Isaias 20
Magandang Balita Biblia
Paparusahan ang Egipto at Etiopia
20 Noong taon na ang Asdod ay salakayin at sakupin ng pinakamataas na heneral na sinugo ni Haring Sargon ng Asiria, 2 sinabi ni Yahweh kay Isaias na anak ni Amoz, “Hubarin mo ang iyong damit-panluksa at mag-alis ka ng sandalyas.” Gayon nga ang ginawa ni Isaias at lumakad siyang hubad at nakayapak. 3 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh, “Kung paanong ang lingkod kong si Isaias ay tatlong taóng lumalakad na hubad at nakayapak, bilang tanda ng mga mangyayari sa Egipto at Etiopia,[a] 4 gayundin bibihagin ng hari ng Asiria ang mga Egipcio at mga taga-Etiopia. Matanda't bata'y kakaladkaring nakayapak at hubad na ang mga pigi ay nakalabas. O anong laking kahihiyan sa Egipto! 5 Dahil dito'y manlulumo at masisiraan ng loob ang lahat ng nagtiwala sa Etiopia na kanilang inaasahan at sa Egipto na kanilang ipinagmamalaki. 6 Sa araw na iyon, sasabihin ng mga naninirahan sa baybaying-dagat, ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa mga bansang ating inaasahan! Sila pa naman ang inaasahan nating magtatanggol sa atin laban sa hari ng Asiria! Paano na tayo makakaligtas ngayon?’”
Footnotes
- Isaias 20:3 ETIOPIA: Sa wikang Hebreo ay “Cus”; sakop ng lugar na ito ang mga kasalukuyang bansa ng Etiopia at Sudan.
Isaias 20
Ang Dating Biblia (1905)
20 Nang taong dumating si Tartan kay Asdod, nang suguin siya ni Sargon na hari sa Asiria, at siya'y makipaglaban kay Asdod, at sakupin niya;
2 Nang panahong yaon ay nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Isaias na anak ni Amoz, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, at kalagin mo ang kayong magaspang sa iyong mga balakang, at maghubad ka ng iyong panyapak sa iyong paa. At ginawa niyang gayon na lumakad na hubad at walang panyapak.
3 At sinabi ng Panginoon, Kung paanong ang aking lingkod na si Isaias ay lumakad na hubad at walang panyapak na tatlong taon na pinakatanda at pinakakamanghaan sa Egipto at sa Etiopia;
4 Gayon ihahatid ng hari sa Asiria ang mga bihag sa Egipto, at ang mga tapon sa Etiopia, bata at matanda, hubad at walang panyapak, at may mga pigi na litaw, sa ikapapahiya ng Egipto.
5 At sila'y manganglulupaypay at mangapapahiya, dahil sa Etiopia na kanilang pagasa at sa Egipto na kanilang kaluwalhatian.
6 At ang nananahan sa baybaying ito ay mangagsasabi sa araw na yaon, Narito, gayon na lamang ang aming pagasa, na aming tinakasan na hiningan ng tulong upang makalaya sa hari sa Asiria: at kami paanong makatatanan?
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
