Hosea 2
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
2 “Kaya tawagin ninyo ang inyong kapwa Israelita na ‘Aking mga mamamayan’[a] at ‘Kinaawaan.’ ”[b]
Sumama sa Ibang Lalaki si Gomer
2 “Mga anak, sawayin ninyo ang inyong ina dahil iniwan na niya ako na kanyang asawa. Sabihin ninyo na dapat tigilan na niya ang pangangalunya. 3 Kung hindi siya titigil ay huhubaran ko siya, at ang kahubaran niya ay gaya noong siya ay isinilang. Gagawin ko siyang parang disyerto o ilang, at pababayaang mamatay sa uhaw. 4-5 At kayong mga anak niya ay hindi ko kaaawaan, dahil mga anak kayo ng babaeng nangangalunya. Nakakahiya ang ginagawa ng inyong inang nagsilang sa inyo. Sinabi pa niya, ‘Hahabulin ko ang aking mga lalaki na nagbibigay sa akin ng pagkain, tubig, telang lana at linen, langis, at inumin.’
6 “Kaya babakuran ko siya ng matitinik na mga halaman para hindi siya makalabas. 7 Habulin man niya ang kanyang mga lalaki, hindi niya maaabutan. Hahanapin niya sila pero hindi rin niya makikita. Pagkatapos, sasabihin niya, ‘Babalik na lang ako sa asawa ko dahil higit na mabuti ang kalagayan ko noon sa piling niya kaysa sa ngayon.’
8 “Hindi niya naisip na ako ang nagbigay sa kanya ng mga butil, ng bagong katas ng ubas, langis, at maraming pilak at ginto na ginawang rebulto ni Baal na kanilang dios-diosan. 9 Kaya pagdating ng tag-ani ay babawiin ko ang mga butil at ang bagong katas ng ubas na aking ibinigay. Babawiin ko rin ang mga telang lana at linen na ibinigay ko na sanaʼy pantakip sa kanyang kahubaran. 10 At ngayon, ilalantad ko ang kanyang kahalayan sa harap ng kanyang mga lalaki, at walang makapagliligtas sa kanya mula sa aking mga kamay. 11 Wawakasan ko na ang lahat ng espesyal na araw ng pagsamba na ginagawa niya taun-taon, buwan-buwan, at linggu-linggo.[c] 12 Sisirain ko ang mga ubasan niya at mga puno ng igos na ibinayad daw sa kanya ng kanyang mga lalaki. Gagawin ko itong parang gubat at kakainin ng mga mababangis na hayop sa gubat ang mga bunga nito. 13 Parurusahan ko siya dahil may mga panahong nagsusunog siya ng mga insenso sa dios-diosang si Baal. Nagsuot siya ng mga alahas at humabol sa kanyang mga lalaki, at kinalimutan niya ako. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
14 “Pero masdan mo, dadalhin ko siya sa ilang at muling liligawan hanggang sa mapaibig ko siyang muli. 15 Pagbalik namin, ibabalik ko sa kanya ang mga ubasan niya, at ang Lambak ng Acor[d] ay gagawin kong daanan na magpapaalala ng magandang kinabukasan. At sasagutin niya ako katulad ng ginawa niya noong panahon ng kanyang kabataan, noong kinuha ko siya sa lupain ng Egipto.”
16 Sinabi ng Panginoon sa mga Israelita, “Sa araw na iyon ng inyong pagbabalik sa akin, tatawagin ninyo ako na inyong asawa at hindi na ninyo ako tatawaging Baal.[e] 17 Hindi ko na hahayaang banggitin ninyo ang mga pangalan ni Baal. 18 Sa araw na iyon, makikipagkasundo ako sa lahat ng uri ng hayop na huwag nila kayong sasaktan. Aalisin ko sa lupain ng Israel ang lahat ng sandata tulad ng mga pana at espada. At dahil wala nang digmaan, matutulog kayong ligtas at payapa.
19 “Ituturing ko kayong asawa magpakailanman. Gagawin ko sa inyo ang matuwid at tama. Mamahalin ko kayo at kaaawaan. 20 Itatalaga ko sa inyo ang aking sarili nang buong katapatan, at kikilalanin na ninyo ako bilang Panginoon. 21 Sa araw na iyon, sasagutin ko ang mga dalangin ninyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. Magpapadala ako ng ulan upang tumubo sa lupa 22 ang mga trigo, ubas, at mga olibo para sa inyo na tinatawag na Jezreel.[f] 23 Patitirahin ko kayo sa inyong lupain bilang mga mamamayan ko. Kaaawaan ko kayong tinatawag na Lo Ruhama,[g] at tatawagin ko kayong aking mga mamamayan kayong tinatawag na Lo Ami.[h] At sasabihin ninyo na ako ang inyong Dios.”
Footnotes
- 2:1 Aking mga mamamayan: sa Hebreo, Ami.
- 2:1 Kinaawaan: sa Hebreo, Ruhama.
- 2:11 buwan-buwan, at linggu-linggo: sa literal, Pista ng Pagsisimula ng Buwan at Araw ng Pamamahinga.
- 2:15 Acor: Ang ibig sabihin, kaguluhan.
- 2:16 Baal: Pangalan ito ng isang dios-diosan sa Canaan na ipinangalan din ng mga Israelita sa Panginoon. Ang Baal ay nangangahulugan din na “amo”.
- 2:22 Jezreel: Sina Jezreel (talatang 22), Lo Ruhama at Lo Ami (talatang 23) ay mga anak nina Hoseas at Gomer (1:3-9), pero ang kanilang mga pangalan dito ay mga tawag sa Israel.
- 2:23 Lo Ruhama: Ang ibig sabihin, hindi kinaawaan.
- 2:23 Lo Ami: Ang ibig sabihin, hindi ko mga mamamayan.
Hoseas 2
Ang Biblia, 2001
Ang Taksil na si Gomer—Ang Taksil na Israel
2 Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalaki, Ammi;[a] at sa inyong mga kapatid na babae, Ruhama.[b]
2 Makipagtalo kayo sa inyong ina, makipagtalo kayo;
sapagkat siya'y hindi ko asawa,
at ako ay hindi niya asawa;
na alisin niya ang kanyang pagiging bayarang babae[c] sa kanyang mukha,
at ang kanyang pangangalunya sa pagitan ng kanyang mga suso.
3 Kung hindi'y huhubaran ko siya,
at ilalantad ko siya na gaya nang araw na siya'y ipanganak,
at gagawin ko siyang parang isang ilang,
at gagawin ko siyang parang isang tigang na lupa,
at papatayin ko siya sa uhaw.
4 Sa kanyang mga anak ay hindi rin ako mahahabag;
sapagkat sila'y mga anak sa pagiging bayarang babae.
5 Sapagkat ang kanilang ina ay bayarang babae;
siya na naglihi sa kanila ay gumawa ng kahiyahiya.
Sapagkat kanyang sinabi, “Ako'y susunod sa aking mga mangingibig;
na nagbibigay sa akin ng aking tinapay at tubig,
ng aking lana, lino, langis at ng inumin ko.”
6 Kaya't narito, babakuran ko ang kanyang daan ng mga tinik,
at ako'y gagawa ng pader laban sa kanya
upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas.
7 Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig
ngunit sila'y hindi niya aabutan;
at sila'y hahanapin niya,
ngunit sila'y hindi niya matatagpuan.
Kung magkagayo'y sasabihin niya, “Ako'y hahayo
at babalik sa aking unang asawa;
sapagkat mas mabuti ang kalagayan ko noon kaysa ngayon.
8 Sapagkat hindi niya nalaman
na ako ang nagbigay sa kanya
ng trigo, alak, at langis,
at nagpasagana sa kanya ng pilak
at ginto na kanilang ginamit para kay Baal.
9 Kaya't aking babawiin
ang aking trigo sa panahon ng pag-aani,
at ang aking alak sa panahon niyon,
at aking kukunin ang aking lana at ang aking lino
na sana'y itatakip sa kanyang kahubaran.
10 At ngayo'y aking ililitaw ang kanyang kahalayan
sa paningin ng kanyang mga mangingibig
at walang magliligtas sa kanya mula sa aking kamay.
11 Wawakasan ko ang lahat niyang mga pagsasaya,
ang kanyang mga kapistahan, ang kanyang mga bagong buwan, ang kanyang mga Sabbath,
at lahat ng kanyang mga takdang pagpupulong.
12 At aking wawasakin ang kanyang mga puno ng ubas, at ang kanyang mga puno ng igos,
na siya niyang sinasabi,
“Ang mga ito ang aking kabayaran
na ibinigay sa akin ng aking mga mangingibig.”
At ang mga iyon ay aking gagawing isang gubat,
at lalamunin ang mga ito ng hayop sa kaparangan.
13 Aking parurusahan siya dahil sa mga araw ng mga Baal,
nang pagsunugan niya ang mga ito ng insenso,
at nang siya'y naggayak ng kanyang mga hikaw at mga hiyas,
at sumunod sa kanyang mga mangingibig,
at kinalimutan ako, sabi ng Panginoon.
Ang Pag-ibig ng Panginoon sa Kanyang Bayan
14 Kaya't akin siyang aakitin,
at dadalhin siya sa ilang,
at malambing ko siyang kakausapin.
15 At(A) doon ko ibibigay sa kanya ang kanyang mga ubasan,
at gagawin kong pintuan ng pag-asa ang Libis ng Acor.
Siya'y aawit doon, gaya ng mga araw ng kanyang kabataan,
at gaya ng araw nang siya'y umahon mula sa lupain ng Ehipto.
16 Sa araw na iyon, sabi ng Panginoon, tatawagin mo akong “Asawa ko;” at hindi mo na ako tatawaging, “Baal ko!”
17 Sapagkat aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kanyang bibig, at sila'y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan.
18 Sa araw na iyon ay igagawa kita ng pakikipagtipan sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na gumagapang sa lupa; at aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang digmaan sa lupain, at pahihigain kita nang tiwasay.
19 At gagawin kitang asawa ko magpakailanman; gagawin kitang asawa ko sa katuwiran at sa katarungan, sa tapat na pag-ibig at sa kaawaan.
20 Gagawin kitang asawa ko sa katapatan; at makikilala mo ang Panginoon.
21 Sa araw na iyon, ako'y sasagot, sabi ng Panginoon,
ako'y sasagot sa langit,
at sila'y sasagot sa lupa;
22 at ang lupa'y sasagot sa trigo, sa bagong alak, at sa langis;
at sila'y sasagot sa Jezreel.
23 At(B) aking ihahasik siya para sa akin sa lupa;
at ako'y mahahabag sa kanya na hindi nagtamo ng kahabagan.
At aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, “Ikaw ay aking bayan”;
at siya'y magsasabi, “Ikaw ay aking Diyos.”
Footnotes
- Hoseas 2:1 o Bayan ko .
- Hoseas 2:1 o Ang kinahabagan .
- Hoseas 2:2 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw .
Hosea 2
Ang Dating Biblia (1905)
2 Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalake, Ammi; at sa inyong mga kapatid na babae ay, Ruhama.
2 Makipagtalo kayo sa inyong ina, makipagtalo kayo; sapagka't siya'y hindi ko asawa, ni ako man ay kaniyang asawa; at alisin niya ang kaniyang pagpapatutot sa kaniyang mukha, at ang kaniyang mga pangangalunya sa pagitan ng kaniyang mga suso;
3 Baka siya'y aking hubaran, at aking ilagay siya na gaya ng araw na siya'y ipanganak, at gawin ko siyang parang isang ilang, at ilagay ko siyang parang isang tuyong lupa, at patayin ko siya sa uhaw;
4 Oo, sa kaniyang mga anak ay hindi ako magdadalang habag; sapagka't sila'y mga anak sa patutot.
5 Sapagka't ang kanilang ina ay nagpatutot; siya na naglihi sa kanila ay gumawa ng kahiyahiya; sapagka't kaniyang sinabi, Ako'y susunod sa mga mangingibig sa akin, na nangagbibigay sa akin ng aking tinapay at ng aking tubig, ng aking lana at ng aking lino, ng langis ko at ng inumin ko.
6 Kaya't, narito, aking babakuran ng mga tinik ang iyong daan, at ako'y gagawa ng bakod laban sa kaniya, na hindi niya, masusumpungan ang kaniyang mga landas.
7 At siya'y susunod sa mga mangingibig sa kaniya, nguni't hindi niya sila aabutan; at hahanapin niya sila, nguni't hindi niya sila masusumpungan; kung magkagayo'y sasabihin niya, Ako'y yayaon at babalik sa aking unang asawa; sapagka't naging mabuti sa akin kay sa ngayon.
8 Sapagka't hindi niya naalaman na ako ang nagbigay sa kaniya ng trigo, at ng alak, at ng langis, at nagpaparami sa kaniya ng pilak at ginto, na kanilang ginamit kay Baal.
9 Kaya't aking babawiin ang aking trigo sa panahon niyaon, at ang aking alak sa panahon niyaon, at aking aalisin ang aking lana at ang aking lino na sana'y tatakip sa kaniyang kahubaran.
10 At ngayo'y aking ililitaw ang kaniyang kahalayan sa paningin ng mga mangingibig sa kaniya, at walang magliligtas sa kaniya mula sa aking kamay.
11 Akin din namang papaglilikatin ang kaniyang mga kalayawan, ang kaniyang mga kapistahan, ang kaniyang mga bagong buwan, at ang kaniyang mga sabbath, at lahat ng kaniyang takdang kapulungan.
12 At aking iwawasak ang kaniyang mga puno ng ubas, at ang kaniyang mga puno ng higos, na siya niyang sinasabi, Ang mga ito ang aking kaupahan na ibinigay sa akin ng mga mangingibig sa akin; at ang mga yao'y aking gagawing isang gubat, at kakanin ng mga hayop sa parang.
13 At aking dadalawin sa kaniya ang mga kaarawan ng mga Baal, na siya niyang pinagsusunugan ng kamangyan, nang siya'y nagpaparanya ng kaniyang mga hikaw at kaniyang mga hiyas, at sumusunod sa mga mangingibig sa kaniya, at kinalilimutan ako, sabi ng Panginoon.
14 Kaya't, narito, akin siyang hihikayatin, at dadalhin siya sa ilang, at pagsasalitaan ko siyang may pagaliw.
15 At ibibigay ko sa kaniya ang kaniyang mga ubasan mula roon, at ang libis ng Achor na pinakapintuan ng pagasa; at siya'y sasagot doon, gaya ng mga kaarawan ng kaniyang kabataan, at gaya ng araw na siya'y sumampa mula sa lupain ng Egipto.
16 At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, na tatawagin mo akong Ishi, at hindi mo na ako tatawaging Baali.
17 Sapagka't aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kaniyang bibig, at siya'y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan.
18 At sa araw na yaon ay ipakikipagtipan ko sila sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na nagsisiusad sa lupa: at aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang pagbabaka sa lupain, at akin silang pahihigaing tiwasay.
19 At ako'y magiging asawa mo magpakailan man; oo, magiging asawa mo ako sa katuwiran, at sa kahatulan, at sa kagandahang-loob, at sa mga kaawaan.
20 Magiging asawa mo rin ako sa pagtatapat; at iyong makikilala ang Panginoon.
21 At mangyayari sa araw na yaon, na ako'y sasagot, sabi ng Panginoon, ako'y sasagot sa langit, at sila'y magsisisagot sa lupa;
22 At ang lupa'y sasagot sa trigo, at sa alak, at sa langis; at sila'y magsisisagot sa Jezreel.
23 At aking itatatag siya para sa akin sa lupa; at ako'y magdadalang habag sa kaniya na hindi nagtamo ng kahabagan; at aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, Ikaw ay aking bayan; at siya'y magsasabi, Ikaw ay aking Dios.
Oseas 2
Ang Biblia (1978)
Ang hindi pagtatapat ng bayan ay parurusahan.
2 Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalake, Ammi;[a] at sa inyong mga kapatid na babae ay, Ruhama.[b]
2 Makipagtalo kayo sa inyong ina, makipagtalo kayo; (A)sapagka't siya'y hindi ko asawa, ni ako man ay kaniyang asawa; at alisin niya ang kaniyang pagpapatutot sa kaniyang mukha, at ang kaniyang mga pangangalunya sa pagitan ng kaniyang mga suso;
3 (B)Baka siya'y aking hubaran, at aking ilagay siya na gaya ng araw na siya'y ipanganak, at gawin ko siyang parang isang ilang, at ilagay ko siyang parang isang tuyong lupa, at patayin ko siya sa uhaw;
4 Oo, sa kaniyang mga anak ay hindi ako magdadalang habag; sapagka't sila'y mga anak sa patutot.
5 Sapagka't ang kanilang ina ay nagpatutot; siya na naglihi sa kanila ay gumawa ng kahiyahiya; sapagka't kaniyang sinabi, Ako'y susunod sa mga mangingibig sa akin, na nangagbibigay sa akin ng aking tinapay at ng aking tubig, ng aking lana at ng aking lino, ng langis ko at ng inumin ko.
6 Kaya't, narito, (C)aking babakuran ng mga tinik ang iyong daan, at ako'y gagawa ng bakod laban sa kaniya, na hindi niya, masusumpungan ang kaniyang mga landas.
7 At siya'y susunod sa mga mangingibig sa kaniya, nguni't hindi niya sila aabutan; at hahanapin niya sila, nguni't hindi niya sila masusumpungan; kung magkagayo'y sasabihin niya, (D)Ako'y yayaon at babalik sa aking unang asawa; sapagka't naging mabuti sa akin kay sa ngayon.
8 Sapagka't hindi niya naalaman (E)na ako ang nagbigay sa kaniya ng (F)trigo, at ng alak, at ng langis, at nagpaparami sa kaniya ng pilak at ginto, na kanilang ginamit kay Baal.
9 Kaya't aking babawiin ang aking trigo sa panahon niyaon, at ang aking alak sa panahon niyaon, at aking aalisin ang aking lana at ang aking lino na sana'y tatakip sa kaniyang kahubaran.
10 At ngayo'y aking ililitaw ang kaniyang kahalayan sa paningin ng mga mangingibig sa kaniya, at walang magliligtas sa kaniya mula sa aking kamay.
11 (G)Akin din namang papaglilikatin ang kaniyang mga kalayawan, ang kaniyang mga kapistahan, (H)ang kaniyang mga bagong buwan, at ang kaniyang mga sabbath, at lahat ng kaniyang takdang kapulungan.
12 At aking iwawasak ang kaniyang mga puno ng ubas, at ang kaniyang mga puno ng higos, na siya niyang sinasabi, Ang mga ito ang aking kaupahan na ibinigay sa akin ng mga mangingibig sa akin; at ang mga yao'y aking gagawing isang gubat, at kakanin ng mga hayop sa parang.
13 (I)At aking dadalawin sa kaniya (J)ang mga kaarawan ng mga Baal, na siya niyang pinagsusunugan ng kamangyan, nang siya'y nagpaparanya ng kaniyang mga hikaw at kaniyang mga hiyas, at sumusunod sa mga mangingibig sa kaniya, at kinalilimutan ako, sabi ng Panginoon.
14 Kaya't, narito, akin siyang hihikayatin, at dadalhin siya sa ilang, at pagsasalitaan ko siyang (K)may pagaliw.
15 At ibibigay ko sa kaniya ang kaniyang mga ubasan mula roon, at (L)ang libis ng Achor na pinakapintuan ng pagasa; at siya'y sasagot doon, gaya ng mga kaarawan ng kaniyang kabataan, at gaya (M)ng araw na siya'y sumampa mula sa lupain ng Egipto.
16 At mangyayari sa araw na yaon, sabi ng Panginoon, na tatawagin mo akong Ishi, at hindi mo na ako tatawaging Baali.[c]
17 Sapagka't aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kaniyang bibig, at siya'y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan.
18 At sa araw na yaon ay ipakikipagtipan ko (N)sila sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na nagsisiusad sa lupa: at (O)aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang pagbabaka sa lupain, at akin silang pahihigaing (P)tiwasay.
19 At ako'y magiging asawa mo magpakailan man; oo, magiging asawa mo ako sa katuwiran, at sa kahatulan, at sa kagandahang-loob, at sa mga kaawaan.
20 Magiging asawa mo rin ako sa pagtatapat; at iyong makikilala ang Panginoon.
21 At mangyayari sa araw na yaon, na (Q)ako'y sasagot, sabi ng Panginoon, ako'y sasagot sa langit, at sila'y magsisisagot sa lupa;
22 At ang lupa'y sasagot (R)sa trigo, at sa alak, at sa langis; at sila'y magsisisagot sa (S)Jezreel.
23 At (T)aking itatatag siya para sa akin sa lupa; at (U)ako'y magdadalang habag sa kaniya na hindi nagtamo ng kahabagan; at (V)aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, Ikaw ay aking (W)bayan; at siya'y magsasabi, Ikaw ay aking Dios.
Footnotes
- Oseas 2:1 Bayan ko.
- Oseas 2:1 Ang kinahabagan.
- Oseas 2:16 Sa makatuwid baga'y Panginoon ko .
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
