Isaias 24
Ang Biblia, 2001
Hahatulan ng Panginoon ang mga Bansa
24 Gigibain ng Panginoon ang lupa at ito'y sisirain,
at pipilipitin niya ang ibabaw nito at ang mga naninirahan doon ay pangangalatin.
2 At kung paano sa mga tao, gayon sa pari;
kung paano sa alipin, gayon sa kanyang panginoon;
kung paano sa alilang babae, gayon sa kanyang panginoong babae;
kung paano sa mamimili, gayon sa nagbibili;
kung paano sa nagpapahiram, gayon sa manghihiram;
kung paano sa nagpapautang, gayon sa mangungutang.
3 Lubos na mawawalan ng laman ang lupa, at lubos na masisira;
sapagkat ang salitang ito ay sa Panginoon mula.
4 Ang lupa ay tumatangis at natutuyo,
ang sanlibutan ay nanghihina at natutuyo,
ang mapagmataas na bayan sa lupa ay lilipas.
5 Ang lupa ay nadumihan
ng mga doo'y naninirahan,
sapagkat kanilang sinuway ang kautusan,
nilabag ang tuntunin,
sinira ang walang hanggang tipan.
6 Kaya't nilamon ng sumpa ang lupa,
at silang naninirahan doon ay nagdurusa dahil sa kanilang pagkakasala,
kaya't nasunog ang mga naninirahan sa lupa,
at kakaunting tao ang nalabi.
7 Ang alak ay tumatangis,
ang puno ng ubas ay nalalanta,
lahat ng masayang puso ay nagbubuntong-hininga.
8 Ang saya ng mga alpa ay tumigil,
ang ingay nila na nagagalak ay nagwakas,
ang galak ng lira ay huminto.
9 Sila'y hindi magsisiinom ng alak na may awitan;
ang matapang na alak ay nagiging mapait sa kanila na nagsisiinom niyon.
10 Ang lunsod na magulo ay bumagsak.
Bawat bahay ay nasarhan, upang walang taong makapasok doon.
11 May sigawan sa mga lansangan dahil sa kakulangan sa alak;
lahat ng kagalakan ay natapos na,
sa lupa ay nawala ang kasayahan.
12 Naiwan sa lunsod ang pagkawasak,
at ang pintuan ay winasak.
13 Sapagkat ganito ang mangyayari sa lupa
sa gitna ng mga bansa,
kapag inuga ang isang punong olibo,
gaya ng pamumulot ng ubas pagkatapos ng pag-aani.
14 Inilakas nila ang kanilang mga tinig, sila'y umawit sa kagalakan,
dahil sa kadakilaan ng Panginoon ay sumigaw sila mula sa kanluran.
15 Kaya't mula sa silangan ay luwalhatiin ninyo ang Panginoon;
sa mga pulo ng dagat, ang pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
16 Mula sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa ay nakarinig kami ng mga awit ng papuri,
ng kaluwalhatian sa Matuwid.
Ngunit aking sinabi, “Nanghihina ako,
nanghihina ako, kahabag-habag ako!
Sapagkat ang mga taksil ay gumagawa ng kataksilan.
Ang mga taksil ay gumagawang may lubhang kataksilan.”
17 Ang takot, ang hukay, at ang bitag ay nasa iyo,
O naninirahan sa lupa.
18 Siyang tumatakas sa tunog ng pagkasindak
ay mahuhulog sa hukay;
at siyang umaakyat mula sa hukay
ay mahuhuli sa bitag.
Sapagkat ang mga bintana ng langit ay nakabukas,
at ang mga pundasyon ng lupa ay umuuga.
19 Ang lupa ay lubos na nagiba,
ang lupa ay lubos na nasira,
ang lupa ay marahas na niyanig.
20 Pagiray-giray na parang taong lasing ang lupa,
ito'y gumigiray na parang dampa;
at ang kanyang paglabag ay nagiging mabigat sa kanya,
at ito'y bumagsak, at hindi na muling babangon pa.
21 At sa araw na iyon, parurusahan ng Panginoon
ang hukbo ng langit, sa langit,
at ang mga hari sa lupa, sa ibabaw ng lupa.
22 At sila'y matitipong sama-sama,
kagaya ng mga bilanggo sa hukay,
sila'y sasarhan sa bilangguan,
at pagkaraan ng maraming araw sila'y parurusahan.
23 Kung magkagayo'y malilito ang buwan,
at ang araw ay mapapahiya;
sapagkat ang Panginoon ng mga hukbo ay maghahari
sa bundok ng Zion at sa Jerusalem;
at sa harapan ng kanyang matatanda ay ihahayag niya ang kanyang kaluwalhatian.