Isaias 2
Ang Dating Biblia (1905)
2 Ang salita na naalaman ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem.
2 At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng Panginoon ay matatatag sa taluktok ng mga bundok, at magiging mataas sa mga burol; at lahat ng bansa ay magsisiparoon doon.
3 At maraming bayan ay magsisiyaon at mangagsasabi, Halina kayo, at tayo'y magsiahon sa bundok ng Panginoon, sa bahay ng Dios ni Jacob; at tuturuan niya tayo ng kaniyang mga daan, at tayo'y magsisilakad sa kaniyang mga landas: sapagka't mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng Panginoon ay mula sa Jerusalem.
4 At siya'y hahatol sa gitna ng mga bansa, at sasaway sa maraming tao: at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o mangagaaral pa man sila ng pakikipagdigma.
5 Oh sangbahayan ni Jacob, halikayo, at tayo'y magsilakad sa liwanag ng Panginoon.
6 Sapagka't iyong binayaan ang iyong bayan na sangbahayan ni Jacob, sapagka't sila'y puspos ng mga kaugaliang mula sa silanganan, at mga enkantador gaya ng mga Filisteo, at sila'y nangakikipagkamay sa mga anak ng mga taga ibang lupa.
7 Ang kanilang lupain naman ay puno ng pilak at ginto, ni walang wakas ang kanilang mga kayamanan; ang kanila namang lupain ay puno ng mga kabayo, ni walang katapusang bilang ang kanilang mga karo.
8 Ang kanila namang lupain ay puno ng mga diosdiosan; kanilang sinasamba ang gawa ng kanilang sariling mga kamay, na ginawa ng kanilang sariling mga daliri.
9 At ang taong hamak ay yumuyuko, at ang mataas na tao ay nabababa: kaya't huwag mong patawarin sila.
10 Pumasok ka sa malaking bato, at magkubli ka sa alabok, sa kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan.
11 Ang mga tinging mapagmataas ng tao ay mabababa, at ang mga pagmamataas ng mga tao ay mahuhutok, at ang Panginoon magisa ay mabubunyi sa kaarawang yaon.
12 Sapagka't magkakaroon ng isang kaarawan ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat na palalo at mapagmataas, at sa lahat na nagmamataas; at yao'y mabababa:
13 At sa lahat ng cedro ng Libano, na matayog at mataas, at sa lahat ng encina ng Basan;
14 At sa lahat ng matataas na bundok, at sa lahat ng mga burol na nangataas;
15 At sa bawa't matayog na moog, at sa bawa't kutang nababakod:
16 At sa lahat ng mga sasakyang dagat ng Tarsis, at sa lahat ng maligayang bagay.
17 At ang kahambugan ng tao ay huhutukin, at ang mga pagmamataas ng mga tao ay mabababa: at ang Panginoon magisa ay mabubunyi sa kaarawang yaon.
18 At ang mga diosdiosan ay mapapawing lubos.
19 At ang mga tao ay magsisipasok sa mga yungib ng malalaking bato, at sa mga puwang ng lupa, sa harap ng kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan, pagka siya'y bumangon upang yaniging may kapangyarihan ang lupa.
20 Sa kaarawang yaon ay ihahagis ng mga tao ang kanilang mga diosdiosang pilak, at ang kanilang mga diosdiosang ginto, na kanilang ginawa upang sambahin, sa yungib ng mga bilig at ng mga paniki;
21 Upang pumasok sa mga puwang ng malalaking bato, at sa mga bitak ng mga malaking bato, sa harap ng kakilabutan sa Panginoon, at sa kaluwalhatian ng kaniyang kamahalan, pagka siya'y bumangon upang yaniging may kapangyarihan ang lupa.
22 Layuan ninyo ang tao, na ang hinga ay nasa kaniyang mga butas ng ilong: sapagka't sa ano pahahalagahan siya?
Isaias 2
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Kapayapaan sa Mundo(A)
2 Ito ang ipinahayag ng Dios kay Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem:
2 Sa mga huling araw, ang bundok na kinatatayuan ng templo ng Panginoon ay magiging pinakamahalaga sa lahat ng bundok.
Dadagsa rito ang mga tao mula sa ibaʼt ibang bansa.
3 Sasabihin nila, “Tayo na sa bundok ng Panginoon, sa templo ng Dios ni Jacob.
Tuturuan niya tayo roon ng kanyang mga pamamaraan upang sundin natin.”
Kaya magsisiuwi ang mga tao mula sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem, na dala ang Kautusan ng Panginoon.
4 At sa pamamagitan ng mga kautusan niya, pagkakasunduin niya ang maraming bansa.
Kaya hindi na magdidigmaan ang mga bansa, at hindi na rin sila magsasanay ng mga sundalo para sa digmaan.
Gagawin na lang nilang talim ng araro ang kanilang mga espada, at karit na pantabas ang kanilang mga sibat.
5 Halikayo, mga lahi ni Jacob, mamuhay tayo sa katotohanan,[a] na ibinigay sa atin ng Panginoon.
Ang Araw na Magpaparusa ang Dios
6 Totoong itinakwil nʼyo, Panginoon, ang mga mamamayan ninyo, ang lahi ni Jacob, dahil naniniwala sila sa mga pamahiing mula sa silangan at sa mga manghuhula, gaya ng mga Filisteo. Sinusunod nila ang pag-uugali ng mga dayuhan. 7 Sagana sa pilak at ginto ang lupain ng Israel, at hindi nauubos ang kanilang kayamanan. Napakarami nilang kabayo, at hindi mabilang ang mga karwahe nila. 8 Marami silang dios-diosan, at sinasamba nila ang mga bagay na ito na sila mismo ang gumawa. 9 Kaya Panginoon, ibagsak nʼyo ang bawat isa sa kanila, nang mapahiya sila. Huwag nʼyo silang patatawarin.
10 Mga taga-Israel, tumakas kayo papunta sa mga kweba at mga hukay para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan. 11 Darating ang araw na tanging ang Panginoon lamang ang pupurihin. Ibabagsak niya ang mayayabang at mga mapagmataas. 12 Sapagkat nagtakda ang Panginoong Makapangyarihan ng araw kung kailan niya ibabagsak ang mga mayayabang at mapagmataas, at ang mga nag-aakalang silaʼy makapangyarihan. 13 Puputulin niya ang lahat ng matataas na puno ng sedro sa Lebanon at ang lahat ng puno ng ensina sa Bashan. 14 Papantayin niya ang lahat ng matataas na bundok at burol, 15 at wawasakin ang lahat ng matataas na tore at pader. 16 Palulubugin niya ang lahat ng barko ng Tarshish at ang mga naggagandahang sasakyang pandagat. 17 Ibabagsak nga niya ang mayayabang at mga mapagmataas. Tanging ang Panginoon ang maitataas sa araw na iyon. 18 At tuluyan nang mawawala ang mga dios-diosan.
19 Kapag niyanig na niya ang mundo, tatakas ang mga tao papunta sa mga kweba sa burol at sa mga hukay sa lupa para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan. 20 Sa araw na iyon, itatapon nila sa mga daga at mga paniki ang mga rebulto nilang pilak at ginto na ginawa nila para sambahin. 21 Tatakas nga sila papunta sa mga kweba sa burol at sa malalaking bato para magtago sa galit ng Panginoon at sa kanyang kapangyarihan kapag niyanig na niya ang mundo.
22 Huwag kayong magtitiwala sa tao. Mamamatay lang din sila. Ano ba ang magagawa nila?
Footnotes
- 2:5 katotohanan: sa literal, liwanag.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®