon;
ikukulong sila sa piitang bakal,
at paparusahan pagkaraan ng maraming araw.
23 Mawawala ang liwanag ng araw at buwan,
at maghahari si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
sa Bundok ng Zion, at sa Jerusalem.
Doo'y mahahayag ang kanyang kaluwalhatian, sa harap ng mga pinuno ng bayan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.