Isaias 23
Ang Biblia, 2001
Ang Pahayag tungkol sa Tiro at Sidon
23 Ang(A) pahayag tungkol sa Tiro.
Tumaghoy kayo, kayong mga sasakyang-dagat ng Tarsis;
sapagkat sira ang Tiro, walang bahay o kanlungan!
Mula sa lupain ng Cyprus
ay inihayag ito sa kanila.
2 Tumahimik kayo, kayong mga naninirahan sa baybayin;
O mga mangangalakal ng Sidon,
ang iyong mga sugo ay nagdaraan sa dagat,
3 at nasa baybayin ng malawak na mga tubig,
ang iyong kinita ay ang binhi ng Sihor,
ang ani ng Nilo,
ikaw ang mangangalakal ng mga bansa.
4 Mahiya ka, O Sidon, sapagkat nagsalita ang dagat,
ang tanggulan ng dagat, na nagsasabi,
“Hindi ako nagdamdam, o nanganak man,
o nag-alaga man ako ng mga binata,
o nagpalaki ng mga dalaga.”
5 Kapag ang balita ay dumating sa Ehipto,
magdadalamhati sila dahil sa balita tungkol sa Tiro.
6 Dumaan kayo sa Tarsis,
umiyak kayo, kayong mga naninirahan sa baybayin!
7 Ito ba ang inyong masayang lunsod,
na mula pa noong unang araw ang pinagmulan,
na dinadala ng kanyang mga paa
upang sa malayo ay manirahan?
8 Sinong nagpanukala nito
laban sa Tiro na siyang nagkakaloob ng mga korona,
na ang mga negosyante ay mga pinuno,
na ang mga mangangalakal ay mararangal sa lupa.
9 Pinanukala ito ng Panginoon ng mga hukbo,
upang hamakin ang kapalaluan ng buong kaluwalhatian,
upang hiyain ang lahat na mararangal sa lupa.
10 Apawan mo ang iyong lupain na gaya ng Nilo,
O anak na babae ng Tarsis;
wala nang pampigil.
11 Kanyang iniunat ang kanyang kamay sa karagatan,
kanyang niyanig ang mga kaharian.
Ang Panginoon ay nag-utos tungkol sa Canaan,
upang gibain ang mga tanggulan.
12 At kanyang sinabi,
“Ikaw ay hindi na magagalak pa,
O ikaw na aping anak na birhen ng Sidon;
bumangon ka, magdaan ka sa Chittim,
doon ma'y hindi ka magkakaroon ng kapahingahan.”
13 Tingnan mo ang lupain ng mga Caldeo! Ito ay ang bayan; hindi ito ang Asiria. Itinalaga nila ang Tiro para sa maiilap na hayop. Kanilang itinayo ang kanilang mga muog, giniba nila ang kanyang mga palasyo, kanyang ginawa siyang isang guho.
14 Tumangis kayo, kayong mga sasakyang-dagat ng Tarsis,
sapagkat ang inyong tanggulan ay giba.
15 At sa araw na iyon ang Tiro ay malilimutan sa loob ng pitumpung taon, gaya ng mga araw ng isang hari. Pagkatapos ng pitumpung taon ay mangyayari sa Tiro ang gaya sa awit ng masamang babae:[a]
16 “Kumuha ka ng alpa,
lumibot ka sa lunsod,
ikaw na masamang babaing nalimutan!
Gumawa ka ng matamis na himig,
umawit ka ng maraming awit,
upang ikaw ay maalala.”
17 Sa katapusan ng pitumpung taon, dadalawin ng Panginoon ang Tiro, at siya'y babalik sa kanyang pangangalakal, at magiging masamang babae sa lahat ng kaharian ng sanlibutan sa ibabaw ng lupa.
18 At ang kanyang kalakal at ang kanyang upa ay itatalaga sa Panginoon. Hindi ito itatago o iimbakin man, kundi ang kanyang paninda ay magbibigay ng saganang pagkain at magarang pananamit para sa mga namumuhay na kasama ng Panginoon.
Footnotes
- Isaias 23:15 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .