Hukom 5
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Awit ni Debora at ni Barak
5 Nang araw na iyon na silaʼy nanalo, umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam. Ito ang awit nila:
2 Purihin ang Panginoon! Sapagkat ang mga pinuno ng Israel ay nangunang lumaban at kusang-loob na sumunod ang mga mamamayan.
3 Makinig kayong mga hari at mga pinuno!
Aawit ako ng mga papuri sa Panginoon, ang Dios ng Israel!
4 O Panginoon, nang umalis kayo sa Bundok ng Seir,
at nang lumabas kayo sa lupain ng Edom,
ang mundoʼy nayanig at umulan nang malakas.
5 Nayanig ang mga bundok sa harapan nʼyo, O Panginoon.
Kayo ang Dios ng Israel na nagpahayag ng inyong sarili sa Bundok ng Sinai.
6 Nang panahon ni Shamgar na anak ni Anat at nang panahon ni Jael, walang dumadaan sa mga pangunahing lansangan.
Ang mga naglalakbay doon ay dumadaan sa mga liku-likong daan.
7 Walang nagnanais tumira sa Israel, hanggang sa dumating ka, Debora, na kinikilalang ina ng Israel.
8 Nang sumamba ang mga Israelita sa mga bagong dios, dumating sa kanila ang digmaan.
Pero sa 40,000 Israelita ay wala ni isang may pananggalang o sibat man.
9 Nagagalak ang aking puso sa mga pinuno ng Israel at sa mga Israelita na masayang nagbigay ng kanilang sarili.
Purihin ang Panginoon!
10 Kayong mayayaman na nakasakay sa mga puting asno at nakaupo sa magagandang upuan nito,
at kayong mga mahihirap na naglalakad lang, makinig kayo!
11 Pakinggan nʼyo ang mga salaysay ng mga tao sa paligid ng mga balon.
Isinasalaysay nila ang mga pagtatagumpay[a] ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang mga sundalo sa Israel.
Pagkatapos, nagmartsa ang mga mamamayan ng Panginoon sa may pintuan ng lungsod na nagsasabi,
12 “Tayo na Debora, lumakad tayo habang umaawit ng mga papuri sa Dios.
Tayo na Barak na anak ni Abinoam, hulihin mo ang iyong mga bibihagin.”
13 Ang mga natirang buhay na mga mamamayan ng Panginoon ay kasama kong bumaba para lusubin ang mga kilala at mga makapangyarihang tao.
14 Ang iba sa kanilaʼy nanggaling sa Efraim – ang lupaing pagmamay-ari noon ng mga Amalekita – at ang ibaʼy mula sa lahi ni Benjamin.
Sumama rin sa pakikipaglaban ang mga kapitan ng mga kawal ng Makir at ang lahi ni Zebulun.
15 Sumama rin ang mga pinuno ng lahi ni Isacar kina Debora at Barak papunta sa lambak.
Pero ang lahi naman ni Reuben ay walang pagkakaisa, kaya hindi makapagpasya kung sasama sila o hindi.
16 O lahi ni Reuben, magpapaiwan na lang ba kayo kasama ng mga tupa?
Gusto nʼyo lang bang makinig sa pagtawag ng mga tagapagbantay ng kanilang mga tupa?
Wala talaga kayong pagkakaisa, kaya hindi kayo makapagpasya kung ano ang dapat ninyong gawin.
17 Nagpaiwan din ang lahi ni Gad sa silangan ng Jordan,
at ang lahi ni Dan naman ay nagpaiwan sa trabaho nila sa mga barko.
Ang lahi ni Asher naman ay nagpaiwan sa tinitirhan nila sa tabi ng dagat.
18 Pero itinaya ng lahi nina Zebulun at Naftali ang kanilang buhay sa pakikipaglaban.
19 Dumating ang mga haring Cananeo at nakipaglaban sa mga Israelita sa Taanac na nasa tabi ng Ilog ng Megido,
pero kahit isang pilak ay wala silang nasamsam.
20 Hindi lang ang Israel ang nakipaglaban kay Sisera, kundi pati rin ang mga bituin.
21 Inanod sila sa Lambak ng Kishon, ang napakatagal nang lambak.
Magpapatuloy ako sa pakikipaglaban sa pamamagitan ng lakas ng Panginoon.
22 At ngayon, maririnig ang yabag ng mga paa ng mga kabayo.
23 Pagkatapos, sinabi ng anghel ng Panginoon, “Sumpain ang Meroz!
Sumpain kayong mga naninirahan dito dahil hindi kayo tumulong nang makipaglaban ang Panginoon sa mga makapangyarihang tao.”
24 Higit na mapalad si Jael na asawa ni Heber na Keneo kaysa sa lahat ng babae na nakatira sa mga tolda.
25 Nang humingi ng tubig si Sisera, gatas ang kanyang ibinigay na nakalagay sa mamahaling sisidlan.
26 Pagkatapos, kumuha siya ng martilyo at tulos ng tolda at ipinukpok sa sentido ni Sisera.
27 At namatay si Sisera na nakahandusay sa paanan ni Jael.
28 Nakamasid sa bintana ang ina ni Sisera, na hindi mapakali at nagtatanong kung bakit hindi pa dumadating ang kanyang anak.
29 Sumagot ang mga pinakamatalino sa kanyang mga kababaihan, at ito rin ang paulit-ulit niyang sinasabi sa kanyang sarili,
30 “Baka natagalan sila sa pangunguha at paghahati ng mga bagay na nasamsam nila sa kanilang mga kalaban:
isa o dalawang babae para sa bawat sundalo, mamahaling damit para kay Sisera,
at binurdahang damit na napakaganda para sa akin.”
31 Kaya malipol sana ang lahat ng kalaban mo, O Panginoon.
Pero ang mga nagmamahal sana sa inyo ay matulad sana sa pagsikat ng araw na sobrang liwanag.
At nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng 40 taon.
Footnotes
- 5:11 mga pagtatagumpay: o, mga matuwid na ginawa.
Mga Hukom 5
Ang Biblia, 2001
Ang Awit ni Debora
5 Nang magkagayo'y umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam nang araw na iyon,
2 “Sapagkat ang mga pinuno ay nanguna sa Israel,
sapagkat kusang inihandog ng bayan ang kanilang sarili,
purihin ninyo ang Panginoon!
3 “Makinig kayo, mga hari; pakinggan ninyo, mga prinsipe;
Panginoon ako'y aawit,
ako'y gagawa ng himig sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
4 “ Panginoon, nang ikaw ay lumabas sa Seir,
nang ikaw ay humayo mula sa lupain ng Edom,
ang lupa'y nanginig,
ang langit naman ay nagpatak,
oo, ang mga ulap ay nagpatak ng tubig.
5 Ang(A) mga bundok ay nayanig sa harap ng Panginoon, yaong sa Sinai,
sa harap ng Panginoon, ang Diyos ng Israel.
6 “Sa mga araw ni Shamgar na anak ni Anat,
sa mga araw ni Jael, ang mga paglalakbay ay tumigil,
at ang mga manlalakbay ay bumagtas sa mga lihis na landas.
7 Ang mga magsasaka ay huminto sa Israel, sila'y tumigil,
hanggang sa akong si Debora ay bumangon,
bumangon bilang ina sa Israel.
8 Nang piliin ang mga bagong diyos,
nasa mga pintuang-bayan ang digmaan.
May nakita bang kalasag o sibat
sa apatnapung libo sa Israel?
9 Ang aking puso ay nasa mga pinuno sa Israel,
na kusang-loob na naghandog ng kanilang sarili sa bayan;
purihin ang Panginoon!
10 “Saysayin ninyo, kayong mga nakasakay sa mapuputing asno,
kayong nakaupo sa maiinam na alpombra,
at kayong lumalakad sa daan.
11 Sa tugtog ng mga manunugtog sa mga dakong igiban ng tubig,
doon nila inuulit ang mga tagumpay ng Panginoon,
ang mga tagumpay ng kanyang magbubukid sa Israel.
“Bumaba nga ang bayan ng Panginoon sa mga pintuang-bayan.
12 “Gumising ka, gumising ka, Debora!
Gumising ka, gumising ka, bumigkas ka ng awit!
Bumangon ka, Barak, at ihatid mo ang iyong mga bihag,
ikaw na anak ni Abinoam.
13 Bumaba nga ang nalabi sa mga maharlika;
at ang bayan ng Panginoon ay bumaba dahil sa kanya laban sa mga makapangyarihan.
14 Mula sa Efraim na kanilang ugat, sila ay naghanda patungo sa libis,
sa likuran mo ay ang Benjamin, na kasama ng iyong mga kamag-anak;
sa Makir nagmula ang mga pinuno,
at sa Zebulon ang may hawak ng tungkod ng pinuno;
15 ang mga pinuno sa Isacar ay dumating na kasama ni Debora;
at ang Isacar ay tapat kay Barak,
sa libis ay dumaluhong sila sa kanyang mga sakong.
Sa gitna ng mga angkan ni Ruben,
nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
16 Bakit ka nanatili sa gitna ng mga kulungan ng tupa,
upang makinig ba ng mga pagtawag sa mga kawan?
Sa gitna ng mga angkan ng Ruben,
nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso.
17 Ang Gilead ay nanatili sa kabila ng Jordan;
at ang Dan, bakit siya'y nanatili sa mga barko?
Ang Aser ay nanatili sa mga baybayin ng dagat,
at nanahan sa kanyang mga daong.
18 Ang Zebulon ay isang bayan na nagsuong ng kanilang buhay sa kamatayan,
gayundin ang Neftali sa matataas na dako ng kaparangan.
19 “Ang mga hari ay dumating, sila'y lumaban;
nang magkagayo'y lumaban ang mga hari ng Canaan,
sa Taanac na nasa tabi ng tubig sa Megido;
sila'y hindi nakasamsam ng pilak.
20 Mula sa langit ang mga bituin ay nakipaglaban,
mula sa kanilang paglakad sila'y nakipaglaban kay Sisera.
21 Tinangay sila ng rumaragasang Kishon,
ng rumaragasang agos, ng Ilog Kishon.
Sumulong ka, kaluluwa ko, nang may lakas!
22 “Nang magkagayo'y yumabag ang mga paa ng mga kabayo,
na may pagkaripas, pagkaripas ng kanyang mga kabayong pandigma.
23 “Sumpain si Meroz, sabi ng anghel ng Panginoon,
sumpain nang mapait ang mga naninirahan doon,
sapagkat sila'y hindi dumating upang tumulong sa Panginoon,
upang tumulong sa Panginoon, laban sa makapangyarihan.
24 “Higit na pinagpala sa lahat ng babae si Jael,
ang asawa ni Eber na Kineo,
higit siyang pinagpala sa lahat ng babaing naninirahan sa tolda.
25 Siya'y[a] humingi ng tubig, at binigyan niya ng gatas;
kanyang dinalhan siya ng mantekilya sa maharlikang mangkok.
26 Hinawakan ng kanyang kamay ang tulos ng tolda,
at ng kanyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa;
kanyang pinukpok si Sisera ng isang pukpok,
dinurog niya ang kanyang ulo,
kanyang binasag at tinusok ang kanyang noo.
27 Siya'y nabuwal, siya'y nalugmok,
siya'y bumulagta sa kanyang paanan,
sa kanyang paanan siya ay nabuwal, siya ay nalugmok,
kung saan siya nabuwal, doon siya patay na bumagsak.
28 “Mula sa bintana siya ay dumungaw,
ang ina ni Sisera ay sumigaw sa pagitan ng durungawan:
‘Bakit ang kanyang karwahe ay natatagalang dumating?
Bakit nababalam ang mga yabag ng kanyang mga karwahe?’
29 Ang kanyang mga pinakapantas na babae ay sumagot sa kanya,
siya na rin ang sumagot sa kanyang sarili,
30 ‘Hindi ba sila nakakatagpo at naghahati-hati ng samsam?
Isa o dalawang dalaga, sa bawat lalaki;
kay Sisera ay samsam na damit na may sari-saring kulay,
samsam na sari-saring kulay ang pagkaburda,
dalawang piraso ng kinulayang gawa, binurdahan para sa aking leeg bilang samsam?’
31 “Gayon nalipol ang lahat ng iyong mga kaaway, Panginoon!
Ngunit ang iyong mga kaibigan ay maging tulad ng araw sa pagsikat niya sa kanyang kalakasan.”
At ang lupain ay nagpahinga na apatnapung taon.
Footnotes
- Mga Hukom 5:25 o Si Sisera'y .
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
