Add parallel Print Page Options

Ang Mensahe Tungkol sa Egipto at sa Etiopia

20 Ayon sa utos ni Haring Sargon ng Asiria, sinalakay ng kumander ng mga sundalo ng Asiria ang Ashdod, at naagaw nila ito. Bago ito nangyari, sinabi ng Panginoon kay Isaias na anak ni Amoz, “Hubarin mo ang iyong damit na panluksa at tanggalin mo ang iyong sandalyas.” Ginawa ito ni Isaias, at palakad-lakad siyang nakahubad at nakayapak.

Sinabi ng Panginoon, “Ang lingkod kong si Isaias ay palakad-lakad nang hubad at nakayapak sa loob ng tatlong taon. Itoʼy isang babala para sa Egipto at Etiopia.[a] Sapagkat bibihagin ng hari ng Asiria ang mga taga-Egipto at mga taga-Etiopia,[b] bata man o matanda. Bibihagin sila nang hubad at nakayapak. Makikita ang kanilang puwit, at talaga ngang mapapahiya ang mga Egipcio. Ang mga umaasa sa Etiopia at ipinagmamalaki ang Egipto ay manlulupaypay at mapapahiya. Sa araw na mangyari iyon, sasabihin ng mga Filisteo,[c] ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa mga bansang ating inaasahan at hinihingan ng tulong para tayoʼy maligtas sa hari ng Asiria. Paano na tayo maliligtas?’ ”

Footnotes

  1. 20:3 Etiopia: sa Hebreo, Cush.
  2. 20:4 taga-Etiopia: sa Hebreo, taga-Cush.
  3. 20:6 Filisteo: sa literal, naninirahan sa tabing-dagat.

20 Nang taong dumating ang punong-kawal sa Asdod, na isinugo ni Sargon na hari ng Asiria, at siya'y nakipaglaban doon at nasakop iyon,

nang panahong iyon ay nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Isaias na anak ni Amoz, na sinasabi, “Ikaw ay humayo, at kalagin mo ang damit-sako sa iyong mga balakang, at hubarin mo ang sapin sa iyong paa.” At ginawa niyang gayon at lumakad na hubad at yapak.

At sinabi ng Panginoon, “Kung paanong ang aking lingkod na si Isaias ay lumakad na hubad at yapak sa loob ng tatlong taon bilang tanda at babala sa Ehipto at Etiopia,

gayon ilalayo ng hari ng Asiria ang mga bihag na Ehipcio at taga-Etiopia, bata at matanda, hubad at yapak, at may mga piging nakalitaw, sa ikapapahiya ng Ehipto.

Sila'y manlulupaypay at malilito, dahil sa Etiopia na kanilang pag-asa at sa Ehipto na kanilang ipinagmamalaki.

At ang naninirahan sa baybaying ito ay magsasabi sa araw na iyon, ‘Narito, ito ang nangyari doon sa aming inaasahan at aming tinakbuhan upang hingan ng tulong upang makalaya sa hari sa Asiria! At kami, paano kami makakatakas?’”

'Isaias 20 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.