Isaias 14
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Pagbabalik mula sa Pagkabihag
14 Ngunit muling mahahabag si Yahweh sa sambahayan ni Jacob at muli niyang hihirangin ang bayang Israel. Papatirahin niya sila sa sarili nilang bayan at may mga dayuhan ring darating at maninirahang kasama ng sambahayan ni Jacob. 2 Tutulungan ang Israel ng ibang mga bansa upang makabalik sa sariling lupain at paglilingkuran nila ang mga Israelita bilang mga alipin. Magiging bihag ng mga Israelita ang mga dating bumihag sa kanila at masasakop nila ang noo'y nagpapahirap sa kanila.
3 Sa araw na pagpahingahin kayo ni Yahweh sa inyong paghihirap, pagtitiis at pagkaalipin, 4 hahamakin ninyo nang ganito ang hari ng Babilonia:
“Bumagsak na ang malupit na hari!
Hindi na siya makapang-aaping muli.
5 Winakasan na ni Yahweh ang kapangyarihan ng masama,
ang tagapamahala,
6 na walang awang nagpahirap sa mga tao,
buong lupit na naghari sa mga bansang kanilang sinakop.
7 Natahimik din sa wakas ang buong lupa,
at ang mga tao'y nag-aawitan sa tuwa.
8 Tuwang-tuwa ang mga sipres
at ang mga sedar ng Lebanon dahil sa nangyari sa hari.
Sinasabi nila: ‘Ngayong ikaw ay wala na,
wala na ring puputol sa amin.’
9 Ang daigdig ng mga patay ay abala sa iyong pagdating;
ito'y naghahanda upang ikaw ay salubungin;
ginising niya ang mga kaluluwa upang batiin ka,
ng mga dating makapangyarihan sa daigdig.
Pinatayo niya mula sa kanilang trono
ang hari ng mga bansa.
10 Lahat sila ay magsasabi sa iyo:
‘Ikaw pala'y naging mahina ring tulad namin!
At sinapit mo rin ang aming sinapit!’
11 Noo'y pinaparangalan ka ng tugtog ng alpa,
ngayo'y narito ka na sa daigdig ng mga patay.
Uod ang iyong hinihigan
at uod rin ang iyong kinukumot.”
12 “O(A) Maningning na Bituin sa umaga,
anak ng Bukang-liwayway!
Bumagsak ka rin sa lupa, at nahulog mula sa langit.
Ikaw na nagpasuko sa mga bansa!
13 Hindi(B) ba't sinabi mo sa iyong sarili?
‘Aakyat ako sa langit;
at sa ibabaw ng mga bituin ng Diyos,
ilalagay ko ang aking trono.
Uupo ako sa ibabaw ng bundok
na tagpuan ng mga diyos sa malayong hilaga.
14 Aakyat ako sa ibabaw ng mga ulap,
papantayan ko ang Kataas-taasan.’
15 Ngunit anong nangyari at nahulog ka sa daigdig ng mga patay?
Sa kalalimang walang hanggan?
16 Pagmamasdan ka ng mga patay
at magtatanong ang mga ito:
‘Hindi ba ang taong ito ang nagpayanig sa lupa,
at nagpabagsak sa mga kaharian?
17 Hindi ba't winasak niya ang buong daigdig,
at nilupig ang mga lunsod,
ang taong ayaw palayain ang mga bilanggo?
18 Lahat ng hari ng mga bansa'y mahihimlay
sa magagara nilang puntod.
19 Ngunit ikaw ay hindi ililibing sa iyong libingan,
ang bangkay mo'y itatapon na parang sangang walang kabuluhan.
Tatabunan ka ng mga bangkay ng mga napatay sa digmaan.
Ihuhulog kang kasama ng mga iyon sa mabatong hukay,
matutulad ka sa bangkay na tinatapak-tapakan.
20 Hindi ka malilibing na tulad ng ibang hari,
sapagkat winasak mo ang iyong sariling bayan
at nilipol mo ang iyong sariling nasasakupan.
Walang makakaligtas sa iyong masamang sambahayang tulad mo.
21 Simulan na ang paglipol sa kanyang mga anak
dahil sa kasalanan ng kanilang ama!
Hindi na sila muling maghahari sa mundo,
o maninirahan sa mga lunsod sa lupa.’”
Wawasakin ng Diyos ang Babilonia
22 Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Uusigin ko sila, at uubusin ko ang natitira sa kanilang lahi. Buburahin ko rin ang pangalan ng Babilonia. 23 Gagawin ko siyang isang latian, at tirahan ng mga kuwago. Wawalisin ko siya at pupuksain,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Wawasakin ng Diyos ang Asiria
24 Sumumpa(C) si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat:
“Mangyayari ang aking balak,
matutupad ang aking layon;
25 lilipulin ko ang mga taga-Asiria sa aking lupain,
dudurugin ko siya sa aking kabundukan.
Palalayain ko ang aking bayan sa kanilang pang-aalipin,
at sa mabigat na pasaning kanilang dinadala.
26 Ito ang gagawin ko sa buong daigdig,
paparusahan ko na ang lahat ng bansa.”
27 Sino ang tututol sa pasya ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat?
Sino ang pipigil sa kanyang pagpaparusa?
Wawasakin ng Diyos ang mga Filisteo
28 Ang(D) mensaheng ito'y nahayag noong taóng mamatay si Haring Ahaz.
29 Huwag(E) mo munang ipagdiwang, bayang Filistia,
ang pagkabali ng pamalong inihampas sa iyo,
sapagkat sa lahi ng ahas maaaring lumitaw ang ulupong,
at mag-aanak ito ng lumilipad na dragon.
30 Ang mga mahihirap ay bibigyan ko ng pagkain,
at ang mga nangangailanga'y panatag na mamamahinga;
pababayaan kong mamatay ng gutom ang iyong lahi,
at lilipulin ko ang matitira.
31 Manangis kayo buong bayan, managhoy ang lahat ng mga lunsod ninyo;
manginig kayo sa takot, Filistia.
Pumapailanlang ang alikabok mula sa dakong hilaga,
sapagkat dumarating na ang matatapang na kawal.
32 Ano ang isasagot sa mga mensahero ng bansang iyon?
“Si Yahweh ang nagtatag ng Zion,
at ang mga kawawang nagdurusa sa kanyang bayan,
nakakasumpong ng matibay na tanggulan.”
Isaias 14
Ang Dating Biblia (1905)
14 Sapagka't ang Panginoon ay maaawa sa Jacob, at kaniyang pipiliin pa ang Israel, at ilalagay sila sa kanilang sariling lupain: at ang taga ibang lupa ay lalakip sa kanila, at sila'y masasanib sa sangbahayan ni Jacob.
2 At kukunin sila ng mga tao, at dadalhin sila sa kanilang dako: at aariin sila ng sangbahayan ng Israel sa lupain ng Panginoon, na mga pinakaaliping lalake at babae: at kanilang bibihagin sila, na nagsibihag sa kanila; at mangagpupuno sila sa mga mamimighati sa kanila.
3 At mangyayari, sa araw na bibigyan ka ng Panginoon ng kapahingahan sa iyong kapanglawan, at sa iyong kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod sa iyo,
4 Na iyong gagamitin ang talinghagang ito laban sa hari sa Babilonia, at iyong sasabihin, Kung paano ang mamimighati ay naglikat! ang bayang ginto ay naglikat!
5 Binali ng Panginoon ang tungkod ng masama, ang cetro ng mga pinuno;
6 Siya na sumakit ng mga tao sa poot ng walang likat na bugbog, na nagpuno sa mga bansa sa galit, na may pag-uusig na hindi pinigil ng sinoman.
7 Ang buong lupa ay nasa katiwasayan, at tahimik: sila'y biglang nagsisiawit.
8 Oo, ang mga puno ng cipres ay nagagalak dahil sa iyo, at ang mga cedro sa Libano, na nangagsasabi, Mula nang ikaw ay malugmok wala nang mamumutol na umaahon laban sa amin.
9 Ang Sheol mula sa ibaba ay nakikilos sa iyo upang salubungin ka sa iyong pagdating; nangapupukaw ang mga patay dahil sa iyo, sa makatuwid baga'y ang lahat na pinakapangulo sa lupa; nagsitindig mula sa kanilang mga luklukan ang lahat ng hari ng mga bansa.
10 Silang lahat ay magsisisagot at mangagsasabi sa iyo, Pati ba ikaw ay naging mahinang gaya namin? ikaw ba'y naging gaya namin?
11 Ang iyong kahambugan ay nababa sa Sheol pati ng tunog ng iyong mga biola: ang uod ay nangangalat sa ilalim mo, at tinatakpan ka ng mga uod.
12 Ano't nahulog ka mula sa langit, Oh tala sa umaga, anak ng umaga! paanong ikaw ay lumagpak sa lupa, ikaw na siyang nagpahina sa mga bansa!
13 At sinabi mo sa iyong sarili, Ako'y sasampa sa langit, aking itataas ang aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Dios; at ako'y uupo sa bundok ng kapisanan, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hilagaan:
14 Ako'y sasampa sa itaas ng mga kaitaasan ng mga alapaap; ako'y magiging gaya ng Kataastaasan.
15 Gayon ma'y mabababa ka sa Sheol, sa mga kaduluduluhang bahagi ng hukay.
16 Silang nangakakakita sa iyo ay magsisititig sa iyo, kanilang mamasdan ka, na mangagsasabi, Ito baga ang lalake na nagpayanig ng lupa, na nagpauga ng mga kaharian;
17 Na ginawang gaya ng ilang ang sanglibutan, at gumiba ng mga bayan nito; na hindi nagpakawala ng kaniyang mga bilanggo upang magsiuwi?
18 Lahat ng mga hari ng mga bansa, silang lahat, nangatutulog sa kaluwalhatian, bawa't isa'y sa kaniyang sariling bahay.
19 Nguni't ikaw ay natapon mula sa iyong libingan na gaya ng kasuklamsuklam na sanga, gaya ng bihisan ng mga patay, na tinaga ng tabak, na bumaba sa mga bato ng hukay: gaya ng bangkay na nayapakan ng paa.
20 Ikaw ay hindi malalakip sa kanila sa libingan, sapagka't iyong sinira ang iyong lupain, iyong pinatay ang iyong bayan; ang angkan ng mga manggagawa ng kasamaan ay hindi lalagi magpakailan man.
21 Mangaghanda kayo na pumatay sa kanilang mga anak dahil sa kasamaan ng kanilang mga magulang; upang sila'y huwag magsibangon, at ariin ang lupain, at punuin ang ibabaw ng lupa ng mga bayan.
22 At ako'y babangon laban sa kanila, sabi ng Panginoon ng mga hukbo, at ihihiwalay ko sa Babilonia ang pangalan at ang nalabi, at ang anak at ang anak ng anak, sabi ng Panginoon.
23 Akin namang gagawing pinakaari ng hayop na erizo, at mga lawa ng tubig: at aking papalisin ng pangpalis na kagibaan, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
24 Ang Panginoon ng mga hukbo ay sumumpa, na nagsabi, Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking pinanukala, gayon mananayo:
25 Na aking lalansagin ang taga Asiria sa aking lupain, at sa aking mga bundok ay yayapakan ko siya sa ilalim ng paa; kung magkagayo'y mahihiwalay ang kaniyang atang sa kanila, at ang ipinasan niya ay mahihiwalay sa kanilang balikat.
26 Ito ang panukala na aking pinanukala sa buong lupa: at ito ang kamay na umunat sa lahat ng mga bansa.
27 Sapagka't pinanukala ng Panginoon ng mga hukbo, at sinong wawala ng kabuluhan? at ang kaniyang kamay na nakaunat, at sinong maguurong?
28 Nagkaroon ng hulang ito nang taong mamatay ang haring Achaz.
29 Ikaw ay huwag magalak, ikaw na buong Filistia, sa pagkabali ng pamalo na sumakit sa iyo: sapagka't sa ahas ay lalabas ang ulupong, at ang kaniyang anak ay magiging mabangis na ahas na lumilipad.
30 At ang panganay ng dukha ay kakain, at ang mapagkailangan ay mahihigang tiwasay: at aking papatayin ng gutom ang iyong angkan, at ang nalabi sa iyo ay papatayin.
31 Ikaw ay umungal, Oh pintuang-bayan; ikaw ay humiyaw, Oh bayan; ikaw ay napugnaw, Oh ikaw na buong Filistia; sapagka't lumalabas ang usok na mula sa hilagaan, at walang malalabi sa kaniyang mga takdang panahon.
32 Ano nga ang isasagot sa mga sugo ng bansa? Na itinayo ng Panginoon ang Sion, at doon nanganganlong ang nagdadalamhati sa kaniyang bayan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
