Habakuk 1-3
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
1 Ito ang mensahe ni Propeta Habakuk na ipinahayag sa kanya ng Panginoon.
Ang Unang Hinaing ni Habakuk
2 Sinabi ni Habakuk, “Panginoon, hanggang kailan po ako hihingi ng tulong sa inyo bago nʼyo ako dinggin? Kailan nʼyo po ba kami ililigtas sa mga karahasang ito? 3 Bakit nʼyo po ipinapakita sa akin ang mga kasamaan at kaguluhan? Kahit saan ay nakikita ko ang pagpapatayan, karahasan, hidwaan at pagtatalo. 4 Kaya naging walang kabuluhan ang kautusan. At wala ring katarungan dahil ang mga taong may kasalanan ang siyang nananalo sa korte, at hindi ang mga taong walang kasalanan. Kaya nababaluktot ang katarungan.”
Ang Sagot ng Dios kay Habakuk
5 Sumagot ang Dios, “Tingnan ninyong mabuti ang mga nangyayari sa mga bansa at talagang magtataka kayo sa inyong makikita. Sapagkat may gagawin ako sa inyong kapanahunan na hindi ninyo paniniwalaan kahit may magbalita pa nito sa inyo. 6 Sapagkat pamamahalain ko ang mga taga-Babilonia,[a] na kilala sa kalupitan at karahasan. Mabilis nilang sinasalakay ang mga bansa sa buong mundo upang agawin ang mga lugar na hindi kanila. 7 Kinatatakutan sila ng mga tao. Ginagawa nila ang gusto nila at walang makakapigil sa kanila. 8 Ang mga kabayo nilaʼy mas mabilis kaysa sa mga leopardo at mas mabangis kaysa sa mga lobo na gumagala sa gabi. Tumatakbo ito mula sa malalayong lugar, parang agilang mabilis na lumilipad para dagitin ang kanyang biktima. 9 Paparating ang kanilang mga sundalo na handang gumawa ng kalupitan. Para silang malakas na hangin mula sa silangan. Ang kanilang mga bihag ay kasindami ng buhangin. 10 Hinahamak nila ang mga hari at mga pinuno. Tinatawanan lamang nila ang mga napapaderang lungsod, dahil kaya nila itong akyatin sa pamamagitan ng pagtambak ng lupa sa tabi nito. Sa ganitong paraan, nakakapasok sila at nasasakop nila ang lungsod. 11 Pagkatapos, aalis sila na parang hangin lang na dumaan. Nagkasala sila, dahil wala silang kinikilalang dios kundi ang sariling kakayahan.”
Ang Pangalawang Hinaing ni Habakuk
12 Sinabi ni Habakuk, “O Panginoon, kayo ay Dios mula pa noon. Kayo ang aking Dios, ang banal na Dios na walang kamatayan. O Panginoon, ang Bato na kanlungan, pinili nʼyo ang mga taga-Babilonia para magparusa sa amin. 13 Dahil banal kayo, hindi nʼyo matitiis na tingnan ang kasamaan at kaguluhan. Pero bakit nʼyo hinahayaan ang mga traydor na taga-Babilonia na gawin ito sa amin? Bakit nʼyo hinahayaang pagmalupitan ang mga taong hindi gaanong masama kung ihahambing sa kanila? 14 Ang kanilang mga kalaban ay ginawa nʼyong parang mga isda na walang pinuno na magtatanggol sa kanila. 15 Masayang nagdiriwang ang mga taga-Babilonia dahil sa pagbihag nila sa kanilang mga kalaban na parang mga isdang nahuli sa bingwit o lambat. 16 At dahil marami silang nabihag, ipinagmamalaki nila ang kanilang kakayahan katulad ng mangingisdang sinasamba ang kanyang bingwit o lambat sa pamamagitan ng paghahandog ng insenso bilang handog sa mga bagay na ito. Dahil sa pamamagitan ng bingwit o lambat ay yumaman siya at nagkaroon ng masaganang pagkain. 17 Kaya Panginoon, magpapatuloy na lang po ba ang kanilang walang awang pagbihag at pagwasak sa mga bansa?”
2 Sinabi ni Habakuk, “Aakyat ako sa tore, sa aking bantayan at hihintayin ko kung ano ang sasabihin sa akin ng Panginoon at kung ano ang kanyang sagot sa aking hinaing.”
Ang Sagot ng Dios kay Habakuk
2 Ito ang sagot ng Panginoon kay Habakuk: “Isulat nang malinaw sa sulatang bato ang pahayag na ito para madaling basahin. 3 Isulat mo muna ito dahil hindi pa dumarating ang takdang panahon para mangyari ito. Ngunit hindi magtatagal at tiyak na mangyayari ito. Kahit magtagal nang kaunti, hintayin mo lang, dahil tiyak na mangyayari ito sa takdang panahon.”
4 Ito ang isulat mo:
“Tingnan mo ang mga taong mapagmataas. Hindi matuwid ang kanilang pamumuhay. Pero ang taong matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pananampalataya.[b] 5 Ang totoo, hindi maaasahan ang kayamanan.[c] At ang mga taong mapagmataas na sakim sa kayamanan ay laging balisa at walang kasiyahan. Tulad nilaʼy kamatayan na hindi makukuntento. Kaya binibihag nila ang maraming bansa. 6 Pero kukutyain sila ng mga bansang iyon sa pamamagitan ng mga salitang ito,
“ ‘Nakakaawa naman kayo, kayong nangunguha ng mga bagay na hindi sa inyo at nagpapayaman sa pamamagitan ng pandaraya. Hanggang kailan pa ninyo ito gagawin? 7 Bigla nga kayong gagantihan ng mga bansang binihag ninyo,[d] at dahil sa kanila ay manginginig kayo sa takot, at sila naman ang sasamsam ng inyong mga ari-arian. 8 Dahil maraming bansa ang sinamsaman ninyo ng mga ari-arian, kayo naman ang sasamsaman ng mga natitirang tao sa mga bansang iyon. Mangyayari ito sa inyo dahil sa inyong pagpatay ng mga tao at pamiminsala sa kanilang mga lupain at mga bayan.
9 “ ‘Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng mga bahay[e] sa pamamagitan ng perang nakuha ninyo sa masamang paraan. Pinatitibay ninyo ang inyong mga bahay upang makaligtas kayo kapag dumating ang kapahamakan. 10 Dahil sa pagpatay ninyo ng maraming tao, kayo rin ay papatayin at wawasakin ang inyong mga bahay.[f] 11 Ang mga bato ng pader at ang mga biga ng bahay ay parang tao na hihingi ng tulong dahil mawawasak na ang buong bahay.
12 “ ‘Nakakaawa kayo, kayong nagpapatayo ng lungsod sa pamamagitan ng kalupitan. Handa kayong pumatay maitayo lamang ito. 13 Pero ang mga ipinatayo ninyo sa mga tao na binihag ninyo ay susunugin lang, kaya mawawalan ng kabuluhan ang inyong pinagpaguran. Itinakda na iyan ng Panginoong Makapangyarihan. 14 Sapagkat kung paanong ang karagatan ay puno ng tubig, ang lahat ng tao sa mundo ay mapupuno rin ng kaalaman tungkol sa kadakilaan ng Panginoon.
15 “ ‘Nakakaawa kayo! Sa inyong poot ay ipinahiya ninyo ang inyong mga karatig bansa. Parang nilalasing ninyo sila upang makita ninyo silang huboʼt hubad. 16 Ngayon kayo naman ang ilalagay sa kahihiyan sa halip na parangalan, dahil parurusahan kayo ng Panginoon. Kayo naman ang paiinumin niya sa tasa ng kanyang galit, at kapag lasing na kayo, makikita ang inyong kahubaran[g] at malalagay kayo sa kahihiyan. 17 Pinutol ninyo ang mga puno sa Lebanon, at dahil dito, namatay ang mga hayop doon. Kaya ngayon, kayo naman ang pipinsalain at manginginig sa takot. Mangyayari ito sa inyo dahil sa pagpatay ninyo ng mga tao at pagpinsala sa kanilang mga lupain at mga bayan.
18 “ ‘Ano ang kabuluhan ng mga dios-diosan? Gawa lang naman ang mga ito ng tao mula sa kahoy o metal, at hindi makapagsasabi ng katotohanan. At bakit nagtitiwala sa mga dios-diosang ito ang mga taong gumawa sa kanila? Ni hindi nga makapagsalita ang mga ito? 19 Nakakaawa kayong nagsasabi sa rebultong kahoy o bato, “Gumising ka at tulungan kami.” Ni hindi nga iyan makapagtuturo sa inyo. At kahit pa balot iyan ng ginto at pilak, wala namang buhay. 20 Pero ang Panginoon ay nasa kanyang banal na templo. Kaya ang buong mundo ay manahimik sa kanyang presensya.’ ”
Ang Panalangin ni Habakuk
3 Ito ang panalangin ni Propeta Habakuk:[h] 2 “Panginoon, narinig ko po ang tungkol sa inyong mga ginawa, at ako ay lubos na humanga sa inyo. Gawin nʼyong muli sa aming panahon ang ginawa nʼyo noon. At sa araw na ipadama nʼyo ang inyong galit, maawa kayo sa amin.
3 “Ikaw ang Banal na Dios na darating[i] mula sa Teman at sa Bundok ng Paran.[j] At ang inyong kadakilaan ay makikita sa kalangitan, at dahil dito pupurihin kayo ng mga tao sa mundo. 4 Darating kayong kasingliwanag ng araw; may sinag na lumalabas sa inyong mga kamay kung saan nakatago ang inyong kapangyarihan. 5 Darating kayong may dalang mga salot. 6 Kapag tumayo kayo ay nayayanig ang mundo, at kapag tumingin kayo ay nanginginig sa takot ang mga bansa at gumuguho ang sinaunang kabundukan at kaburulan. Ang inyong mga pamamaraan ay mananatili magpakailanman. 7 Nakita kong nagiba ang mga tolda sa Cushan at sa Midian.
8-9 “Panginoon, tulad kayo ng sundalong nakasakay sa karwahe na nagbibigay tagumpay sa labanan. Nakahanda na kayong pumana. Pero sino ang inyong kinapopootan? Ang mga ilog ba at ang mga dagat? Ang mga ilog ba at ang mga dagat? Pinabitak nʼyo ang lupa at lumabas ang tubig. 10 Ang mga bundok ay parang mga tao na nanginig nang makita nila kayo. Umulan nang malakas; umugong ang tubig sa dagat at lumaki ang mga alon. 11 Tumigil ang araw at ang buwan sa kanilang kinaroroonan sa kislap ng nagliliparan nʼyong pana at kumikinang nʼyong sibat.[k]
12 “Sa inyong matinding galit ay tinapakan nʼyo ang mundo at niyurakan ang mga bansa, 13 upang iligtas ang mga taong pinili ninyo. Pinatay nʼyo ang pinuno ng masamang kaharian, at lubusang nilipol ang lahat ng kanyang tagasunod. 14 Tinuhog nʼyo ng sarili niyang sibat ang ulo ng pinuno ng kanyang mga kawal. Ginawa nʼyo ito nang kami ay kanilang salakayin na parang buhawi upang kami ay pangalatin. Sapagkat kagalakan nila na lipulin kaming mga kawawang nagtatago dahil sa takot. 15 Para kayong sundalo na nakasakay sa kabayong nagtatatakbo sa karagatan hanggang sa lumaki ang mga alon.”
16 Sinabi ni Habakuk, “Nang marinig ko ang lahat ng ito, nanginig ang aking buong katawan at nangatal ang aking mga labi dahil sa takot. Nanghina ako at nangatog ang aking mga tuhod. At dahil sa ipinahayag na ito ng Panginoon, matiyaga kong hihintayin ang takdang panahon ng pagpaparusa niya sa mga sumalakay sa amin. 17 Kahit hindi mamunga ang mga puno ng igos, ubas, o ang kahoy ng olibo, at kahit walang anihin sa mga bukirin, at kahit mamatay ang mga alagang hayop sa kanilang mga kulungan, 18 magagalak pa rin ako dahil ang Panginoong Dios ang nagliligtas sa akin. 19 Siya ang nagbibigay sa akin ng kalakasan. Pinalalakas niya ang aking mga paa na tulad ng mga paa ng usa, upang makaakyat ako sa matataas na lugar.”[l]
Footnotes
- 1:6 taga-Babilonia: sa literal, taga-Caldeo. Ito ang tawag kung minsan sa mga taga-Babilonia.
- 2:4 Pero … pananampalataya: o, Pero ang itinuring na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya ay mabubuhay.
- 2:5 kayamanan: Ito ang nasa Dead Sea Scrolls. Sa ibang tekstong Hebreo, alak.
- 2:7 mga bansang binihag ninyo: sa literal, ang inyong mga inutangan; o, ang mga nangutang sa inyo.
- 2:9 nagpapatayo … bahay: o, nagpapalago ng kaharian.
- 2:10 bahay: o, kaharian.
- 2:16 makikita ang inyong kahubaran: sa literal, makikita ang inyong mga ari na hindi tuli. Sa iba namang lumang teksto, susuray-suray kayo.
- 3:1 Sa Hebreo ay may karugtong pang “ayon sa ‘Shigionot’,” na hindi naman malinaw ang ibig sabihin. Maaaring ang ibig sabihin nito ay kung paano aawitin ang nasabing panalangin o kaya, anong instrumento ang gagamitin kapag inawit ito.
- 3:3 darating: o, dumating.
- 3:3 Teman at sa Bundok ng Paran: Itoʼy mga lugar sa gawing timog ng Juda na bahagi ng mga lugar na dinaanan ng mga Israelita noong lumabas sila sa Egipto, kung saan kanilang naranasan ang presensya ng Panginoon.
- 3:11 Ang ibig sabihin, natakpan ng ulap ang araw at ang buwan kaya hindi nadaig ng kanilang liwanag ang liwanag ng kidlat.
- 3:19 sa Hebreo ay may karugtong pang “Sa direktor ng mga mang-aawit: Gamitin ang mga instrumentong may kwerdas.” Tingnan ang footnote sa 3:1.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®