Hosea 8
Magandang Balita Biblia
Hinatulan ni Yahweh ang Israel
8 Sinabi ni Yahweh, “Hipan mo ang trumpeta!
Dumarating ang isang agila sa bayan ng Diyos,
sapagkat sumira sa tipan ang aking bayan,
at nilabag nila ang aking kautusan.
2 Tumangis ngayon ang Israel sa akin,
‘Tulungan mo kami, sapagkat ikaw ang aming Diyos.’
3 Ngunit tinalikuran na ng Israel ang kabutihan;
kaya't hahabulin sila ng kanilang kaaway.
4 “Pumili sila ng mga hari nang wala akong pahintulot;
naglagay sila ng mga pinuno, ngunit hindi naman ayon sa aking kagustuhan.
Ginawa nilang diyus-diyosan ang kanilang pilak at ginto
na nagdala sa kanila sa kapahamakan.
5 Kinasusuklaman ko ang guyang sinasamba ng mga taga-Samaria.
Napopoot ako sa kanila.
Hanggang kailan pa sila mananatili sa karumihan?
6 Ang diyus-diyosang iyan ay mula sa Israel!
Ang guyang iyan ay ginawa ng tao, at iya'y hindi Diyos.
Ang guya ng Samaria ay magkakadurug-durog.
7 “Naghahasik sila ng hangin,
at ipu-ipo ang kanilang aanihin.
Ang mga nakatayong trigo'y walang uhay,
kaya't walang makukuhang harina.
At kung magbunga man iyon,
kakainin lamang ng mga dayuhan.
8 Nilalamon na ang Israel;
naroon na sila sa gitna ng mga bansa
bilang kasangkapang walang kabuluhan.
9 Sapagkat naparoon sila sa Asiria,
gaya ng asnong naggagalang mag-isa.
Ang Efraim nama'y umupa ng mga mangingibig.
10 Bagama't humingi sila ng tulong sa ibang mga bansa,
ngayo'y titipunin ko silang lahat.
Hindi magtatagal at sila'y daraing
dahil sa pahirap ng hari at ng mga pinuno.
11 “Ang mga altar na ginawa sa Efraim,
ang siya ring nagparami ng inyong mga sala.
12 Sumulat man ako ng sampung libong kautusan,
ito'y pagtatawanan lang nila at tatanggihan.
13 Nag-aalay sila ng handog sa akin;
at ang karneng handog, kanila mang kainin,
hindi pa rin ito kalugud-lugod sa akin.
Gugunitain niya ngayon ang kanilang kalikuan,
at paparusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan;
sila'y magbabalik sa lupain ng Egipto.
14 Kinalimutan ng Israel ang lumikha sa kanya,
at nagtayo siya ng mga palasyo.
Ang Juda nama'y nagparami ng mga lunsod na may pader,
subalit lalamunin ng apoy ang kanilang mga lunsod at mga palasyo.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.