Isaias 15
Magandang Balita Biblia
Wawasakin ng Diyos ang Moab
15 Ito(A) ang pahayag tungkol sa Moab:
Noong gabing gibain ang Ar,
gumuho na ang Moab,
noong gabing wasakin ang Kir,
bumagsak na ang Moab.
2 Umahon sa mga templo ang mga taga-Dibon,[a]
upang sa mga burol sila ay manangis;
iniiyakan ng Moab ang Nebo at Medeba.
Bawat isa sa kanila'y nagpakalbo
at nag-ahit ng balbas dahil sa pagdadalamhati.
3 Lahat ay nagluluksa sa mga lansangan,
nanaghoy sila sa mga bubungan ng bahay
at sa mga liwasang-bayan.
4 Nananaghoy ang Hesbon at ang Eleale,
dinig hanggang Jahaz ang kanilang iyakan,
nasisindak pati mga mandirigma ng Moab,
silang mga kawal, ngayo'y naduduwag.
5 Nahahabag ako sa Moab,
nagsisitakas ang kanyang mamamayan
patungo sa lupain ng Zoar, hanggang Eglat-selisiya.
Lumuluha silang umahon sa gulod ng Luhit,
humahagulgol sa daang patungo sa Horonaim,
dahil sa kapahamakang kanilang sinapit.
6 Natuyo ang mga batis ng Nimrim,
natuyo ang mga damo, natigang ang mga kaparangan,
walang natirang sariwang halaman.
7 Kaya itinawid nila sa kabila ng Batis Herabim
ang lahat nilang kayamanan at ari-arian.
8 Laganap sa buong Moab ang iyakan,
abot sa Eglaim ang hagulgulan,
dinig na dinig hanggang sa Beer-elim.
9 Pumula sa dugo ang mga batis ng Dibon;
ngunit may iba pang sakunang inihanda ko para sa kanya:
Papatayin ng leon ang lahat ng matitira sa Moab.
Footnotes
- Isaias 15:2 mga taga-Dibon: Sa ibang manuskrito'y mga tao at ang Dibon .
Isaias 15
Ang Dating Biblia (1905)
15 Ang hula tungkol sa Moab. Sapagka't sa isang gabi ang Ar ng Moab ay nagiba, at nawalan ng kabuluhan; sapagka't sa isang gabi ay nagiba ang Kir ng Moab, at nawalan ng kabuluhan.
2 Siya'y umahon sa Bayith, at sa Dibon, sa mga mataas na dako, upang umiyak: ang Moab ay umaangal sa Nebo, at sa Medeba: lahat nilang ulo ay kalbo, bawa't balbas ay gupit.
3 Sa kanilang mga lansangan ay nangagbibigkis sila ng kayong magaspang: sa kanilang mga bubungan, at sa kanilang mga luwal na dako, umaangal ang bawa't isa, na umiiyak ng di kawasa.
4 At ang Hesbon ay humihiyaw, at ang Eleale; ang kanilang tinig ay naririnig hanggang sa Jahas: kaya't ang mga lalaking nangasasakbatan sa Moab ay nagsihiyaw ng malakas; ang kaniyang kalooban ay nagugulumihanan.
5 Ang aking puso ay dumadaing dahil sa Moab, ang kaniyang mga mahal na tao ay nagsisitakas sa Zoar, sa Eglat-selisiyah: sapagka't sa ahunan sa Luhith ay nagsisiahon silang may iyakan: sapagka't sa daan ng Horonaim ay nagsisihagulhol sila sa kapahamakan.
6 Sapagka't ang tubig ng Nimrim ay natuyo, sapagka't ang damo ay natuyo, ang sariwang damo ay nalalanta, walang sariwang bagay.
7 Kaya't ang kasaganaan na kanilang tinamo, at ang kanilang tinipon, ay kanilang dadalhin sa mga batis ng mga kahoy na sauce.
8 Sapagka't ang daing ay lumilipana sa mga hangganan ng Moab; ang angal niya ay hanggang sa Eglaim, at ang angal niya ay hanggang sa Beer-elim.
9 Sapagka't ang tubig ng Dimon ay nahaluan ng dugo: sapagka't magpapasapit pa ako sa Dimon ng isang leon na nakatanan sa Moab, at sa nalabi sa lupain.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.