Isaias 13
Ang Biblia, 2001
Ang Babala Laban sa Babilonia
13 Ang(A) pahayag tungkol sa Babilonia na nakita ni Isaias na anak ni Amoz.
2 Maglagay kayo ng isang hudyat sa bundok na walang tanim,
sumigaw kayo nang malakas sa kanila,
inyong senyasan ng kamay, upang sila'y magsipasok
sa mga pintuang-bayan ng mga mahal na tao.
3 Aking inutusan ang aking mga itinalaga,
aking ipinatawag ang aking mga mandirigma, ang aking mga anak na nagsasayang may pagmamalaki,
upang isagawa ang aking galit.
4 Pakinggan ninyo ang ingay sa mga bundok,
na gaya ng napakaraming tao!
Pakinggan ninyo ang ingay ng mga kaharian,
ng mga bansa na nagtitipon!
Tinitipon ng Panginoon ng mga hukbo
ang hukbo para sa pakikipaglaban.
5 Sila'y nagmumula sa malayong lupain,
mula sa dulo ng kalangitan,
ang Panginoon at ang mga sandata ng kanyang galit,
upang wasakin ang buong lupain.
6 Manangis(B) kayo, sapagkat ang araw ng Panginoon ay malapit na;
ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat!
7 Kaya't lahat ng kamay ay manghihina,
at bawat puso ng tao ay manlulumo,
8 at sila'y mababalisa.
Mga pagdaramdam at mga kapanglawan ang daranasin nila;
sila'y maghihirap na gaya ng babaing nanganganak.
Sila'y magtitinginan na nanghihilakbot
ang kanilang mga mukha ay magliliyab.
9 Tingnan ninyo, ang araw ng Panginoon ay dumarating,
mabagsik, na may poot at mabangis na galit;
upang gawing wasak ang lupa,
at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyon.
10 Sapagkat(C) ang mga bituin ng langit at ang mga buntala nito,
ay hindi magbibigay ng kanilang liwanag;
ang araw ay magdidilim sa kanyang pagsikat,
at hindi ibibigay ng buwan ang kanyang liwanag.
11 Aking parurusahan ang sanlibutan dahil sa kanilang kasamaan,
at ang masasama dahil sa kanilang kabuktutan;
at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo,
at aking ibababa ang kapalaluan ng malulupit.
12 Aking gagawin na mas bihira ang mga tao kaysa dalisay na ginto,
at ang sangkatauhan kaysa ginto ng Ofir.
13 Kaya't aking yayanigin ang kalangitan,
at ang lupa ay yayanigin mula sa kanyang dako,
sa poot ng Panginoon ng mga hukbo,
at sa araw ng kanyang mabangis na galit.
14 At gaya ng isang usang hinahabol,
o gaya ng mga tupa na walang magtitipon sa kanila,
bawat tao ay babalik sa kanyang sariling bayan,
at bawat isa ay tatakas patungo sa kanyang sariling lupain.
15 Bawat matagpuan ay uulusin,
at bawat mahuli ay mabubuwal sa tabak.
16 Ang kanilang mga sanggol ay pagluluray-lurayin
sa harapan ng kanilang mga mata;
ang kanilang mga bahay ay pagnanakawan,
at ang kanilang mga asawa ay gagahasain.
17 Tingnan ninyo, aking kinikilos ang mga taga-Media laban sa kanila,
na hindi nagpapahalaga sa pilak,
at hindi nalulugod sa ginto.
18 Papatayin ng kanilang mga pana ang mga binata;
at sila'y hindi maaawa sa bunga ng bahay-bata;
ang kanilang mata ay hindi mahahabag sa mga bata.
19 At(D) ang Babilonia, ang kaluwalhatian ng mga kaharian,
ang kariktan at ipinagmamalaki ng mga Caldeo,
ay magiging gaya ng Sodoma at Gomorra
kapag ibinagsak sila ng Diyos.
20 Hindi ito matitirahan kailanman,
ni matitirahan sa lahat ng mga salinlahi,
ni magtatayo roon ng tolda ang taga-Arabia,
ni pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang kawan.
21 Kundi(E) maiilap na hayop sa ilang ang magsisihiga roon,
at ang kanilang mga bahay ay mapupuno ng mga hayop na nagsisiungal;
at mga avestruz ay maninirahan doon,
at ang mga demonyong kambing ay magsasayaw doon.
22 At ang mga asong-gubat ay magsisihiyaw sa kanilang mga muog,
at ang mga chakal sa magagandang palasyo;
at ang kanilang panahon ay malapit nang sumapit,
at ang kanilang mga araw ay hindi pahahabain.