Add parallel Print Page Options

Bawat Kataas-taasang Pari ay pinili mula sa mga tao at itinalaga upang mangasiwa sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos para sa kanilang kapakanan—ang maghandog ng mga kaloob at ng mga alay para sa mga kasalanan. May kakayanan siyang makitungo na may kaamuan sa mga mangmang at naliligaw, dahil siya mismo ay mayroon ding kahinaan. Dahil (A) dito ay kailangan niyang maghandog para sa kanyang sariling mga kasalanan, kung paanong kailangan din niyang maghandog para sa kasalanan ng taong-bayan. Hindi (B) maaaring kunin ng sinuman sa kanyang sariling kagustuhan ang karangalan ng pagiging Kataas-taasang Pari malibang siya ay tinawag ng Diyos tulad ni Aaron.

Gayundin (C) si Cristo; hindi niya pinarangalan ang kanyang sarili upang maging Kataas-taasang Pari. Sa halip, siya ay itinalaga ng Diyos na nagsabi sa kanya,

“Ikaw ang Anak ko,
    Ako, sa araw na ito, ang nagsilang sa iyo.”

Sinabi (D) rin niya sa ibang bahagi ng Kasulatan,

“Ikaw ay pari magpakailanman,
    ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”

Noong (E) nabubuhay pa si Jesus dito sa lupa,[a] kalakip ang malakas na pagtangis at pagluha ay naghandog siya ng mga panalangin at mga pakiusap sa Diyos na may kapangyarihang magligtas sa kanya mula sa kamatayan, at siya'y pinakinggan dahil sa kanyang banal na pagpapasakop. Kahit na siya'y Anak, natutunan niya ang pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis. Nang siya ay naging ganap, siya ang pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya; 10 yamang siya'y itinalaga ng Diyos bilang Kataas-taasang Pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek.

Babala Laban sa Pagtalikod sa Pananampalataya

11 Marami pa kaming masasabi tungkol dito ngunit mahirap ipaliwanag dahil mabagal kayong umunawa.[b] 12 Katunayan, (F) sa panahong ito'y dapat tagapagturo na sana kayo; subalit kailangan pa rin ninyong turuan ng mga panimulang aralin ukol sa Salita ng Diyos. Gatas pa rin ang kailangan ninyo, at hindi solidong pagkain. 13 Sapagkat sinumang umaasa pa sa gatas ay hindi pa sanay sa salita ng katuwiran, dahil sanggol pa lamang. 14 Ngunit ang solidong pagkain ay para sa mga nasa hustong gulang, sa kanila na sa palagiang paggamit ay nasanay na sa pag-alam ng pagkakaiba ng mabuti at masama.

Footnotes

  1. Mga Hebreo 5:7 Sa Griyego, sa mga araw ng kanyang laman.
  2. Mga Hebreo 5:11 Sa Griyego, mapurol sa pakikinig.