Hosea 7
Magandang Balita Biblia
7 Nais ko sanang pagalingin ang Israel,
ngunit nakikita ko naman ang kabulukan ng Efraim,
at ang masasamang gawa ng Samaria.
Sila'y manlilinlang, magnanakaw at tulisan.
2 Hindi nila naiisip na hindi ko nakakalimutan
ang lahat ng kanilang masasamang gawain.
Sila'y lipos ng kasamaan,
at nakikita ko ang lahat ng ito.”
Sabwatan sa Palasyo
3 “Napapaniwala nila ang hari sa kanilang kasamaan,
at maging ang mga pinuno ay kanilang nalinlang.
4 Lahat sila'y mangangalunya;
para silang nag-aapoy na pugon
na pinababayaan ng panadero,
mula sa panahon ng pagmamasa hanggang sa panahon ng pag-alsa.
5 Nang dumating ang araw ng ating hari,
nalasing sa alak ang mga pinuno,
at pati ang hari'y nakipag-inuman sa mga manlilibak.
6 Nag-aalab[a] na parang pugon ang kanilang mga puso;
pawang kasamaan ang kanilang binabalak.
Magdamag na nag-aalimpuyo ang kanilang galit,
at kinaumagaha'y nagliliyab na parang apoy.
7 Lahat sila'y parang pugon na nag-iinit sa galit,
pinatay nila ang kanilang mga pinuno.
Bumagsak ang lahat ng mga hari nila;
at wala ni isa mang nakaisip na sa aki'y tumawag.”
Ang Israel at ang mga Bansa
8 “Nakikisama ang Efraim sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosan;
ang katulad nila'y tinapay na hindi lubusang luto.
9 Inuubos ng mga dayuhan ang lakas ni Efraim,
ngunit hindi niya ito namamalayan.
Pumuputi ang kanyang buhok,
at hindi niya ito napapansin.
10 Ang kapalaluan ng Israel ang magpapahamak sa kanila.
Gayunman, ayaw nilang manumbalik kay Yahweh na kanilang Diyos,
ayaw nilang hanapin ang kanilang Diyos.
11 Ang Efraim ay katulad ng isang kalapati,
mangmang at walang pang-unawa;
tumatawag sa Egipto, at sumasangguni sa Asiria.
12 Sa kanilang pag-alis, lambat ko sa kanila'y ihahagis,
huhulihin ko sila na parang mga ibon sa papawirin.
Paparusahan ko sila dahil sa masasama nilang gawain.
13 “Mapapahamak sila dahil sa paglayo sa akin!
Lilipulin sila sapagkat naghimagsik sila laban sa akin!
Tutubusin ko sana sila,
ngunit nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin.
14 Tumatangis sila sa kanilang mga higaan,
ngunit hindi taos puso ang kanilang pagtawag sa akin.
Sinasaktan nila ang sarili dahil sa pagkain at sa alak,
pagkatapos ay naghihimagsik sila laban sa akin.
15 Bagama't sinanay ko sila at pinalakas,
nagbalak pa sila ng masama laban sa akin.
16 Humihingi sila ng tulong kay Baal;
ang katulad nila'y taksil na mandirigma.
Masasawi sa espada ang mga pinuno nila
dahil sa kanilang palalong dila.
Ito ang dahilan ng panlilibak sa kanila sa lupain ng Egipto.”
Footnotes
- Hosea 7:6 Nag-aalab: Sa ibang manuskrito'y Lumalapit sila .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.