Isaias 11
Ang Biblia, 2001
Mapayapang Kaharian
11 May(A) usbong na lalabas mula sa tuod ni Jesse,
at sisibol ang isang sanga mula sa kanyang mga ugat.
2 At ang Espiritu ng Panginoon ay sasakanya,
ang diwa ng karunungan at ng unawa,
ang diwa ng payo at ng kapangyarihan,
ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon;
3 at ang kanyang kalulugdan ay ang takot sa Panginoon.
Hindi siya hahatol ng ayon sa nakikita ng kanyang mga mata,
ni magpapasiya man ng ayon sa narinig ng kanyang mga tainga.
4 Kundi(B) sa katuwiran ay hahatulan niya ang dukha,
at magpapasiya na may karampatan para sa maaamo sa lupa.
Sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kanyang bibig,
at sa hinga ng kanyang mga labi ay kanyang papatayin ang masama.
5 Katuwiran(C) ang magiging bigkis ng kanyang baywang,
at katapatan ang pamigkis ng kanyang mga balakang.
6 At(D) ang asong-gubat ay maninirahang kasama ng kordero,
at mahihigang kasiping ng batang kambing ang leopardo,
ang guya, ang batang leon, at ang patabain ay magkakasama;
at papatnubayan sila ng munting bata.
7 Ang baka at ang oso ay manginginain;
ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping;
at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka.
8 Ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas,
at ang batang kahihiwalay sa suso ay isusuot ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong.
9 Hindi(E) sila mananakit o maninira man
sa aking buong banal na bundok:
sapagkat ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon,
gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.
10 At(F) sa araw na iyon ang ugat ni Jesse ay tatayo bilang sagisag ng mga bayan, siya ay hahanapin ng mga bansa; at ang kanyang tirahan ay magiging maluwalhati.
11 At sa araw na iyon ay muling iuunat ng Panginoon ang kanyang kamay upang mabawi ang nalabi sa kanyang bayan, mula sa Asiria, Ehipto, Patros, Etiopia, mula sa Elam, Shinar, Hamat, at mula sa mga lupain sa baybayin ng dagat.
12 Siya'y maglalagay ng sagisag para sa mga bansa,
at titipunin niya ang mga ipinatapon mula sa Israel,
at titipunin ang mga nangalat ng Juda
mula sa apat na sulok ng lupa.
13 Ang paninibugho ng Efraim ay maaalis,
ang panliligalig ng Juda ay tatanggalin,
ang Efraim ay hindi maninibugho sa Juda,
at ang Juda ay hindi manliligalig sa Efraim.
14 Ngunit sila'y lulusob sa mga Filisteo sa kanluran,
at magkasamang mananamsam sila sa mga tao ng silangan.
Kanilang iuunat ang kanilang kamay sa Edom at sa Moab;
at susundin sila ng mga anak ni Ammon.
15 At(G) lubos na wawasakin ng Panginoon
ang dila ng dagat ng Ehipto;
at iwawasiwas ang kanyang kamay sa Ilog
ng kanyang nakakapasong hangin,
at gagawing pitong daluyan,
at gumawa ng daan upang makaraang naglalakad;
16 at magkakaroon ng isang lansangan mula sa Asiria,
para sa nalabi sa kanyang bayan,
gaya ng nangyari sa Israel
nang araw na sila'y umahon mula sa lupain ng Ehipto.
Isaias 11
Ang Biblia (1978)
Ang sanga mula sa ugat ni Isai.
11 At may lalabas na usbong sa puno ni (A)Isai, at isang (B)sanga mula sa kaniyang mga ugat ay magbubunga:
2 At ang Espiritu ng Panginoon ay (C)sasa kaniya, ang (D)diwa ng karunungan at ng kaunawaan, ang diwa ng payo at ng katibayan, ang diwa ng kaalaman at ng takot sa Panginoon;
3 At ang kaniyang kaluguran ay magiging sa pagkatakot sa Panginoon: at (E)hindi siya hahatol ng ayon sa paningin ng kaniyang mga mata, ni sasaway man ng ayon sa pakinig ng kaniyang mga tainga:
4 (F)Kundi hahatol siya ng katuwiran sa dukha, at sasaway na may karampatan dahil sa mga maamo sa lupa: at (G)sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kaniyang bibig, at ng hinga ng kaniyang mga labi ay kaniyang papatayin ang masama.
5 At katuwiran ang (H)magiging bigkis ng kaniyang baywang, at pagtatapat ang pamigkis ng kaniyang mga balakang.
6 At ang lobo ay tatahang (I)kasama ng kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing; at ang guya, at ang batang leon, at ang patabain na magkakasama; at papatnubayan sila ng munting bata.
7 At ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping: at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka.
8 At ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas, at isusuot ng batang kahihiwalay sa suso ang kaniyang kamay sa lungga ng ulupong.
9 Hindi sila magsisipanakit (J)o magsisipanira man sa aking buong banal na bundok: sapagka't (K)ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng Panginoon, gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.
10 At (L)mangyayari, sa araw na yaon na ang angkan ni Isai, na tumatayong (M)pinakawatawat ng mga bayan, hahanapin ng mga bansa; at ang kaniyang (N)pahingahang dako ay magiging maluwalhati.
Muling titipunin ng Panginoon ang mga nangalat sa Israel.
11 At (O)mangyayari, sa araw na yaon, na ilalapag ng Panginoon uli ang kaniyang kamay na ikalawa upang mabawi ang nalabi sa kaniyang bayan na malalabi, mula sa Asiria, at mula sa Egipto, at mula sa (P)Patros, at mula sa (Q)Cus, at mula sa (R)Elam, at mula sa Sinar, at mula sa (S)Amath, at mula sa mga (T)pulo ng dagat.
12 (U)At siya'y maglalagay ng pinakawatawat sa mga bansa, at titipunin niya (V)ang mga tapon ng Israel, at pipisanin ang mga nangalat ng Juda mula sa apat na sulok ng lupa.
13 Ang inggit naman ng Ephraim ay (W)maaalis, at ang mga lumiligalig ng Juda ay mahihiwalay: ang Ephraim ay hindi maiinggit sa Juda, at ang Juda ay hindi liligalig sa Ephraim.
14 At sila'y lulusob sa mga Filisteo sa kalunuran; magkasamang sasamsam sila sa mga anak ng silanganan: kanilang iuunat ang kanilang kamay sa Edom at sa Moab; at susundin sila ng mga anak ni Ammon.
15 At lubos na (X)sisirain ng Panginoon ang look ng dagat ng Egipto; at iwawaswas ang kaniyang kamay (Y)sa Ilog ng kaniyang malakas na hangin, at papagpipituhing batis, at palalakarin ang mga tao na hindi basa ang mga paa.
16 (Z)At magkakaroon ng isang lansangan sa nalabi sa kaniyang bayan, na malalabi, mula sa Asiria; (AA)gaya ng nagkaroon sa Israel ng araw na siya'y umahon mula sa lupain ng Egipto.
Isaias 11
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Mapayapang Kaharian
11 Ang maharlikang angkan ni David[a] ay parang punong pinutol. Pero kung papaanong ang tuod ay nagkakaroon ng usbong, darating din ang isang bagong hari mula sa angkan ni David. 2 Mananatili sa kanya ang Espiritu ng Panginoon at magbibigay ito sa kanya ng karunungan, pang-unawa, kakayahan sa pagpaplano, kapangyarihan, kaalaman, at takot sa Panginoon. 3 Magiging kagalakan niya ang pagsunod sa Panginoon. Hindi siya mamumuno at hahatol batay lang sa kanyang nakita o narinig sa iba. 4 Bibigyan niya ng katarungan ang mga mahihirap at ipagtatanggol ang kanilang mga karapatan. Sa pamamagitan ng kanyang salita, parurusahan niya ang mga tao sa mundo at mamamatay ang masasamang tao. 5 Paiiralin niya ang katarungan at katapatan, ito ang magiging pinakasinturon niya.
6 Magiging lubos ang kapayapaan sa kanyang paghahari. Ang asong lobo ay maninirahang kasama ng tupa. Mahihigang magkakasama ang kambing at leopardo. Magsasama ang guya at batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila ay mga batang paslit. 7 Magkasamang kakain ang baka at ang oso, at ang mga anak nila ay magkakatabing hihiga. Ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka. 8 Kahit maglaro ang mga paslit sa tabi ng lungga ng makamandag na ahas, o kahit na isuot nila ang kamay nila sa lungga nito, hindi sila mapapahamak. 9 Walang mamiminsala o gigiba sa Zion, ang banal kong bundok. Sapagkat magiging laganap sa buong mundo ang pagkilala sa Panginoon katulad ng karagatan na puno ng tubig.
10 Darating ang araw at isisilang ang bagong hari mula sa lahi ni David na magsisilbing hudyat sa mga bansa para magtipon sila. Magtitipon sila sa kanya, at magiging maluwalhati ang lugar na tinitirhan niya. 11 Sa araw na iyon, muling gagamitin ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan para pauwiin ang mga natitira sa mga mamamayan niya na dinalang bihag sa Asiria, Egipto, Patros, Etiopia,[b] Elam, Babilonia, Hamat at sa iba pang malalayong lugar. 12 Itataas ng Panginoon ang isang bandila para ipakita sa mga bansa na tinitipon na niya ang mga mamamayan ng Israel at Juda mula sa ibaʼt ibang dako ng mundo. 13 Mawawala na ang inggit ng Israel sa Juda at ang galit ng Juda sa Israel. 14 Magkasama silang lulusob sa mga Filisteo sa kanluran. Lulusubin din nila ang mga bansa sa silangan at sasamsamin ang mga ari-arian ng mga ito. Sasakupin nila ang Edom at Moab, at ang mga Ammonita ay magpapasakop din sa kanila. 15 Patutuyuin ng Panginoon ang Dagat ng Egipto at paiihipin ang mainit na hangin sa Ilog ng Eufrates para maging pitong maliliit na daluyan ng tubig na matatawid ng taong naglalakad. 16 Kung paanong may malapad na daan na dinaanan ng mga mamamayan ng Israel noong umalis sila sa Egipto, mayroon ding malapad na daan para sa mga natitira niyang mga mamamayan sa Asiria.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
